close

Buhay Pinoy

Bata at talangka

Paghahanap ng talangka, isa sa paboritong gawin ng mga bata sa tabing-dagat tuwing takipsilim (Kuha ni Ilang-Ilang Quijano sa El Nido, Palawan)

Paghahanda sa ikabubuhay

Isang mangingisda sa Boston, Davao Oriental ang naghahandang pumalaot para maghanapbuhay, sa gitna ng pinsalang dulot ng Bagyong Pablo. (People's Lens)

Barbero ko si tatay

Walang kilalang barbero ang maralitang bata na lalaki kundi ang kanyang ama (o ina). Kahit na anong estilong gupit, kaya. Gusto mo ba ng nauuso? Makita lang ni tatay sa litrato, kayang kaya niyang gayahin. (Kuha sa Brgy. Tatalon, QC)

Paghahabi mula sa panaginip

Ipinapakita ni Limay Maguinlaud ng tribung Mandaya kung papaano maghabi ng tela mula sa abaka. Ayon sa kanila, tanging babaing taga-tribu lamang ang nakakapaghabi ng mga tela batay sa kanilang mga panaginip. Kuha sa isang Craft Tourism Fair sa Davao City. (Ace R. Morandante)

Palangiti sa palayan

Bangar, La Union-- Nagagawa pa ring ngumiti ng kababaihang magsasaka na lubog sa produksiyon ng palay. "Magtanim ay di biro," ika nga ng kanta, pero ito ang buhay at ikinabubuhay ng milyun-milyong Pilipino. (Ariston Valle)

Di makita ang parada

Habang nagkakandarapa ang mga Dabawenyo na makita ang parada sa selebrasyon ng ika-75 Araw ng Dabaw, isang matandang bulag ang nanlilimos ng kaunting atensiyon at barya. (Ace R. Morandante/Davao Today)

Para sulit ang biyahe

Patuloy ang pagmahal ng presyo ng langis. Kaya para makatipid, kailangan ng isang buong angkan na magmahalan -- at sumakay sa iisang traysikel pauwi mula sa isang resort sa Irosin, Sorsogon. 'Yun nga lang, kailangan ng dagdag-ingat dahil delikado sa haywey. (KR Guda)

Paghanga sa Nazareno

Isang bata na sumisilip sa imahen ng Hesus na Nazareno, sa pagdiriwang ng pisto nito noong Enero 9 sa Quiapo, Manila. Bagamat halos bulag na panatisismo ang masasabing nagtutulak sa marami na "magpanata" sa poon ng Nazareno, marami ring mapupulot na magagandang mensahe ang kabataan sa kuwento ng Nazarenong nagsakripisyo ng sariling buhay para sa kapakanan ng karamihan. (Macky Macaspac)

Sira-sirang tulay

Gumawa ng lakarang tulay mula sa puno ng niyog ang mga residente ng isang barangay sa Malinao, Albay dahil matagal nang nasira ng bagyo ang sementadong tulay at kalsada patungo sa kanilang bayan. (KR Guda)