Natatanging Progresibo ng 2025
Ilang ulit nagsama-sama at nanindigan ang laksa-laksang mamamayan para singilin ang mga makapangyarihang institusyon at mga lider na hugas-kamay. Kaya’t ganoon na lang kahalaga ang pagpaparami at pagpapalakas ng mga makakasama sa laban para sa ating mga karapatan.
2020 | 2021 | 2022 | 2023 | 2024
Narinig n’yo ba? Noong 2025, dumagundong sa iba’t ibang sulok ng daigdig ang panaghoy para sa hustisya—sa krisis sa klima, krisis sa korupsiyon at kawalang pananagutan, hanggang sa henosidyo at paglapastangan sa mga karapatang pantao.
Ilang ulit nagsama-sama at nanindigan ang laksa-laksang mamamayan para singilin ang mga makapangyarihang institusyon at mga lider na hugas-kamay. Kaya’t ganoon na lang kahalaga ang pagpaparami at pagpapalakas ng mga makakasama sa laban para sa ating mga karapatan. Hindi pa tapos ang singilan.
Natatanging Progresibong Pagkilos

Baha sa Luneta at iba pang mga protesta kontra-korupsiyon sa buong bansa. Daang libo ang nakiisa sa indignasyon sa korupsiyon sa buong bansa noong Set. 21 at Nob. 30. Lahat, galit sa rebelasyon ng kasuklam-suklam na pagnanakaw sa kaban ng bayan. Mula sa mga flood control project, mga delayed at substandard na mga kalsada, paaralan at health care unit—bilyon na ang kinukuha mula sa karaniwang Pilipino. Sa mga pagkilos sa buong bansa, nagkaisa ang iba’t ibang mga sektor para singilin ang gobyerno. Mahalaga ngayon na magpatuloy ito hangga’t hindi pa nananagot ang mga nasa tuktok.
Espesyal na pagkilala: Strike ng Nexperia Philippines Incorporated Workers Union (NPIWU). Pinangunahan ng unyon ang welga ng mga manggagawa na resulta ng deadlock sa CBA, na nagpatigil sa produksiyon ng multi-bilyong korporasyon sa loob ng apat na araw. Sa kabila ng mga atake sa pag-uunyon, kasama na ang pagsibak sa trabaho at red-tagging, itinuloy ng NPIWU ang tindig para sa makataong sahod at sitwasyon sa paggawa. Nagbigay inspirasyon rin sila sa iba pang mga unyon at mga manggagawa sa bansa.
Mga nominado: Iglap-protesta dahil sa pagpapaaresto ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte; Mga protesta para ilitaw ang mga desaparecido at palayain ang mga bilanggong politikal; Walkout ng UP Diliman at iba pang pamantasan kontra korupsiyon; Mga fluvial protest ng Pamalakaya laban sa mapanirang mga proyekto sa baybayin; at protesta at paaralang bayan ng Baguio City para sa public market at laban sa tangkang corporate takeover ng SM Prime Holdings.
Natatanging Progresibong Organisasyong Masa

Rise Up for Life and for Rights (Rise Up). Para sa mga nawalan ng mahal sa buhay, hindi madali na paulit-ulit ikuwento at panindigan ang katotohanan sa pagkasawi ng mga kaanak. Pero para sa Rise Up for Life and for Rights, kailangan itong gawin para tuluyan nang mapanagot ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, partikular siya bilang mastermind ng war on drugs na sa totoo ay giyera laban sa mahihirap. Nagbibigay espasyo rin para sa suporta at pagpapatibay ng loob ng mga kaanak ang Rise Up.
Mga nominado: Wyeth Philippines Progressive Workers Union – tumitindig para sa karapatang ng unyon at ng iba pang mga kapwa-manggagawa at unyonista; Nexperia Phils. Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU) – pinangunahan ng unyon ang welga ng mga manggagawa na resulta ng deadlock sa CBA, na nagpatigil sa produksiyon ng multi-bilyong korporasyon sa loob ng apat na araw; Pamalakaya Pilipinas – para sa nagpapatuloy na katapangan sa kabila ng tumitinding pandarahas sa mga komunidad sa baybayin; National Union of Peoples’ Lawyers – dahil sa buong lakas na pagtindig kasama ang mga sektor, tulad ng mga kabataang inaresto at alternatibong midya na pinatatahimik; Alliance of Concerned Teachers – para sa walang-patid na pagdepensa sa karapatan ng buong sektor ng edukasyon; Kalikasan PNE – para sa masigasig na pagbahagi ng kaalaman ukol sa mga krisis sa kalikasan at krisis sa klima; at ang Tambisan sa Sining – sa masikhay na pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga cultural worker.
Natatanging Progresibong Lider-Masa

