close
Editoryal

2026 National (Corruption) Budget


Magugulat pa ba tayo at iisiping natuto na ang administrasyon? Hanggang ngayon, wala pa ring napapanagot sa mga mambabatas mula sa mga kontrobersiya ng flood control. Hindi napapanagot ang pangulo sa kanyang papel dito at sa mga pondong binulsa ng kanyang opisina.

Kahit sinong matinong tao, matapos ang pagputok ng isyu ng korupsiyon sa nakaraang taon, magdadalawang isip muna bago higit pang pagtibayin ang katiwalian sa 2026, ‘di ba?

Mukhang hindi ganoon ang gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr.

Sinimulan ni Marcos Jr. ang taon sa pagpirma ng 2026 General Appropriations Act na may P6.7 trilyon na aprubadong pondo.

Ang sabi ng pangulo, tinapyas o na-veto naman ang P92.5 bilyon na pork barrel.

Pero nakapaloob pa rin sa higanteng pondo ang minimum na P243 bilyon na bulnerable sa korupsiyon. Pangunahin ito sa anyo ng confidential funds, unprogrammed appropriations at “allocables.” Sa madaling salita, mga gastusin ito na mga opisyal ang magtatakda kung paano gagamitin at hindi sila obligadong iulat ang mga detalye sa publiko.

Ang unprogrammed appropriations ay kadalasan napupunta sa mga pet project ng mga politiko kung saan napakadaling magpalobo ng umano’y ginastos. Kasangkapan naman ang confidential funds sa mga usaping sa seguridad. Matatandaang inubos nga ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte ang P125 milyon niyang pondo na ganito sa loob ng 11 araw noong 2022 nang hindi sinasabi kung saan napunta.

At ang allocables naman ang tinaguriang “bagong pork barrel,” sapagkat kumporme sa kagustuhan ng mga politiko sa proyektong pang imprastruktura kasapakat mga ahensiya gaya ng Department of Public Works and Highways.

Magugulat pa ba tayo at iisiping natuto na ang administrasyon? Hanggang ngayon, wala pa ring napapanagot sa mga mambabatas mula sa mga kontrobersiya ng flood control. Hindi napapanagot ang pangulo sa kanyang papel dito at sa mga pondong binulsa ng kanyang opisina. Protektado pa rin ang mga politiko, gaya ng anak niyang si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, mula sa anumang pananagutan.

Binawasan naman ni Marcos Jr. ang iba pang mahahalaga sanang bahagi ng badyet. Binawasan nito ng P43.2 bilyon ang nakalaan sana para sa suweldo at benepisyo ng mga kawani at empleyado ng gobyerno.

Sa kabilang banda, labis-labis naman ang panggastos na nakalaan para sa militar. Nasa P430.6 bilyon ang kabuuang badyet, doble ng nakalaan para sa serbisyong panlipunan kagaya ng ayuda at iba pang programa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.

Kabilang sa gastusin ng militar ang mahigit P8 bilyon para lang sa National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). Sa pagtatapos ng 2025, sinabi ng Armed Forces of the Philippines na kakaunti na lang ang puwersa ng New People’s Army at madali na itong durugin.

Kung iilan na lang pala ang mga rebelde, bakit kailangang pang triplehin ang pondo ng NTF-Elcac? Amoy kickback na naman sa bulsa ng mga heneral.

Kung inipon sana itong sobrang pondo sa pangungurakot at panunupil para gamitin sa edukasyon, pabahay, suporta sa magsasaka, ayuda at iba pa, e ‘di ang laking tulong sana ano?

Walang pinag-iba ang kalakaran ng mga kurakot mula nang maupo si Marcos Jr. hanggang sa kasalukuyan. Ilang ulit na silang nagpalabas sa taumbayan, nagmamalinis at nagbabait-baitan. Pero malinaw sa patakaran ang kawalang pananagutan at patuloy na pagnanakaw.

Hindi dagdag serbisyo ang hatid ng 2026 National Budget, kundi dagdag kasalanan sa taumbayan.