Tulad ng isang bata
Ang tunay na kadakilaan ay nasa kababaang-loob at ang tunay na pananampalataya ay nasusukat sa pagsunod na nagiging mabuting halimbawa.
Kapistahan ng Panginoong Hesus, Ang Banal na Sanggol – Isaias 9:1-6| Salmo 97 | Efeso 1:3-6, 15-18 | Mateo 18:1-5, 10
Isa sa mga paborito kong panahon sa ating kalendaryo sa Simbahan ay ang nagaganap sa pagitan ng pagtatapos ng Pasko ng Pagsilang at ng simula ng Karaniwang Panahon, bandang Enero.
Dito makikita ang dalawang imahen ng iisang Panginoon nating si Hesus: ang Emmanuel na kasa-kasama natin sa hirap at pagdurusa—ang Señor Jesus Nazareno, ang Hari ng Quiapo, na ipinagdiriwang tuwing Ene. 9—at ang minamahal na bato-balani sa gugma, ang munting Hari: ang Señor Santo Niño de Cebu, na ipinagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng Enero.
Iisang Diyos, iisang Kristo, ngunit dalawang mukha ng pananampalatayang Pilipino na patuloy na sumasabay sa ating paglalakbay sa buhay.
Sa unang tingin, tila magkaiba ang dalawang debosyon. Ang Nazareno ay duguan, pasan ang mabigat na krus, tahimik sa gitna ng paghihirap. Ang Santo Niño naman ay nakangiti, bihis na bihis, hawak ang mundo sa Kanyang kamay.
Ngunit sa liwanag ng Mabuting Balita, unti-unting lumilinaw na ang dalawang mukhang ito ay hindi magkasalungat, kundi iisang salamin ng puso ng Diyos. Kapwa sila mukha ng kababaang-loob at pagsunod. Sapagkat sa kaharian ng Diyos, ang dakila ay hindi ang pinakamalakas o pinakakilala, kundi ang marunong magpakababa—tulad ng isang bata.
Madalas nating marinig ang paanyayang ito: “maging tulad ng bata.” Karaniwan nating iniisip ang pagiging inosente, mapagtiwala at bukas ang loob. Totoo iyon.
Ngunit may mas mabigat na bahagi ang Ebanghelyo na hindi dapat palampasin: ang babala ni Hesus laban sa mga nagiging sanhi ng pagkatisod ng mga bata. Hindi lang ito tumutukoy sa pisikal na mga bata, kundi sa lahat ng “maliliit”—yaong marupok ang loob, madaling masaktan at madaling panghinaan ng loob sa pananampalataya.
Kaya tuwing may mga pangyayaring nagdudulot ng kalituhan—kung saan tila may mas pinapaboran at may mas napipigilan—hindi agad tayo tinatawag ng Ebanghelyo upang humusga ng tao. Mas malalim ang tanong na inihahapag nito: Anong uri ng halimbawa ang ating naibibigay?
Kung tayo ay mga anak, paano tayo mamumuhay bilang mga anak? Anong mukha ng Diyos ang ating ipinapakita sa kapwa natin anak ng Diyos?
Kapag may batang nakamasid, kapag may simpleng taong gustong manalangin, kapag may mahirap na naghahanap ng lugar sa harap ng Diyos, ano ang kanilang natututunan tungkol sa Diyos at sa Simbahan? Ang ating mga kilos ba ay nagsasalamin ng Diyos na mapagpakumbaba at masunurin o ng kapangyarihang nagpapalayo at nakalilito?
Kung babalikan natin ang unang pagbasa, tila ibinabalik tayo sa diwa ng Pasko: liwanag sa gitna ng dilim, isang sanggol na ibinigay sa atin. Ngunit ang batang ito’y hindi lang simbolo ng lambing.
Siya ang Emmanuel—ang Diyos na piniling pumasok sa ating kasaysayan sa daan ng kahinaan at pagsunod. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan na nagtatatag ng kaharian hindi sa dahas, kundi sa katarungan at katuwiran.
Kaya ang pagiging childlike ay hindi pagiging mababaw o pabaya, kundi pagiging bukas at handang sumunod sa liwanag ng Diyos na patuloy na kumikilos sa mundo.
Ito rin ang sinasabi ng Salmo: sa bawat sulok ng daigdig, namamalas ang tagumpay ng Nagliligtas. Ngunit ang tagumpay na ito ay hindi ipinipilit, ito’y ipinakikita. Hindi ito inaangkin, kundi ibinabahagi—lalo na sa mga madalas hindi napapansin.
At sa ikalawang pagbasa, pinaaalalahanan tayo ni San Pablo na tayo’y hinirang, minahal at inampon bilang mga anak ng Diyos. Bago pa tayo kumilos, bago pa tayo maging karapat-dapat, una tayong minahal.
Kaya malinaw ang hamon: Kung tayo ay mga anak, paano tayo mamumuhay bilang mga anak? Anong mukha ng Diyos ang ating ipinapakita sa kapwa natin anak ng Diyos?
Sa huli, dito nagtatagpo ang Santo Niño at ang Nazareno. Ang munting Hari na buhat-buhat natin ay Siya ring Kristong bumagsak at muling tumindig sa lansangan ng Quiapo. Si Hesus na ginawang halimbawa ng kababaang-loob ang isang bata ay Siya ring Anak na nagpakababa hanggang sa krus.
Iisa ang paanyaya: ang tunay na kadakilaan ay nasa kababaang-loob at ang tunay na pananampalataya ay nasusukat sa pagsunod na nagiging mabuting halimbawa.
Nawa’y sa lahat ng ating ginagawa, sa bawat pagkakataong tayo’y nakikita—lalo’t lalo na ng mga bata at ng mga mahihina—si Kristo ang kanilang masilayan: ang Diyos na mapagpakumbaba, masunurin, at laging nag-aanyaya, hindi naglalayo.