Ma. Kristina Conti, secretary general ng National Union of Peoples’ Lawyers NCR at assistant to counsel sa ICC ng mga biktima ng EJK. Matalas ang tasa at matibay ang loob ni Conti sa harap ng kaliwa’t kanang atake sa mga biktima ng extrajudicial killings at sa katotohanan ng kanilang mga danas. Hindi na lingid sa kaalaman ng marami ang troll network na ginagamit online para atakihin ang mga biktima at mga kasangga nila tulad ni Conti. Sa kabila ng lahat ng ito, nasasagot niya nang malinaw ang anumang tangka na pagpapalabnaw sa isyu at nananatili siyang sandigan ng mga kaanak ng biktima.
Mga nominado: Llore Pasco, ina ng dalawang biktima ng extrajudicial killings at katuwang ng mga kapwa ina na nawalan; David San Juan, tagapagsalita ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot; Jerome Adonis, chairperson ng Kilusang Mayo Uno; Ruby Bernardo, Alliance of Concerned Teachers president; Geraldine Cacho, tagapangulo ng Tongtongan ti Umili; Joaquin Buenaflor, chairperson ng UP Diliman University Student Council; Tiffany Brillante, chairperson ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral; Mary Ann Castillo, pangulo ng NPIWU-NAFLU-KMU; at si Joms Salvador, vice chairperson ng Gabriela at incoming regional director ng Asia Pacific Forum on Women, Law and Development.
Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon

Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Hindi matatawaran ang pag-oorganisa ng KBKK sa mga Baha sa Luneta, kahit pa sinubukan itong harangin ng gobyerno. Bukod sa pagiging lunsaran ng mga panawagan, nagsilbi ring espasyo para sa diskurso at talakayan ang mga protesta. Makikita ang parehong kalakasan sa kung paano tumutugon ang KBKK sa mga tanong ukol sa magiging rekurso para sa tunay na katarungan, sa nagpapatuloy na mga imbestigasyon, at sa iba pang pagsisinsin ng posisyon.
Mga nominado: Philippines-Palestine Friendship Association; Water for the People Network; Tanggol Bayi; Youth Rage Against Corruption; TAMA NA; Film Workers Against Corruption; Kabataan Kontra Kurakot (KKK); Alyansa Laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis (AKAB).
Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagkilos

Gen Z uprising sa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Nepal, Indonesia, Pilipinas, Madagascar, atbp. Makasaysayan ang taon na ito para sa kabataang lumalaban. Bago pa ang 2025, kasangga na ang kabataan laban sa kurakot na mga gobyerno at ‘di makataong mga polisiya sa buwis at iba pa. Ngayong taon, sumiklab ang protesta ng libo-libo sa iba’t ibang bahagi ng mundo na may kapansin-pansing paggamit ng Jolly Roger flag mula sa sikat na palabas na “One Piece.” Iba-iba mang bansa, iisa ang mensahe: hindi hahayaan ng kabataan na nakawin ang kanilang bukas.
Mga nominado: Global Sumud Flotilla tungong Palestine; Protesta ng mga indigenous group sa COP30; No Kings protests sa US; International People’s Tribunal on Palestine sa Barcelona; Kampanya para i-boykot ang Frankfurt Book Fair; at mga strike ng mga manggagawa at unyonista sa buong mundo, tulad ng port workers sa Australia, mga unyonista sa Belgium, sa Greece, France, at kahit sa Pilipinas.
Natatanging Progresibong Desisyon o Panukala

Arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Nabigla man ang marami sa pagkaaresto at pagdala kay Duterte sa The Netherlands, matagal na panahon na ang hinintay ng mga biktima ng giyera kontra droga para masimulan ang pagpapanagot sa dating pangulo. Mula sa pangmamaliit ni Duterte sa karapatang pantao noong nakalulok pa, hanggang sa red-tagging niya sa mga tanggol-karapatan kahit wala na sa posisyon—malinaw na noon pa man na alam ng dating pangulo ang kapangyarihan niya sa sariling bansa. Kaya ganoon na lang kahalaga na matuloy ang mga pagdinig sa ICC habang nananatili siya roon.
Mga nominado: House Bill No. 4420 o Climate Accountability (Clima) Bill; Pag-dismiss ng Laoang Regional Trial Court Branch 21 sa kasong murder laban kina Frenchie Mae Cumpio at pag-void ng Court of Appeals sa kanilang civil forfeiture case; Muling pagpanukala sa Anti-Dynasty Bill at mas umiingay na suporta rito; Advisory opinion ng International Court of Justice ukol sa mga obligasyon ng mga estado sa isyu ng climate change; Pagpapawalang-bisa ng Quezon City Regional Trial Court Branch 104 sa memorandum ng National Telecommunications Commission na nag-block sa 27 websites, kasama ang Bulatlat at Pinoy Weekly; Certificate of Finality and Entry of Judgment ng Comelec sa diskuwalipikasyon ng Duterte Youth Partylist; House Bill No. 6913 ng Makabayan bloc na naglalayong amyendahan ang party-list system para hindi posible ang nominasyon ng may koneksiyon sa mga kontraktor at may mga kapamilya sa gobyerno; Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) bill na magiging daan para “mas magkaroon ng pangil” ang ICI; at utos ng Korte Suprema na ibalik ang P60 bilyon pondo ng PhilHealth na inilipat sa national treasury.
Natatanging Progresibong Opisyal ng Gobyerno

Pasig City Mayor Vico Sotto, para sa kanyang call-out sa mga tax offender at mga polisiya sa Pasig na nagpapakita ng transparency sa pamamahala. Paulit-ulit nang sinabi ni Sotto na hindi siya dapat tingnan bilang pag-asa ng pamamahala sa Pilipinas (dahil mas maigi raw na siguruhing may pagkakataon ang paparating na henerasyon ng mga lider, kaysa iisang tao). Pero hindi matatawaran ang matapang niyang pagsiwalat sa maanomalyang mga kontrata sa sariling lungsod, at mga tao sa likod nito tulad ng mga Discaya. Nailatag niya ang impormasyon sa social media nang may sapat na datos at pruweba. Para sa marami, naging gabay pa ito para mabantayan ang mga kasunduan at proyekto sa kani-kanilang mga komunidad.
Mga nominado: Mayors for Good Governance na naglalayong paigtingin ang paglaban sa korupsiyon; Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, na sinisikap linisin ang kagawaran; at Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) Executive Director Jose A. Torres Jr. na kaisa sa panawagan laban sa karahasan sa mga peryodista.
Natatanging Progresibong Mambabatas

Rep. Renee Co ng Kabataan Partylist, para sa kanyang masinsing pagtatanong ukol sa paggasta ng badyet ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte, kasama ang hindi pa napapanagutang paggastos ng confidential funds. Bilang boses ng kabataang Pilipino sa Kongreso, muling iniligay ni Co sa sentro ng mga usapan ang natabunan nang isyu ng milyones na hindi pa napapanagutan ng opisina ni Sara Duterte, na isa sa mga basehan ng ipinasang Articles of Impeachment ng nagdaang Kongreso. Sa malinaw na pagtatanong ni Co, tanging patutsada lang sa kanyang apelyido ang nasagot ng bise bilang muling paglilihis sa isyu.
Mga nominado: Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist, na isa sa mga pinakamalakas na boses kontra-katiwalian sa mga flood control project at iba pang proyekto pang-imprastruktura; Rep. Leila de Lima ng ML Partylist, na malakas ang tinig para sa tunay na transparency sa gobyerno; Sen. Risa Hontiveros, para sa pagtindig kontra-katiwalin at pagpanawagan ng lifestyle check na kabilang mismo ang pangulo; Rep. Sarah Elago ng Gabriela Partylist, para sa kanyang walang maliw na paglaban para sa tunay na representasyon ng babae, bata, at bayan sa Kongreso; at sina Sen. Kiko Pangilinan at Sen. Bam Aquino noong bahagi pa sila ng mayorya sa Senado pero bumoto ng pabor sa impeachment ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Natatanging Progresibong Midya o Mamamahayag

