Pagsusuma
Kung susumahin ang mga nangyari, may mga personal at politikal na tagumpay na panghahawakan sa mga susunod pang taon.
Balik-balikan ang nakaraan. Pagnilayan ang kinabukasan. Mag-ipon ng lakas para mas makakilos sa susunod na taon. Pero sa ngayon, magpahinga dahil lubos na kinakailangan.
Sinulat ito habang naghahanda para bumiyahe sa Bikol. Tulad ng nakagawian, doon muna kami sa loob ng halos dalawang linggo. Pasko’t Bagong Taon naman kaya sarado ang maraming opisina’t paaralan. Sa wakas, pansamantalang bakasyon matapos ang mistulang isang milenyong puno ng kasuklam-suklam na pangyayari sa loob at labas ng bansa.
Ito ang panahong parang Biyernes na ang Lunes. O parang Disyembre na kahit Enero pa lang noon sa napakaraming nangyari. Parang kailan lang ang pambansa’t lokal na eleksiyon noong Mayo na puno ng kontrobersiya’t pandaraya. Naging laman ng balita sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng mundo ang malawakang korupsiyong may kinalaman sa flood control projects ng gobyerno. Kaliwa’t kanan ang mga kilos-protesta, tulad ng mga nangyari sa Nepal at Indonesia. Naging katanggap-tanggap ang aktibismo sa maraming tao, batay sa dami ng mga sumama sa malalaking pagkilos sa Luneta, People Power Monument at iba pang lugar labas ng Metro Manila.
Nakakapagod talaga. Saan napunta ang sabbatical ko para sa buong taon ng 2025? Kung sabagay, medyo nakapagpahinga naman nang kaunti nang bumiyahe nang ilang araw sa Europa kasama ang asawa’t anak para “magbakasyon” (kahit na may kaunting araw ng trabaho sa Alemanya). Pero hindi sapat ang limitadong pahingang ito dahil sa lumalalang sitwasyon. Kung tutuusin, tambak ang naging gawain sa pagbalik sa Pilipinas.
Maraming isyung may kinalaman sa eleksiyong kailangang tutukan bilang election watchdog convenor. Sanlaksang paksang kailangang suriin bilang kolumnista. May mga pananaliksik na dapat tutukan bilang akademiko. Dagdag pa sa trabaho ang manuskritong dapat na i-handle bilang patnugot ng dyornal na pang-akademiko, pati na ang mga artikulong dapat na i-edit bilang kawaksing patnugot ng isang publikasyon. Buti na lang at walang turo dahil nga naka-sabbatical.
Kailangan lang ipaalala sa sarili na ang personal ay politikal at ang anumang ginagawa ay may panlipunang konteksto. Kaya kung nagpapahinga man sa kasalukuyan, ito ay hindi lang para sa kalusugan kundi para sa bayan.
Hindi naman dapat magreklamo dahil nagbubunga naman kahit paano ang mga sakripisyo’t paghihirap. Gumaganda ang reputasyon ng internasyonal na dyornal dahil dumarami ang nagsusumite’t tumataas ang citation count. Napagtagumpayan ng aming publikasyon ang ginawang pag-block ng gobyerno sa aming website, bukod pa sa gumaganda ring reputasyon sa peryodismo hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba pang bahagi ng mundo.
Matapos ang mahigit dalawang dekadang pagtuturo sa UP Diliman, nagkaroon ng promosyon ngayong taon bilang ganap na propesor (full professor). Natanggap din ang aplikasyon para sa tatlong research awards. Hinihintay ko pa ang resulta sa dalawa pang aplikasyon pero may dahilan para maging masaya sa ngayon.
Bago matapos ang 2025, lumabas na rin sa wakas ang internasyonal na librong dalawang taon naming pinagtrabahuan kasama ang dalawa pang patnugot mula sa ibang bansa. At dahil natanggap na ng mga patnugot ang mga rebisyon ko, inaasahan din sa susunod na taon ang publikasyon ng pag-aaral kong kasama sa isa pang internasyonal na libro.
Pero kumusta naman ang adbokasiya para sa malinis na halalan? Walang pagbabago. Tuloy pa rin ang iba’t ibang porma ng pandaraya. Kahit na ginagawang priyoridad ng mga nasa kapangyarihan ang ilang panukalang batas na may kinalaman sa pagbabawal sa mga politikal na dinastiya at sa reporma sa sistemang partylist, kailangan pa ring hintayin ang mga aprubadong bersiyon para malaman kung talagang nagsisilbi ang mga ito sa interes ng mga mamamayan.
Sa ngayon, hindi katanggap-tanggap ang mga inihaing panukalang batas ng mga kaalyado ng pangulo, lalo na yung sa anak niya. Kung ang mga ito ang ipapasa ng Senado at Kamara de Representantes, tuloy pa rin ang laban at dahil walang silbi pa rin sila sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Kung susumahin ang mga nangyari, may mga personal at politikal na tagumpay na panghahawakan sa mga susunod pang taon. Basta’t kailangan lang ipaalala sa sarili na ang personal ay politikal at ang anumang ginagawa ay may panlipunang konteksto. Kaya kung nagpapahinga man sa kasalukuyan, ito ay hindi lang para sa kalusugan kundi para sa bayan.
Sa panahong walang masyadong ginagawa dahil nakabakasyon ang maraming kababayan, mainam na balik-balikan ang mga nangyari noon at pagnilayan ang mga nangyayari ngayon. May kinabukasan pang kailangang mapanalunan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com