Aktibista sa Kordilyera, pansamantalang nakalaya

February 15, 2023

Jennifer Awingan-Taggaoa

Pinayagan ng korte na makapagpiyansa si Jennifer Awingan-Taggaoa, aktibista at research staff ng Cordillera People’s Alliance (CPA), noong Pebrero 7.

Dinakip si Jennifer noong Enero 30 sa kanyang tahanan sa Baguio City dahil sa gawa-gawang kaso na rebelyon na isinampa ng militar.

Ayon sa militar, si Awingan-Taggaoa at anim pang aktibista at development worker, ay diumano’y kalahok sa ambus ng New People’s Army sa Malibcong, Abra. Inakusahan din siya ng pulisya na secretary ng Regional Urban White Area Committee of the Ilocos-Cordillera Regional Committee of the Communist Party of the Philippines. 

Ayon kay Atty. Jose Molintas, abugado ng nasasakdal, nagmula ang rekomendasyong “no bail” sa kaso ni Awingan-Taggaoa sa “on the assumption that the evidence of guilt is strong,” subalit hindi pa ito napapatunayan ng prosekusiyon. 

Kung kaya noong Pebrero 2, nag-mosyon si Molintas na hangga’t hindi pa naipapakita ang mga datos sa kaso ay may karapatan ang nasasakdal na magpiyansa. 

Nagpasalamat ang CPA sa lahat ng sumuporta at nakiisa sa panawagan upang palayain si Awingan-Taggaoa.

Kasalukuyang lumilikom ng pondo ang Ilocos Human Rights Alliance para sa pangangailangan ligal at pampiyansa ng pitong akusadong aktibista at development worker.

Hinihikayat din nila ang publiko na pumirma sa online petition ng CPA upang ipanawagan ang pagbabasura sa gawa-gawang kaso ng tinaguriang North Luzon 7.