a
Konteksto | Guro
Published on Oct 5, 2025
Last Updated on Oct 5, 2025 at 10:48 am

ADVERTISEMENT

Nagsimula ang lahat sa isang kampus sa Taft Avenue kung saan estudyante ako sa antas masterado. Nagkaroon ng bakante para sa isang lektyurer. Tinanong ako ng mga kaklaseng guro kung interesado akong mag-apply.

Paano bang naging guro ang isang peryodistang katulad ko? Mabilis na sagot noong dekada ‘90: Kailangang kumita. Medyo mahabang sagot makalipas ang mahigit tatlong dekadang pagtuturo: Masaya palang makahalubilo ang iba’t ibang estudyante, sa loob at labas ng Pilipinas.

Nagsimula ang lahat sa isang kampus sa Taft Avenue kung saan estudyante ako sa antas masterado. Nagkaroon ng bakante para sa isang lektyurer. Tinanong ako ng mga kaklaseng guro kung interesado akong mag-apply. Siyempre’y sinunggaban ang pagkakataon dahil sa pinansyal na pangangailangan.

Ito ang panahong nagtatrabaho ako sa isang NGO na hindi masyadong sapat ang kinikita kahit na napakahalaga naman ng gawain. Kahit na mabigat ang trabaho sa NGO na ito, makakaya pa namang gampanan ang pagiging guro basta’t labas lang ng oras ng opisina. At siyempre’y hindi uubrang maging full-time. Kailangang part-time lang dahil ayaw kong iwanan ang gawaing NGO.

Matapos ang interbyu at demo teaching, sinabihan akong tanggap na ako at binigyan ng dalawang kursong ituturo, pati na ang araw at oras na nais ko. Mula noon, dalawang taon din akong nagturo bilang lektyurer sa kampus na iyon, at masasabing ito ang naging simula ng pagkahumaling ko sa pagtuturo. Pero may ilang limitasyon.

Dahil mga kurso sa Agham Pampulitika (Political Science) ang hinawakan ko, walang masyadong pagkakataong ipasok ang mga interes ko sa komunikasyon, midya at peryodismo. Pero mainam din namang tinalakay ko ang mga teorya’t sistema ng gobyerno’t pamamahala, pati na ang mahahalagang polisiya tulad ng repormang agraryo.

Sa katunayan, nabigyan ako ng pagkakataong makapag-organisa ng field trip papunta sa kabukiran. Marami ding mga progresibong lider sa sektor ng kabataan, manggagawa at magbubukid na pumasok sa kampus na iyon para magbahagi ng kanilang karanasan at paninindigan.

Sa dinami-rami ng mga estudyanteng naturuan, magaan ang pakiramdam dahil nasa mabuting kamay ang peryodismo sa ating bansa. Hindi ito dahil sa akin kundi dahil sa matibay na paninindigan ng maraming kabataan.

Siyempre, iba ang kampus sa Taft sa kinagiliwan kong kampus sa Diliman. Noong dekada ‘90, hindi hamak na maraming mayayamang estudyante sa Taft, ‘yong tipong madaling matandaan ang mga apelyido dahil pamilyar na nakatatak sa mga gusali sa Pilipinas.

Ito ang dahilan kung bakit bilang guro, kahit part-time lang, kinailangan kong sundin ang dress code. Natuto akong magsuot ng kurbata, sapatos na balat at iba pang pormal na kasuotan (kahit napakainit minsan).  Siyempre pa’y kailangang ipagupit ang mahabang buhok at ahitin ang balbas. Ang dating mukhang gutom na manunulat, ngayo’y mukhang kagalang-galang na guro sa isang unibersidad na napakataas ng matrikula.

Pero bilang peryodista, malinaw na hinahanap-hanap ang pagbabahagi ng anumang nalalaman sa peryodismo. Makalipas ang dalawang taon sa Taft, dumating ang pagkakataong makapagturo nang part-time sa Diliman, doon mismo sa kolehiyo’t departamentong pinagtapusan ko. Dahil kakilala ko ang mga opisyal at guro, hindi na ako pinag-demo teaching at deretso na akong binigyan ng teaching load.

Kung noo’y kinailangan kong magbabad sa silid-aklatan para pagnilayan ang mga ituturo, ngayo’y mas kailangan na lang tandaan ang mga nangyari sa sariling buhay para ituro ang peryodismong lapat sa nangyayari sa bayan. Siyempre’y kailangan pa ring sumangguni sa iba’t ibang aklat pero mas nangingibabaw ang aktuwal na karanasan.

Kung noo’y mistulang gatasan ang pagtuturo dahil kailangang may dagdag na kita, ngayo’y nakikita na ang komplementaryong papel nito sa peryodismo. May pagkakataon nang hubugin ang isipan ng kabataan batay sa aktuwal na nangyayari sa midya at lipunan.

Ito ang konteksto ng desisyon kong mag-full time sa pagtuturo sa maagang bahagi ng dekada 2000, kasabay ng pagpasok ko bilang isa sa mga patnugot ng isang alternatibong pahayagang online. Masaya palang maging guro! Sa katunayan, nagkaroon na ako ng pagkakataong makapagturo sa Timog Korea at Alemanya.

Ilang taon lang ang nakalilipas, tinanggap ko rin ang alok na makapagturo ng Peryodismo nang part-time sa isa pang unibersidad sa Sta. Mesa, kasabay ng full-time na pagtuturo sa Diliman. Nakakapagod minsan pero nakakaya pa naman. Puwede ko itong gawin hanggang sa pagtanda.

Ngayon, dumating na nga ang pagtanda dahil mabibilang na sa mga daliri ng dalawang kamay ang natitirang taon bago mag-retiro. Hindi pa man senior citizen, pero papunta na ako roon. Sa dinami-rami ng mga estudyanteng naturuan, magaan ang pakiramdam dahil nasa mabuting kamay ang peryodismo sa ating bansa. Hindi ito dahil sa akin kundi dahil sa matibay na paninindigan ng maraming kabataan.

Magandang alalahanin ang naging personal na karanasan sa World Teachers’ Day ngayong Oktubre 5. Mainam ding paalalahanan ang sariling ipagpatuloy pa ang sigla sa mga natitira pang taon, hindi para sa pera kundi para sa bayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

 Save as PDF

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This