Kaka-scroll, kaka-stress
“Scroll lang saglit,” pero halos isa o dalawang oras na pala ang lumipas. Umaga pa lang, halos pagod at stressed ka na.
Kung isa kang Millennial o Gen Z, malamang pamilyar ka sa ganitong eksena: gigising ka, aabutin agad ang cellphone, bubuksan, at bago ka pa makabangon ay may giyera, may gusto kang bilhin, korupsiyon, taas-presyo ng bilihin, cute na bata, at may baha ka nang napanood sa timeline mo.
“Scroll lang saglit,” pero halos isa o dalawang oras na pala ang lumipas. Umaga pa lang, halos pagod at stressed ka na.
Welcome to doomscrolling! Ito ang paulit-ulit at hindi mapigilang pag-scroll sa social media—bad news, good news man o masasaya at nakakatawang videos.
Malaking bahagi na rin ang social media sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ayon sa 2024 na sarbey ng Philippine Statistics Authority, apat sa limang Pilipino mula edad 10 hanggang 64 ang gumagamit ng internet para sa social media.
Sa pangkabuuan na online na paggamit, umaabot ng halos 8.5 oras kada araw ang paggamit ng mga Pilipino sa internet, trabaho man o libangan.
Mapanganib ba ang doomscrolling?
Ang TikTok, Facebook at iba pang social apps ay gumagamit ng mga algorithm na nang-eenganyo sa atin na mag-scroll nang tuloy-tuloy sa pamamagitan ng pagbibigay ng content na puwedeng mag-trigger ng emosyon mula sa saya at kilig, hanggang sa takot, galit o pagkabahala. Sadyang dinisenyo ang mga ito para hindi bitawan ng mga user ang kanilang mga cellphone.
Ayon sa mga neuroscientist, ang ganitong “variable reward” cycle ay nagti-trigger ng dopamine, isang hormone sa utak na nag-uugnay sa reward at motibasyon. Ito ay parehong mekanismong nakikita sa mga gawing nakakaadik tulad ng pagsusugal sa mga slot machine.
Konektado sa mas mataas na antas ng stress, anxiety, at emotional fatigue ang doomscrolling, ayon sa mga pag-aaral na nilathala sa Current Psychology noong Mayo 2025. Bukod dito, may mga pag-aaral na nag-uugnay ng compulsive screen behavior, kabilang ang constant checking at scrolling, sa mas mataas na risks ng anxiety at emotional distress lalo na sa kabataan.
Sa konteksto ng Pilipinas, ang doomscrolling ay hindi lang tungkol sa balita ng krisis. Ito ay bahagi ng pang-araw-araw na digital experience. Ayon sa pag-aaral ng Reuters Institute Digital News Report noong 2024, lumago na ang paggamit ng TikTok bilang pinanggagalingan ng balita ng mga kabataang Pilipino. Ang platform ay isa ngayon sa mga nangungunang mapagkukunan ng balita ng mga Gen Z at mas batang mga Millennial.
Kung walang limitasyon ang paggamit sa social media, posible ang emotional overload.
May puwede bang gawin?
- Ang unang hakbang sa pagputol ng doomscrolling ay pagkilala na hindi ito simpleng bisyo, kundi isang pattern na maaaring makaapekto sa mental well-being.
- Sunod, kailangan itakda ang time limit sa paggamit ng social media, pag-off ng push notifications, at aktibong pagpili ng oras para sa balita. Halimbawa, iisa o dalawang oras lang sa isang araw. Epektibong estratehiya ang mga ito para mabawasan ang compulsive scrolling.
- Makakatulong din ang pagpapalit ng habits, tulad ng paglalakad, pag-eehersisyo, pagguhit, o simpleng pagkuha ng break bago bumalik sa screen.
Ang pagbabago ng behavior ay hindi madaling gawin overnight, ngunit may ebidensiya na ang mga intentional limits at alternative habits ay makakatulong sa pagpahina ng urge na mag-doomscroll. Kaya sa susunod na gigising sa umaga, mas maging mindful at aware muna bago abutin ang cellphone.
Malaki ang papel ng social media sa buhay ng mga Pinoy Millennial at Gen Z. Hindi maikakaila na ang paggamit ng cellphone at ang pag-iral ng social media ay produkto ng pag-unlad ng lipunan at teknolohiya.
Ngunit habang patuloy itong bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay, ang pagiging mulat sa epekto nito at ang pagkakaroon ng kongkretong hakbang para mapanatili ang balanse ay mahalagang paraan upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating kaisipan.