close
Pagnilayan Natin

Handa na ba kayo?

Ngayong Unang Linggo ng Adbiyento, sa pagsisimula ng bagong taong liturhikal, tayo’y inaanyayahang magnilay kung gaano tayo kahanda.

May mga tanong na dumaraan lang sa ating tenga at may mga tanong din na diretso sa puso. Isa na rito ang madalas nating marinig kapag papalapit ang Pasko, (at sa telebisyon rin): Handa na ba kayo?

Hindi ito tungkol sa Christmas lights o Noche Buena, bagkus it ay tanong kung gising ba ang ating puso sa pagdating ng Panginoon. Tanong ito kung handa ba tayong salubungin Siya sa oras na hindi natin inaasahan.

Sa Ebanghelyo, ipininta ni Hesus ang isang mundong abala sa araw-araw. Mga lalaking abala sa bukid, mga babaeng gumigiling ng harina—normal na takbo ng buhay. Ganoon din sa panahon ni Noe: kasalan, kainan, inuman. Walang dramatikong palatandaan, ngunit sa gitna mismo ng ordinaryo dumating ang baha.

Ibig sabihin, ang paghahanda sa Diyos ay hindi hiwalay sa araw-araw. Nagsisimula ito sa pagiging tapat sa simpleng gawain, sa pagiging makatarungan sa trato sa kapwa, sa pagiging mapagmatyag sa kung saan maaaring sumingit ang liwanag ng Diyos sa gitna ng magulong mundo.

Ipinapakita naman ng Unang Pagbasa mula kay Isaias ang imahen ng mataas na bundok ng tahanan ng Diyos—isang bukas na imbitasyon. Inaanyayahan Niya tayong umakyat at tanggapin ang Kanyang turo. At ang umaakyat ay hindi lang humahanap ng karunungan; sila ang bumababa sa kapatagan dala ang liwanag na may kakayahang magbago ng lipunan.

Dito nagsisimulang makita ang dimensyong pampubliko ng ating pananampalataya: ang pagsamba ay hindi pag-iwas sa mundo, kundi paghahanda upang baguhin ito.

Ito rin ang awit ng salmista: “Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.” Ang Jerusalem ay hindi lang lungsod; ito ay simbolo ng kapayapaan, pagkakaisa at katarungan.

Ang paglapit sa Diyos ay pagnanais na hubugin ang puso upang pagsilbihan ang komunidad sa paraang mapayapa at makatarungan. Ang tunay na debosyon ay hindi nagtatapos sa altar kundi bumabalik sa lansangan.

Kaya malinaw ang panawagan ni San Pablo sa mga taga-Roma (at sa atin na rin): Gumising na kayo! Malapit na ang araw! Para kay Pablo, ang pagdating ni Kristo ay nagdadala hindi ng takot kundi katiyakan.

Ang paghahanda ay isang pagsasabuhay kay Kristo, na makikita kung paano natin tratuhin ang kapwa natin, sa pag-iwas sa kasamaan at sa pagpili sa kabutihan na may epektong mabuti sa pamilya, trabaho, komunidad at lipunan.

Sa puso ng Adbiyento ay ang tinatawag nating patient impatience. Patient dahil alam nating tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako. Impatient dahil tinatawag tayong kumilos ngayon.

Sa bawat pagkakataong nagpapatawad tayo, nagtutulak ng katarungan, nagbibigay-boses sa hindi naririnig at lumalaban para sa kapayapaan, kahit maliit na hakbang lang, sinisilayan na natin ang paghahari ng Diyos.

Ngayong Unang Linggo ng Adbiyento, sa pagsisimula ng bagong taong liturhikal, tayo’y inaanyayahang magnilay kung gaano tayo kahanda. Na kung biglang dumating si Kristo sa gitna ng ating ginagawa, na kung tayo’y kanyang sinalubong sa ating kinaroroonan, handa ba tayo?

Nawa ang sagot ay hindi lang oo sa salita kundi oo sa paraan ng ating pamumuhay. Sa atin magsimula ang liwanag upang sa atin din magsimula ang pagdating ng kaharian ng Diyos.