Everything has a price
Mula sa simbahan, eskuwelahan, mga paalala ni Mama at maging sa mga teleserye noon, madalas nangingibabaw ang temang “money can’t buy happiness.”
Gaya ng marami, pinalaki akong makuntento sa simpleng buhay. Noong bata ako, nakaugalian namin ang linggo-linggong misa. Mula sa simbahan, eskuwelahan, mga paalala ni Mama at maging sa mga teleserye noon, madalas nangingibabaw ang temang “money can’t buy happiness.”
Usong-uso ito sa mga palabas na ipinapakita ang pagiging “family-oriented” na kulturang Pilipino. Halimbawa, mula sa kinalakihan kong “Princess and I” (2012) at “Got to Believe” (2013) na pinagbidahan ng Kathniel, pati na rin sa “Dolce Amore” (2016) na pinagbidahan naman ng LizQuen, mayroon itong pare-parehong konsepto ng “prince and the pauper” story, kung saan ipakikilala ang payak ngunit masayang pamumuhay ng isang bida habang ang isa nama’y lumaki sa marangya ngunit malungkot na pamilya.
Pero ngayon, marami nang nagbago sa akin, hindi na ako naniniwala sa kasabihang iyon.
Sa totoo lang, para sa mga may payak na pamumuhay, pera ang madalas pag-awayan ng pamilya. Hindi na naiiwasan ang pagsisisihan kapag nagigipit at nagiging hamon ang pagkasyahin ang kinita sa lahat ng pangangailangan. Hindi man ito sinasadya o ‘di kaya’y nadadala lang ng bugso ng damdamin at pagod, sa pagpapaulit-ulit nito’y nagkakaroon ng lamat ang pagsasama.
Walang puwang ang pagkakamali o pag-aaksaya ng anumang bagay sa loob ng tahanang salat sa karangyaan. Hindi ka puwedeng magkamali sa takal ng bigas at dami ng tubig, kung ‘di ay masasayang ang sinaing. Hindi mo puwedeng sabihing tapos ka na kumain hanggang may natitira pang pagkain sa iyong pinggan. Hindi rin puwedeng hindi ka maingat at matabig ang mangkok na laman ang ulam na kailangang tipirin hanggang hapunan.
Sa ibang pamilyang may labis na salapi, madaling tawanan ang mga pagkakamaling ito at madali ring palitan. Ngunit sa pamilyang kinakapos, hindi ito basta-basta napapalampas dahil doble ang dulot nitong panghihinayang. Mas mahigpit ang pasensiya sa ganitong tahanan, kahalo ng lungkot ang takot.
Marami ring bagay ang nasasakripisyo at napagkakait sa pamilyang doble kayod sa araw-araw. Sa parehong magulang na naghahanap-buhay at may iba-ibang sideline, madalang na silang magkaroon ng panahong makasama ang mga anak. Kadalasan, uuwi na lang para magpahinga at nawawalan ng panahon para magkaroon ng tunay na pag-uusap. Sa ganitong sitwasyon, madaling makaramdam ng pag-iisa ang bawat miyembro ng pamilya—lalo na ang mga anak.
Ang hirap mabuhay. Naging negosyo na ang maraming bagay kasama ang mapagkukunan ng sandaling ginhawa at kasiyahan.
Noong bata ako, mas madali ring paniwalaan na “money can’t buy happiness” dahil mas madaling malihis ang atensiyon sa katotohanan. Habang pinapatulog lang ako tuwing siesta, ang mga kaibigan ko nama’y nagsasanay sa kani-kanilang enrolled classes: math tutorials, piano lessons, vocal lessons, sports at iba pa.
Madalas kong naiisip na marami akong gustong gawin, marami akong kayang gawin. At kapag bata ka, madali pang sabihin sa iyo na hindi pa huli ang lahat. Magagawa at mararanasan mo rin ‘yon kapag lumaki ka. Pero ngayon, nananatili sa dulo ng pila ang maliliit na pangarap na ito upang tustusan ang mga obligasyon.
Sa panahon ngayon, marami nang nauusong libangan: pickleball, crocheting, pottery at iba pa. Ilan lang din yan sa mga matagal nang nakasulat sa bucket list ko o mga bagay na hinahangad kong matutuhan—at kapag tinanong ako kung ano ang hilig ko, may masasagot sana ako bukod pa sa pagbabasa’t pagsusulat.
Pero hindi lahat ng ito’y abot-kamay. Kailangan muna ang mahabang pasensiya sa paghihintay, pagsusumikap at disiplina upang mapag-ipunan. Tulad ng kahit ano pa man sa buhay ngayon, kailangan ding magpundar dito at maglabas ng pera sa sariling bulsa.
Hindi na rin siguro nakapagtataka kung bakit marami sa henerasyon natin ngayon ang natitimpi na lang sa loob ng bahay at nagiging libangan ang pag-scroll sa social media kahit na nauunawaan natin ang epekto sa mental health ng pag-iisa, pagka-isolated at labis na pagkonsumo ng online content. Naranasan na natin ito noong mga taon ng pandemya, kung saan 3.6 million na Pilipino ang dumaranas ng mental health issues.
Ang hirap mabuhay. Naging negosyo na ang maraming bagay kasama ang mapagkukunan ng sandaling ginhawa at kasiyahan.
Sa Maynila, umiikot ang mundo natin sa naglalakihang malls—na ngayo’y nasa 150 pataas na ang bilang—at sumakop ng ekta-ektaryang dating lupang taniman. Nagsisiksikan naman ang mga tao sa kapiranggot na natitirang public green spaces sa lungsod. Lumiliit nang lumiliit ang espasyo’t pagkakataon nating huminga.
Sa mall, may presyo ang lahat ng bagay. Hindi ka puwedeng maupo’t magmuni-muni lang sa tabi o kaya’y tahimik na makihalubilo at makipag-usap sa kaibigan dahil karamihan ng puwesto roon ay “reserved for customers.” Napapalibutan ka ng mga café, restaurant, at branded store na ‘di hamak ang layo ng halaga sa isang buwang pinagpagurang kita. Ultimong paggamit ng palikuran ay may bayad na rin ngayon.
Sa pag-igting ng kapitalismo at samu’t saring mukha ng korupsiyon, hindi na siguro nakapagtataka kung bakit marami sa atin ngayon ang lugmok sa karimlan ng buhay. Habang salapi at kapangyarihan ang nagdidikta ng takbo ng lipunan, madaling maniwala na ang pera ang tanging susi sa kaligayahan.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.