Dominic Gutoman ng Bulatlat, para sa kanyang pagbabalita sa mga kuwentong nakasentro sa karapatang pantao, partikular sa danas ng mga desaparecidos at ang laban para sa katarungan ng kanilang mga pamilya. Sa isang pagbati sa kanya, sinabi ng grupong Desaparecidos: Families of the Disappeared for Justice, na naroon si Gutoman sa mga search mission, sa mga pagdinig sa korte, sa mga protesta at iba pang pagtatagpo. Mula sa halimbawa ni Gutoman makikita ang pangangailangan para sa mga peryodista na manindigan sa tabi ng kanilang mga ibinabalita, at hindi sa anumang kulong na silid.
Espesyal na pagkilala: Lian Buan at Dwight De Leon ng Rappler, para sa detalyadong mga report ukol sa mga contractor at sa mga implikasyon nito sa lokal na pamahalaan
Mga nominado: Guinevere Latoza ng Philippine Center for Investigative Journalism, para sa kanyang mga data report ukol sa paggamit o pagwaldas sa kaban ng bayan; Jonathan De Santos, chairperson ng National Union of Journalists of the Philippines, na masikhay na pinamumunuan sa unyon na nakapagbukas ng media legal defense network ngayong taon; Christian Esguerra, para sa matalas na pagpopularisa sa balitang politikal; Barnaby Lo ng Al Jazeera, na matapang na nagbabalita ukol sa karahasan sa Palestine; Radyo Natin Guimba, para sa masusi na pagbabalita sa lagay ng mga magbubukid sa Nueva Ecija at Gitnang Luzon; at ang Radyo Sagada, na hindi nagpatinag sa pagre-report ng mga isyu ng katutubo sa Kordilyera at pagbahagi ng kaalaman na ito sa kabataan doon.
Natatanging Progresibong Taong Simbahan

Fr. Flaviano Villanueva ng Society of the Divine Word, tagapagkalinga ng mga naulilang pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga; ginawaran ng Ramon Magsaysay Award at Dss. Rubilyn Litao at Dss. Norma Dollaga ng United Methodist Church at Rise Up for Life and for Rights para sa pagsuporta sa mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga at aktibong pangangampanya para tuluyang arestuhin at litisin ng ICC si Rodrigo Duterte. Higit sa pananalangin para sa kapayapaan sa puso ng mga biktima, patunay ang pakikisangkot nina Fr. Villanueva, Dss. Litao at Dss. Dollaga na maaatim lang ang kapanatagan ng loob kapag nakuha na ang hustisya.
Espesyal na pagkilala: Sa kanyang unang Christmas Holy Mass sa St. Peter’s Basilica, kinondena ni Papa Leon XIV ang karahasan laban sa mga Palestino sa Gaza, karahasan laban sa mga refugee o mga bakwit, at iba pang biktima ng giyera.
Mga nominado: Bp. Gerardo Alminaza ng Roman Catholic Diocese of San Carlos, kasangga ng manggagawa at mamamayan ng Negros, bagong halal na pangulo ng Caritas Philippines at bagong tagapangulo ng CBCP Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace; Mo. Mary John Mananzan ng Missionary Benedictine Sisters of Tutzing, kasama ang mga madre ng kanyang kongregasyon at mga mag-aaral ng St. Scholastica’s College, masigasig na ginagampanan ang misyon para sa katotohanan, katarungan at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian; aktibo sa paggigiit ng pananagutan sa korupsiyon at pagtutol sa pagbaluktot sa katotohanan at kasaysayan; Bp. Jose Colin Bagaforo ng Roman Catholic Diocese of Kidapawan, dating pangulo ng Caritas Philippines at dating tagapangulo ng CBCP Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, nanawagan ng pagkakaisa para sa katotohanan at katarungan sa mga anomalya sa mga proyektong imprastruktura; Bp. Marcelino Maralit Jr. ng Roman Catholic Diocese of San Pablo at Fr. Jerry Oblepias ng Diocesan Shrine of Nuestra Señora de los Dolores de Turumba, kasama ang mamamayan ng Laguna, tutol sa mga mapanirang proyekto kasama ang mamamayan ng Laguna, lalo na sa hydropower project sa bayan ng Pakil; at si Bp. Jose Elmer Mangalinao ng Roman Catholic Diocese of Bayombong, nananawagang ipatigil ang malaking minahan sa Nueva Vizcaya dahil sa masamang epekto sa kalikasan at kaligtasan ng mamamayan, lalo na sa bayan ng Dupax del Norte.
Natatanging Progresibong Kanta o Album

