Konsiyerto ng pasismo
Ngayong Pambansang Buwan ng Sining, walang lugar ang pakikilahok ng mga berdugo.
Nitong nagdaang February Fair sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), ginulantang kami ng online announcement na magkakaroon ng konsiyerto ang ilang kasapi ng 2nd Infantry Division (ID) ng Philippine Army sa loob ng aming pamantasan.
Kaagad na naalerto ang komunidad sa pamantasan lalo pa’t nailantad na walang opisyal na pahintulot ang naturang programa. Halata ring may malisya ang pagpaplano ng programa dahil naglabas lang ng publicity material ilang oras bago ang takdang konsiyerto. Mabuti na rin at maagap na nakalampag ang administrasyon ng unibersidad at naipatigil ang planong ito.
Gayunpaman, karimarimarim pa rin ang tangkang paghihimasok na ito, lalo pa’t itinaon ito sa Feb Fair. Nagsimula bilang isang araw na programa noong dekada ’60, ang Feb Fair ay naging isang mahalagang lunsaran ng protesta sa panahon ng diktadurang Marcos.
Napanatili ang oryentasyong politikal ng Fair sa mga sumunod na dekada sa pamamagitan ng integrasyon ng mga kultural na pagtatanghal sa mga panawagang nakatuon sa pagsusulong ng mga demokratikong kalayaan sa loob at labas ng pamantasan.
Ang naudlot na konsiyerto ng mga kasapi ng 2nd ID ay isang matingkad na pagtatangkang lapastanganin ang UPLB Feb Fair at ang kahulugan nito bilang lunsaran ng pagkakaisa para sa pagtatanggol ng karapatang pantao, lalo na sa Timog Katagalugan.
Ang paggamit ng militar sa konsiyerto ay isang desperadong pagtatangka na haranahin ang sambayanang naririndi na sa sintunadong kasinungalingan ng estado.
Matatandaang ang 2nd ID ang responsable sa tuloy-tuloy na pagsalakay at pambobomba sa Abra de Ilog sa Occidental Mindoro, kung saan maigting ang pagtutol ng komunidad sa pangangamkam ng lupa, kabilang na ng lupang ninuno ng mga katutubong Mangyan.
Ang walang patid na militarisasyon sa Abra de Ilog ay nakatuon upang tiyakin ang pagpapatuloy ng mga mapaminsalang “development project” sa kanayunan gaya ng pagmimina. Nagsisilbing tagapagtanggol ang mga puwersa ng estado ng mga korporasyong nagbabantang sirain ang kalikasan at tanggalan ng kabuhayan ang mga pamayanan dito sa ngalan ng kita.
Sa gayon, hindi kataka-taka na, luwal na rin ng dahas na patuloy na hinaharap ng mga pamayanan, nahihikayat ang marami na kilalanin ang inihahapag na alternatibong politika ng armadong rebolusyon. Ito ay bunga na rin ng lumalawak na pagkilala ng sambayanan na walang aasahan sa kasalukuyang estado na nagpapahintulot sa pagkawasak ng kanilang mga panirahan at kabuhayan.
Katambal ng mga operasyong militar na ito, nariyan ang mga makinaryang pampropaganda ng estado. Masigla muli ang NTF-Elcac, ang tiwaling makinarya ng disimpormasyon at panlilinlang, na tuloy-tuloy sa paghahasik ng kasinungalingan gamit ang pondo ng bayan na dapat ay mas mabungang inilalaan sa ibang serbisyong pampubliko.
Nitong mga nagdaang linggo, sunod-sunod ang ulat ng pagsulpot ng mga polyeto sa campus ng UPLB na nagre-red-tag sa ilang mga mag-aaral. May ilang kawani rin ang nakatanggap ng mga mensahe na may kaparehong nilalaman mula sa mga troll account sa kanilang mga social media. Hindi kalabisang iguhit ang kaugnayan ng kampanyang ito sa konsyerto ng 2nd ID.
Ang paggamit ng militar sa konsiyerto ay isang desperadong pagtatangka na haranahin ang sambayanang naririndi na sa sintunadong kasinungalingan ng estado. Ngunit hindi mapagtatakpan ng himig ng pasismo ang mga panaghoy ng pakikibaka at ang malalakas na panawagan na palayasin ang mga militar mula sa kanayunan.
At ngayong Pambansang Buwan ng Sining, walang lugar ang pakikilahok ng mga berdugo.