close
Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Liwanag sa laylayan

Kapag ang Salita ay tunay na nananahan, may iniiwan. May binabago. May bagong direksiyong tinatahak.

Isa sa naging buzzwords sa panahon ng ni Papa Francisco ay ang salitang “peripheries” o “margins.” Para sa akin, napakaganda ng salin nito sa Tagalog: mga nasa laylayan.

At hindi lang ito tumutukoy sa mga taong nasa gilid ng ating pamayanan, kundi pati sa mga laylayang eksistensiyal. Ito ang karanasan ng kasalanan, sakit at pagdurusa, kawalang katarungan, kamangmangan at kawalang malasakit sa pananampalataya, at lahat ng uri ng paghihirap na madalas ay hindi na napapansin o sadyang iniiwasan.

Sa unang pagbasa mula sa Propeta Isaias, mas maiiintindihan natin ang laylayan. Ang Zabulon at Neftali ay hindi sentro ng kapangyarihan o kabanalan. Sa mga nagdaang araw, inilagay sila sa kahihiyan. Ito ang mga lupang unang nasakop, madaling nalimutan at madalas maliitin.

Kaya napakalakas ng pangako ng Diyos: “Nakatanaw ng isang malaking liwanag ang bayang malaon nang nasa kadiliman; namanaag na ang liwanag sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.” Ang liwanag na ito’y hindi ibinigay sa mga nasa itaas, kundi sa mga matagal nang nasa anino.

Ito rin ang dahilan kung bakit malinaw kay San Mateo kung saan nagsimula si Hesus. Hindi sa Jerusalem, hindi sa Nazaret: kundi sa Capernaum, sa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali, sa Galilea ng mga Hentil.

Isang lugar na masasabi nating crossroads, ng halo-halong kultura, ng mga taong madalas hindi sigurado kung sila ay kabilang. Dito natupad ang sinabi ng propeta: “Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman, sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw.”

Hindi rin nagkataon na ngayong Linggo ay ipinagdiriwang natin ang Sunday of the Word of God na may temang “Manahan nawa sa inyo ang Salita ni Kristo.”

Ang liwanag na ito’y hindi lang mensahe na pinakikinggan, kundi Salitang piniling manahan. Nananahan ito sa gitna ng ating mga kuwento, sugat at pakikibaka. Ang Salita ay hindi nananatili sa loob ng simbahan. Naghahanap ito ng anyo sa ating pamumuhay sa mundo.

Ipinapakita ng Salmo ang panloob na lakas ng taong tinanggap ang Salitang ito: “Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.” Hindi nito agad binubura ang takot, ngunit binibigyan tayo ng tapang upang maghintay at magtiwala. “Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala; tayo ay umasa sa kanyang kalinga!”

May babala si San Pablo sa ikalawang pagbasa. Ang pamayanan sa Corinto ay nahati-hati. “Kay Pablo ako,” “Ako’y kay Apolos,” “Kay Pedro ako.” Mga taong bininyagan at nakarinig ng Mabuting Balita, ngunit hinayaang manaig ang pagkakampi-kampi.

Kaya ang tanong ni Pablo ay nananatiling mapanuri: “Bakit? Nahahati ba si Kristo?” Kapag ang Salita ni Kristo ay hindi na sentro ng ating pananalita, isipan at layunin, madaling pumasok ang alitan at galit.

Sa ganitong kalagayan ng ating lipunan, puno ng pagkakahati at polarisasyon, mahalagang itanong kung tayo ba ay nagiging liwanag sa ating mga kapatid na nasa laylayan o tayo mismo ay nadadala rin sa mga hidwaang lalo lang nagpapalalim ng dilim. Ang ating mga salita ba ay nagbubukas ng pag-asa o lalo lang nagpapalayo? Ang ating mga paninindigan ba ay naghihilom o lalo pang naghahati?

Sa Ebanghelyo, mapapansin natin na hindi nakipagtalo si Hesus upang maghari. Siya ay nangaral at pagkatapos ay tumawag. Mga mangingisdang nasa gitna ng trabaho, may lambat sa kamay. At “agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.” Kapag ang Salita ay tunay na nananahan, may iniiwan. May binabago. May bagong direksiyong tinatahak.

Kaya sa Linggo ng Salita ng Diyos, ang tanong ay hindi lang kung naririnig natin ang Ebanghelyo o may hawak tayong Bibliya.

Ang mas malalim na tanong ay ito: Kung tunay na nananahan sa atin ang Salita ni Kristo, nagiging liwanag ba tayo sa mundong nahahati at sugatan? Sapagkat doon, sa gitna ng dilim at sa mga nasa laylayan, patuloy na nagsisimula ang Diyos.