“Anak ka ng Pu!” ng Morobeats na unang pinarinig sa publiko noong Set. 21. “Yaman ng taas, galing lahat sa ibaba!” Kuhang-kuha ng Morobeats ang nag-uumapaw na galit ng sambayanang Pilipino sa harap-harapang pangungurakot ng mga nasa kapangyarihan, pati ang kabalintunaan ng proseso ng mga imbestigasyon. Sabi nga nila kung ang “katarungang hinahanap ay hawak din ng sangkot” kaya sino ang pipigil sa mga mag-aaklas?
Mga nominado: “Olive Trees” ng Socially Necessary Labor Time Band at “Matulog Ka Man ay Maririnig” ng blackflip3000.
Natatanging Progresibong Pagtatanghal o Pagtitipong Pangkultura

“O, Pag-Ibig Na Makapangyarihan” sa direksiyon at panulat ni Bonifacio Ilagan. Ngayong 2025 ang ika-150 na taon ng kapanganakan ng Lakambini ng Katipunan na si Gregoria de Jesus, kaya sa alaala ng kanyang magkatambal na pag-ibig at pakikibaka hango ang handog ng Tag-ani Performing Arts Society ang “O Pag-Ibig na Makapangyarihan, Kapag Pumuksa sa Puso Ninuman” sa panulat at direksiyon ni Bonifacio Ilagan. Bukod sa panibagong silip sa isang lumang kuwento (at isang aspeto nito na hindi madalas mapag-usapan), ibinabalik ng pagtatanghal ang tanong sa atin: ano ang handa nating gawin para sa pag-ibig sa iba at sa bayan?
Mga nominado: “Frames of Resistance” ng Philippine-Palestine Friendship Association katuwang ang mag retratista; Kauna-unahang Quezon City Biennial; “Dokumenterte: Documenting Duterte in images, 2016-2022” cartoon exhibit ni Renan Ortiz; “HeART of Gaza: Children’s Art from the Genocide” exhibition sa Chapterhouse, Madasalin Street; Protest performance art ng UP Repertory sa Baha sa Luneta kung saan nababalot sila ng putik; at “Isko’t Iska 2025: Nang Pinatag ang Bundok” ng University of the Philippines Los Baños freshies.
Natatanging Progresibong Pelikula o Bidyo

“Bloom Where You Are Planted” ni Noni Abao. Ang pagtanggap ng pelikula ng titulo bilang kauna-unahang dokumentaryo na nagwagi bilang Best Film sa Cinemalaya ay hindi lang pagkakataon para magbunyi. Ginamit ni Abao at ng kanyang team ang pagkakataon para mailapit sa mas maraming manonood, mas maraming Pilipino, ang kuwento ng mga aktibista na naninilbihan sa sambayanan, partikular na ang kuwento ng community development worker na si Agnes Mesina, nakabilanggong manunulat na si Amanda Echanis, at si Randy Malayao, pinaslang na peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines.
Mga nominado: “Cinemartyrs” ni Sari Dalena; “Food Delivery” ni Baby Ruth Villarama; “Sunshine” ni Antoinette Jadaone; “Lakambini: Gregoria De Jesus” ni Arjanmar Rebeta; at “Hoy, hoy, Ingat!” ni Norvin de los Santos
Natatanging Progresibong Sining-biswal

