Propesor, unyonista dinakip sa UP Diliman

February 15, 2023

Melania Abad-Flores

Inaresto si Prop. Melania Flores ng mga hindi unipormadong tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kanyang tahanan sa loob ng kampus ng University of the Philippines (UP) Diliman noong Pebrero 6. 

Nagpanggap na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga umaresto na naghain ng warrant of arrest kay Flores.

Ayon sa nasabing warrant, nahaharap diumano ang propesor sa “violation of Sec 22 (a) in relation to sec 22 (d) and sec 28 (e) under RA 8282,” o Social Security Law. Nangangailangan ng P72,000 piyansa sa naturang kaso, ayon sa Quezon City Police District.

Paglabag sa UP-DILG Accord

Ayon sa All UP Academic Employees Union (AUPAEU), tahasang nilabag ng CIDG ang kasunduan sa pagitan ng UP at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagpasok ng mga elemento ng militar at pulisya nang walang pahintulot sa administrasyon ng pamantasan at koordinasyon sa UP Police. 

“Una, nilabag ng CIDG ang UP-DILG Accord ng 1992 na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng UP campus, kung saan nakatira si Prop. Flores, na walang koordinasyon o pabatid sa administrasyon ng UP Diliman. Ikalawa, hindi ipinaalam kay Prop. Flores ang anumang reklamo o kaso laban sa kanya dahil wala siyang natanggap na anumang notice o subpoena ngunit may inisyu na kaagad na warrant of arrest. Ikatlo, panloloko ang ginawa ng CIDG na pagpapanggap na DSWD para arestuhin si Prop. Flores,” ayon sa pahayag ng AUPAEU.

Dagdag ng grupo na maruming taktika ito ng CIDG upang takutin ang mga lider-unyonista at makabayang akademiko. 

Ganito rin ang tindig at pagsusuri ni UP Diliman chancellor Fidel Nemenzo. Sa isang pahayag noong Pebrero 7, kinondena tanggapan ni Nemenzo at tinawag na “brazen disregard of the 1992 Agreement between UP-DILG” ang nangyaring pag-aresto.

Nanawagan din ang AUPAEU na itigil ang pananakot at pandarahas sa mga akademikong manggagawa at lider-unyonista.