Rebyu sa “Awang sa Rehas”, mga tula ni Desay
Sa Panay unang kuminang ang husay ni Desiree ‘Desay’ Jaranilla bilang lider estudyante. Sa Pamantasan ng Pilipinas ay naging boses siya ng kabataan sa Board of Regents. Sa Pampanga at sa kalakhan ng Gitnang Luzon, pinatunayan niya ang kanyang pagiging tapat sa panatang paglingkuran ang sambayanan.
Si Desay ang aming hinahangaang lider kabataan noong huling bahagi ng dekada nobenta. Sa panahong wala pang Kabataan Partylist, si Desay bilang rehente ng mag-aaral sa UP ay nakilala bilang makabayang bagong beses na bitbit ang adhikain ng mamamayan sa loob ng burukrasya.
Tumampok ang kanyang liderato hindi lang dahil sa paghirang sa kanya bilang rehente kundi dahil sa kanyang matapang na tindig sa mga isyung sektoral at matalas na suri sa mga usaping pambayan.
Ilang pulong ang aking nadaluhan na siya ang nagpadaloy at dito nasaksihan ko kung paano niya pinapahalagahan ang kanyang posisyon upang matiyak na ang kagalingan ng mag-aaral, mga kawani, at komunidad ng pamantasan ang inuuna ng administrasyon. Malumanay kung magsalita subalit tumatatak ang bawat punto at artikulasyon laban sa komersyalisasyon ng edukasyon, korupsyon ng estado, at abuso ng mga nasa kapangyarihan. Kahit kapwa aktibista ay hindi pinapalampas ng kanyang matining na pamumuna kung may nakitang kahinaan sa paggampan ng mga gawain.
Pagkatapos ng kanyang termino ay naging full-time na aktibista sa Gitnang Luzon at inalay ang susunod na dalawang dekada sa hanay ng mga magsasaka at katutubo. Noong 2024 ay inaresto habang nasa byahe, tinaniman ng mga armas (na mas mataas pa sa kanya ang haba), at batay sa pekeng ebidensiya ay sinampahan ng gawa-gawang kaso.
Sa zine na kumpilasyon ng ilan sa kanyang mga tula ay masusulyapan ang kanyang katatagan at lubos na pagsandig sa kilusang mapagpalaya. Kamangha-mangha na sa unang araw ng kanilang pagkabihag ay naitala niya ang karahasan ng mga armadong ahente ng estado.
Sa kahabaan ng Jose Abad Santos,
pagkatao ko’y iningudngod ng mga buhong,
katinuan ko’y ilang ulit iniuntog
sa sementadong kalsadang akala nila
makapagpapalambot
sa aking paninindigan
Sa selda ay nakasalamuha niya ang ilang bilanggo na katulad niya ay lumalaban para sa hustisya. Ika nga niya, “lumuluha man pero hindi nagpapatalo sa lumbay” at “nangungulila man pero hindi nagpapagupo sa mga pangamba.”
Mahirap ang sitwasyon ni Desay dahil napalayo sa pamilya subalit hindi nagpasindak sa mga pasista.
ilang beses na ba kaming inalok ng agarang paglaya?
dagling liwanag katumbas ng mahabang dilim?
Paalala ito sa mga diumanong sumuko at nagpagamit sa mga pasista upang maging instrumento ng red-tagging at ipahamak ang mga aktibista. Sa panahon ng pinatinding lagim (terror), kailangang ibayong mag-ipon ng lakas ng loob at paninindigan. “Ang marupok, agad matutupok”, ayon sa isang linya ng tula ni Desay.
Ang talino ni Desay at ang kanyang kapasyahan na lagpasan ang kinakaharap na hamon ay mababasa sa mga linyang ito.
…may siwang ang pintuang rehas,
may awang sa pag-asang namamalas.
sa puso, humahaplos,
tumatagos sa kaliit-liitang butas
Imbitasyon ang kumpilasyon na alamin ang kalagayan ng mga bilanggong politikal at ang adhikain na kanilang pinaglalaban. Sinulat ni Desay ang mga tula sa zine habang nasa bilangguan. Kung ito ay halimbawa ng lalim ng kanyang pag-iisip at radikal na pagmamahal sa bayan, tiyak na makabuluhan din ang kanyang mga nasulat sa nakalipas na tatlong dekada. Baka dapat lamanin ito ng susunod na kompilasyon.
Nakakalungkot at nakakagalit na ang isang makabayang lider tulad ni Desay ay kinukulong samantalang ang mga tunay na kriminal ay malayang nagkakalat ng mga bulok na ideya, gawi, at karahasan sa lipunan. Saksi ako sa tinahak na aktibistang buhay ni Desay noong panahon ng aming kabataan, at ang mga tula sa zine ay nagpapahiwatig sa kanyang piniling misyon na maglingkod sa mga komunidad ng Gitnang Luzon. Tunay na walang pinipiling lugar ang pag-asam at pagkilos na baguhin ang luma upang itayo ang lipunang malaya. Sa kaso ni Desay, tinawid nya ang mga isla ng Visayas, sandaling namayagpag sa UP, at naging tahanan ang mga kapatagan at kabundukan ng Gitnang Luzon kasama ang mga magsasaka at katutubong Aeta.
Para makakuha ng kopya ng zine at para sa karagdagang impormasyon ukol sa kampanya para kay Desay, umugnay sa Karapatan Central Luzon.
0 Comments