“Buwayang Dalawahan – The Marcos-Duterte Bureaucrat-Capitalist Monster” effigy noong protesta ng Nob. 30. Malinaw ang mensahe ng effigy: parehong sangkot, parehong maysala, parehong dapat managot ang mga Marcos at mga Duterte. Sinusubukan magbatuhan ng putik ang magkabilang kampo gamit ang anumang maikokonektang iskandalo sa korupsiyon, hindi upang mas mailapit ang taumbayan sa hustisya, pero para sa sariling mga interes. Ilang beses nga nabanggit ang posibleng pagtakbo sa halalan sa 2028, kahit pa wala pang kinahihinatnan ang mga imbestigasyon sa badyet. Sa pagsunog ng effigy noong Nob. 30, idinidiin ng mga lumikha at ng mga nakilahok sa protesta: walang angat sa parehong buwaya.
Mga nominado: “Paglapat sa Panibagong Lupa” watercolor sa semento ni Glenn Gonzales; “Paaralang Bayan” ni Melvin Polero, Acrylic on Canvas mula sa kanyang Dito at Ngayon exhibit noong Hunyo; “First Psychosis” installation ni Michelle Garcia; at “Paglaho ng Usok, Lilitaw ang Luntiang Damo” ni Res Cruz Flores.
Natatanging Progresibong Libro o E-book

“Presinto Uno at Iba Pang Kuwento sa Bingit” ni Kenneth Roland Guda. Sa dulo ng 2024 unang lumabas ang libro ni Guda, dating editor-in-chief ng Pinoy Weekly, pero mainam itong basahin muli at paulit-ulit pa lalo na sa panahon ng iglap na mga balita sa social media. Gabay ang libro sa mga talakayan na dapat hinahanapan ng sagot na “Nasaan na ang hustisya?” tulad ng kuwento ng Presinto Uno at ng komunidad sa Tondo na noon pa’y biktima na ng baluktot na pagtingin sa isyu ng droga, ng pagdakip at pagkawala nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, at ng marami pang kuwento na nasa bingit. Patunay rin ang panulat ni Guda na ang pagsusulat para sa midya at pagsusulat nang masining ay hindi nagtutunggaling mga anyo.
Espesyal na pagkilala: “Pagkat Tayo Man ay May Sampaga: New Philippine Writing and Translation for a Free Palestine” ng Gantala Press. Sa publikasyong iglap ng Gantala Press, itinipon ang isinalin na mga tula mula sa ilang manunulat na Palestino at ilan pang bagong likha ng mga manunulat na Pilipino. Ganitong mga publikasyon ang nagpapaalala sa atin na ang sining ay hindi lang para sa pag-alala, pero aktibong pakikiisa. Hindi pa tapos ang laban ng mga Palestino para sa pagkilala, para sa sariling lupa, sariling pagpapasya, at hustisya sa lahat ng pinaslang dahil sa henosidyo ng estado ng Israel.
Mga nominado: ; “Narkokristo, 1896” ni Ronaldo Vivo Jr.; “Daddy” ni Chuckberry Pascual; “Cat’s People” ni Tanya Guererro ; “Pinilakang Tabing” ni Ricky Lee; “A View From the Ground” ni Atom Araullo; “Sa Ating Panonood (Pitong Dula at Mga Palaisipang Panlipunan)” ni Bonifacio Ilagan; “LODI: Stories of Defiance and Resistance” ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda); “Naduma-duma nga istorya,” isang zine ng Ili Press na naglalalaman ng mga kuwento mula at tungkol sa palengke ng Baguio; “Daluyong 2 “Revolutionaries, Not Terrorists” zine ng Bagong Alyansang Makabayan – Cavite bilang pag-alala sa pagkamatay ng Tuy 3; “Lusong Anthology Zine Vol. 2” ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA) at “Through every rapture a gleaming World” zine ni Angeli Locsin.
Natatanging Progresibong Artista

