close
Pagnilayan Natin

Katuparan ng hula

Ang Emmanuel—ang Diyos-na-sumasaatin—ay Diyos na kasa-kasama natin sa panganib, sa desisyong may epekto sa iba at sa responsibilidad sa kapwa.

Hindi lang naman siguro ako ang napaisip kung bakit sobrang hilig ng mga tao sa mga hula. May mga nagpupunta sa Quiapo para magpahula, may mga hindi pinalalagpas ang horoscope, at may mga ginagawang pagkakakilanlan ang kanilang zodiac sign na para bang kapag may nagsabi kung ano ang mangyayari, mas kampante tayo at mas napapanatag ang loob.

Kung tutuusin, hindi lang ito libangan, ito ay bunga ng malalim na paghahangad para sa kahandaan at katiyakan. Bakit ba tayo natatakot sa hiwaga at sa misteryo—sa pagiging bukas sa anumang igugulat sa atin ng tadhana?

Hindi lang ito usapin ng panahon natin, noon pa ma’y ganito na ang tao. Sa unang pagbasa, narinig natin kung paano inalok ng Diyos si Haring Acaz ng isang palatandaan—isang pangitaing makapagpapanatag sa mga suliraning kanyang kinahaharap bilang pinuno ng bayang israel. Ngunit tumanggi si Acaz, “Hindi ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.” Napakamapagkumbaba naman ni Haring Acaz! Ngunit tanda ba ng tunay na kababaang-loob ang pagtanggi sa Diyos na kusang nag-alok?

Minsan ang pagtanggi sa palatandaan ay hindi tanda ng pananampalataya, kundi ng katigasan ng loob. Ayaw nating magulo ang sarili nating plano. Kaya ang Diyos na mismo ang nagbigay ng palatandaan: ang dalagang maglilihi at manganganak ng isang lalaking tatawaging Emmanuel.

Sino ang Emmanuel? Sa mga hula ng mga propeta, may dalawang antas ng katuparan. Ang una nito ay ang agarang katuparan sa kanilang panahon. Ang ikalawa ay ang mas malalim na katuparan sa hinaharap.

Maaaring sa panahon ni Haring Acaz, ito’y tanda na hindi pababayaan ng Diyos ang sambahayan ni David. Ngunit sa pananampalatayang Kristiyano, inaangkin natin ang hula bilang ganap na natupad kay Hesus. Inaangkin natin ito dahil ang mga pangako ng Diyos ay hindi lang binabasa, isinasabuhay sila sa loob ng ating sariling kasaysayan.

Sa Mabuting Balita, makikita natin kung paano gumagana ang isang tunay na palatandaan. Si San Jose ay inilarawan bilang isang taong matuwid. Ayon sa kanilang kultura at alinsunod sa Batas ni Moises, may karapatan siyang ilantad si Sta. Maria sa kahihiyan at masadlak sa kamatayan sa pamamagitan ng pagpukol ng mga bato. Ngunit pinili niyang maging mahabagin. Gayunman, malinaw sa tagpo na siya ay litong-lito.

Dumating ang sagot—ang palatandaang pinananabikan niya—sa isang panaginip. Hindi nito inalis ang misteryo bagkus ay nagbigay ng direksiyon. Kaya naman ang kanyang tugon sa panawagang ito ng Diyos ay hindi dagdag pang patunay kundi pagkilos na tunay—tinanggap niya si Sta. Maria bilang Ina ng Manunubos at ang kanyang natatanging gampanin sa mapagligtas na plano ng Diyos.

Ito ang sinasabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Ang Mabuting Balita ay ipinangako na noon pa at ngayo’y isinasabuhay sa pagsunod at pananampalataya. Hindi lang ito ideya kundi isang buhay na tinatahak. Kaya tinatanong tayo ng Salmo: Sino ang marapat humarap sa Panginoon? Ang taong may malinis na puso at tapat sa pangako.

Ang pagkahilig natin sa mga hula at sa katiyakan ay tanda ng mas malalim na paghahangad ng higit na ibayong buhay sa ngayon at para sa mas makatarungang mundo. Ngunit ang pananampalataya ay hindi lang paghihintay ng palatandaan, kaakibat nito ang aktibong pakikilahok sa ginagawa ng Diyos sa gitna ng kalituhan ng mundo.

Ang Emmanuel ay hindi lang Diyos na kasama natin sa salita. Kay Kristo Hesus, nagkatawang-tao ang Salita ng Diyos. Ang Emmanuel—ang Diyos-na-sumasaatin—ay Diyos na kasa-kasama natin sa panganib, sa desisyong may epekto sa iba at sa responsibilidad sa kapwa.

Tulad ni San Jose, tinatawag tayong magtiwala at kumilos, kahit hindi malinaw ang lahat, sapagkat sa huli, ang tunay na palatandaan ay hindi ang hula, kundi ang Diyos na nananatiling kasama natin.