close
Pop Off, Teh!

Quiet, enduring kasama


Maituturing kong quiet at enduring na kaibigan at kasama si Levie.

Ang huling comment ni Levie sa akin sa Facebook ay “Bongga ka na talaga, girl.” Pinusuan ko ang komento, hindi ko na ito nasagot. Karaniwan na ang pag-heart sa social media bilang porma ng pasasalamat.

Ilang taon na rin mula nang huli kaming nagkita ni Levie. Ang huling bisita ko sa opisina ng Joint Monitoring Committee ay 2018, panahon kung saan nalalapit na ang pagsasara ng mga opisina ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines-nominated section matapos makansela ang usapang pangkapayapaan.

Mahigpit na yakap, katulad ng dati, ang salubong niya. Inalok niya kami ng kape, meryenda at tulong sa pag-aayos ng mga kaso ng mga katutubong naghain ng reklamo hinggil sa mga paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl).

Matapos ‘yon, nagkakasalubong na lang kami sa ilang pagtitipon at rali. Hindi ako madalas dumadalo, bibihira lang ang mga pagkakataong nagkakasalubong kami subalit may maikling sandali pa rin siyang inilalaan para mangamusta at magkuwento. Mas madalas, sa Messenger at Facebook na lang kami nagbabatian sa mga okasyon at nagla-like at nagko-comment sa mga post. 

Pero una kaming nagkakilala ni Levie noong 2007. Pinangunahan nila ang training ng Carhrihl sa Ilocos. Ang malas nga lang, sa mismong training, nagkaroon ng human rights violation—pinagbabaril ang grupo ng mga taga-Bagong Alyansang Makabayan-Ilocos habang naglalakad pauwi sa opisina.

Tinulungan kami nina Levie at Rose na maiayos ang quick reaction team at tiniyak na ligtas ang grupong naiwan sa training venue. Nagbigay din si Levie ng emosyonal na suporta at ipinaalalang magiging maayos din ang lahat. 

Makailang beses din nagkaroon ng training ng Carhrihl sa Ilocos at sila ni Rose ang nagpadaloy. Madalas din akong bumibisita sa opisina nila sa tuwing magpipila ng kaso. Ipinaramdam niyang palaging bukas ang opisina nila sa akin. Kasabay nito ang palagiang paghamon sa akin na maging masigasig at ubos-lakas na idokumento ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. 

Ilokano si Levie. Tubong Cagayan. Kaya siguro madali rin kaming nagkapalagayang-loob. At dahil sa kapwa naming pag-i-Ilokano, itinulak niyang maisalin at gawing popular ang Carhrihl sa Ilokano. Totoo, malaking tulong ang inilimbag na dokumentong ito sa mga talakayan sa mga karapatang pantao.

Maituturing kong quiet at enduring na kaibigan at kasama si Levie. Hindi kami madalas magkita ngunit hindi rin naman nawala ang pagkakaibigan namin, at kasama pa rin ang turing niya sa akin sa kabila ng maraming pasya ko sa buhay. Mainit pa rin ang pagtanggap niya at nagchi-cheer pa nga sa mga pagkakataong may tagumpay ang isang kaibigan.

Isinabuhay niya ang totoong diwa ng “kasama”—palaging nakasuporta, nagtitiwala at nagpapahalaga anoman ang pinagdadaanan. Naalala ko rin ang mga kaibigan at kasamang hindi ko na madalas makita o makausap subalit alam ko na tahimik ngunit nagtatagal ang pagsasamahan at pagpapahalaga namin sa isa’t isa. 

Bihira tayong magkaroon ng mga aktibistang kaibigan na tumatagal. Madalas, pinaghihiwalay tayo ng panahon, pagkakataon, pangyayari at pasya sa buhay. Ito naman ang katotohanan ng buhay: nagbabago ang lahat. May umaalis at nananatili.

Ang mahalaga ay sa kabila ng hirap na dinaranas natin mula sa estado, sa karahasan at walang patumanggang pag-atake sa atin, mayroon tayong mga kaibigan at kasamang nakakaunawa at katuwang natin sa pagharap dito—madalas man nating nakakasama o nakasubaybay sa atin mula sa malayo. Katulad ni Levie, tahimik at nagtatagal na kaibigan at kasamang walang pag-iimbot na naglingkod sa sambayanan.