Miss Philippines Earth 2025 Joy Barcoma, para sa paggamit niya sa kanyang plataporma sa kompetisyon para palakasin ang pagkundena sa korupsiyon sa flood control. Maraming natutuwa sa confidence at pagiging pilyo ni Joy Barcoma, lalo na sa social media. Pero hindi natuwa ang ilan nang gamitin niya ang Question and Answer portion sa kompetisyon para bigyang pansin ang isyu ng korupsiyon sa bansa dahil masyado umano itong politikal. Ganito kahusay ang paggamit ni Barcoma sa kanyang titulo at kalakasan: dagdag siyang patunay na ang kababaihang representante ng bansa sa kagandahan ay marunong rin tumindig para sa mga isyung bayan.
Mga nominado: Joel Lamangan, direktor ng dalawang Baha sa Luneta; Hiphop United Against Corruption, kasama sina Vitrum, Apoc, at iba pa; Mga celebrity na lumahok sa mga protesta kontra-katiwalian; Maris Racal, na complete attendance sa Baha sa Luneta; Miss Earth Water 2024 Bea Millan-Windorski, na nakilahok sa protesta para sa climate justice sa Maynila; Kitchie Nadal at iba pang mga artista na vocal sa pagsuporta sa Palestine; at Sabrina Carpenter, para sa pagkondena sa paggamit ng White House sa kanyang kanta sa isang bidyong kontra-migrante.
Natatanging Progresibong Katapangan

Pakikilahok sa mga protesta at pagtambol sa karapataan ng kabataan ng mga “young stunna”. Madaling sabihin na marami pang bigas na kakainin ang kabataan, na hindi pa buo ang pag-intindi nila sa mundo, na hindi pa sila handa sa talakayang “pang-matanda lang.” Pero pinatutunayan ng mga kabataang dumadalo sa protesta, nakikialam sa mga isyu, umuupo sa mga talakayan at maingay sa kalsada at social media, na walang pinipiling edad ang pakikisangkot. At hindi papayag ang kabataan na magmamana ng bansa na lalo pa itong yurakan ng mga nasa kapangyarihan.
Mga nominado: Raven Kristine Racelis ang estudyante ng UST na nanindigan laban sa NTF-Elcac; Mga sumugod sa Pasig para magprotesta sa harap ng marangyang bahay ng mga Discaya; Mga residente ng Bulacan na nagkaisa laban sa PrimeWater; Mamamayan kontra-mina sa Guinauang, Mankayan, Benguet at sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya; at mga pamilya ng mga namatay sa EJK.
Natatanging Progresibong Kampanya o Personalidad sa Social Media

Birthday wish ni Kara David na mamatay na lahat ng kurakot. Nagsulputan sa social media at kahit sa mga protesta ang iba’t ibang bersiyon at pagsegunda sa birthday wish ni Kara David, kilalang mamamahayag at dokumentarista. Kung dati ay nagte-trend si David dahil sa nakatutuwang mga komento sa kanyang mga palabas, dito nama’y mas angat ang poot sa mga kurakot sa gobyerno. At kung parang siklo na rin naman ang mga scam at mga eskandalo sa badyet, baka nga sa paglalaho ng mga kurakot lang makukuha ang hustisya.
Espesyal na pagkilalala: Kampanya laban sa kultura ng body shaming matapos mag-trend si Nathalie Julia Geralde ng Sining Lila. Konektado talaga angmga isyu sa lipunan. Kaya nang sinubukan ng ilan na yurakan at husgahan si Geralde na isa sa mga tagapagsalita sa Baha sa Luneta, hindi nagtagumpay ang mga body shamer. Ginamit itong pagkakataon ni Geralde para palakasin ang panawagan kontra-korupsiyon at para iangat ang diskurso sa kalayaan ng kababaihan sa sarili nilang mga katawan.
Mga nominado: Mga reklamo ni Carla Abellana sa palpak pero bayad na mga serbisyo; Kampanya ng mga taga-Siargao laban sa Israel; Mga foreigner na sumusikat dahil kayang magsalita ng Filipino at mahilig magpatampok ng Pinoy culture; at Chinito Walkers, na ipinakita ang lagay ng mga pedestrian walk o kawalan nito sa Metro Manila.