Ospital
Talaga bang bawal maaksidente’t maospital? Posibleng mas lumala pa ang sakit ng pasyente oras na malaman niya ang kailangang bayaran.
Bawal magkasakit, bawal maaksidente. Ibig sabihin ba nito’y bawal ding magpaospital?
Batay sa naging karanasan noong nakaraang linggo, nakalulungkot na oo.
Kung tutuusin, maganda ang simula ng kuwento. Noong Biyernes ng gabi, masayang nagkukuwentuhan ang mag-ama. Nakaplano na ang gagawing pagpunta sa isang sikat na pasyalan sa umaga kasama ang nanay na bumibiyahe papuntang Maynila para makapiling ang mga mahal sa buhay. Nagtatawanan ang mag-ama. Naghaharutan at nagkukulitan.
Dahil sa medyo magalaw na paglalaro, aksidenteng nawalan ng balanse ang tatay. Natumba’t tumama ang kanang tainga sa mesa. Dahil sa malakas na paghampas sa matigas na bagay, may hindi magandang nangyari. Napunit ang isang bahagi ng tainga. Tumulo ang dugo. Kailangang takpan ng tatay para hindi makita ng anak. Pero halatang halata ang pagkabahala ng bata. “Sorry, tatay!” paulit-ulit na sambit ng anak habang sinasabing kailangang pumunta na sa ospital.
Nagdesisyon ang tatay na pumuntang mag-isa. Sa isang malaking pribadong ospital na medyo malapit sa bahay, maraming nakapila sa emergency room. Tiniis ng tatay ang mahabang pila. Inisip niyang hindi naman siguro tatagal ang pagtatahi sa napunit na tainga.
Kinausap niya ang kanyang sarili. “Okay lang namang mag-isa lang ako. Mabilis lang naman ito. Hindi naman masyadong maraming dugo ang nawala kaya hindi ako mamamatay, tama ba? Teka, bakit parang nahihilo na ako porke’t naisip ko lang ang dugong tumutulo sa tainga ko?”
At bago tuluyang lumipad ang isip, tinawag na siya ng staff. Siya naman ang nakatakdang asikasuhin. Handa na niyang isakonteksto ang aksidente. Pero nagulat siya sa unang tanong. “Ano po’ng HMO ninyo?”
Health Maintenance Organization. Ito ang “mahiwagang” card na sasagot sa gastusing pangkalusugan na kailangang bayaran ang kadalasang napakamahal na premium. Mahalaga ang HMO dahil sa kawalan ng epektibong Universal Health Care (na mas kilala bilang PhilHealth dito sa Pilipinas). Kung walang HMO, sasagutin ng pasyente ang gastusing hindi saklaw ng PhilHealth.
Sa ngayon, habang nagpapagaling, mainam na pagnilayan ang estado ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa. Talaga bang bawal maaksidente’t maospital? Posibleng mas lumala pa ang sakit ng pasyente oras na malaman niya ang kailangang bayaran.
Dahil hindi maalala ng tatay kung na-renew ang HMO nilang mag-asawa, binanggit niyang magbabayad na lang siya. Matapos niyang sabihin ito, kapansin-pansing bumilis ang proseso. Agad siyang kinausap ng doktor at nars at inalam kung ano ang nangyari. Sinabihang kailangan niyang magpa-admit dahil kinabukasan pa matatahi ang tainga. (Ganyan ba talaga porke’t may pambayad?)
Kumpara sa ibang pasyenteng sa upuan lang ginagamot, binigyan ang tatay ng kama. Pero dahil maingay at napakaraming tao, hindi rin makatulog. Ang kurtinang naghihiwalay sa iba’t ibang nakahigang pasyente ay mistulang simbolo ng kawalan ng sikreto kung bakit naroon ang lahat-lahat.
Nasa wheelchair ang isang lalaking nawalan ng balanse habang nagmomotorsiklo. Nasa isang kama naman ang batang panay ang iyak dahil sa sugat sa paa. May sanggol ding panay ang iyak sa isang tabi. Mayroon namang nag-iiyakan sa isa pang tabi at ang tanging narinig lang ng tatay ay ang mga terminong “death certificate” at “promissory note.”
Ineksiyon sa braso’t hita, suwero sa kamay, x-ray sa ulo. Ginawa naman lahat pero walang atensiyong ibinigay sa tainga. Oo nga’t nagbigay ng gasa pero kailangan pang paalalahanan ang nars na palitan ito dahil basa na ng dugo. At dahil hindi maikabit ng nars ang gasa sa tainga, kailangan pang hawakan ito ng tatay para hindi tumulo ang dugo sa kama.
Dumating ang asawa bandang umaga, may pasalubong na magandang balita. Renewed pala ang HMO kaya walang babayaran. May nakausap din siyang espesyalistang mabilis na matatahi ang tainga. Kaya mabilis na nagpa-discharge sa ospital. Wala nang binayaran kahit na ang kabuuang bill ay mahigit P20,000 (i.e., naka-charge ang mahigit P15,000 sa HMO, tinatayang P5,000 naman sa PhilHealth).
Doon sa klinika ng kakilalang espesyalista, tinahi ang tainga sa loob lang ng ilang minuto. Nakaupo lang ang tatay habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan ang nanay, anak at ang espesyalistang napapailing na lang kung bakit napakatagal ng proseso’t napakamahal ng singil sa “simpleng” kapinsalaan. Masaya pa rin ang mag-anak kahit na ang tawanan at kulitan ay nangyari hindi sa sikat na pasyalan kundi sa isang klinika.
Sa ngayon, habang nagpapagaling, mainam na pagnilayan ang estado ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa. Talaga bang bawal maaksidente’t maospital? Posibleng mas lumala pa ang sakit ng pasyente oras na malaman niya ang kailangang bayaran. Pinagpala ang mga may HMO bilang benepisyo sa trabaho o personal na gastusin. Pero paano na lang kung wala?
Patuloy na operahan ang lipunan para mapagaling ang kalusugan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com