Doktor, binansagang terorista ng gobyerno

February 15, 2023

Dr. Naty Castro

Sa inilabas na Resolution 35 ng Anti-Terrorism Council (ATC) noong Disyembre 7, 2022, binansagang terorista si Dr. Natividad Castro, isang beteranong community doctor sa mga komunidad ng Lumad sa Mindanao.

Ayon sa resolusyong isinapubliko sa midya noong Enero 30, pinagbintangan ng ATC si Castro na kabahagi sa pagpaplano, pagsasanay at paghahanda para sa “pagsasagawa ng terorismo at rekrutment” bilang suporta diumano sa mga teroristang organisasyon.

Matagal ng biktima ng red-tagging at panggigipit ang doktor. Matatandaan noong Pebrero 2022 na inaresto siya ng pulis sa kanyang tahanan sa San Juan City sa bisa ng mga gawa-gawang kaso na kidnapping at serious illegal detention na palaging taktika ng pulis at militar sa panunupil sa mga progresibo at aktibista.

Ayon kay Cristina Palabay ng Karapatan, ang pagbibintang kay Castro ay huling hakbang ng awtoridad upang siya ay gipitin sa pamamagitan ng mga masahol pamamaraan na magkakait at lalabag sa kanyang karapatan sa due process.   

“Kinikilalang community doctor at tagapagtanggol ng karapatang pantao si Dr. Naty. Nagsilbing secretary general ng Karapatan sa rehiyon ng Caraga at nagdala ng mga programa sa pampublikong kalusugan sa mga malalayong lugar sa mga probinsiya ng Agusan at Surigao,” ani Palabay.

Walang due process, walang malinaw na ebidensiya 

Ayon kay Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), walang due process at walang malinaw na basehan ang bintang kay Castro.

Sinabi niya na hindi malinaw at walang iniharap na mga batayan ang ATC upang patunayan ang mga akusasyon laban kay Castro na siya ay mataas na lider ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army at may kaugnayan sa rekrutment at pamamahala ng pondo nito. 

Napawalang-sala si Castro sa gawa-gawang kaso na isninampa sa kanya ng gobyerno noong Marso 2022.

Ayon sa desisyon ng Regional Trial Court Branch 7 ng Agusan del Sur, walang probable cause ang mga kasong kidnapping at serious illegal detention kay Castro at “repugnant to her right to liberty” ang naging pamamaraan ng pag-aresto sa kanya ng kapulisan.

Pattern ng panunupil

Matapos ang designasyon kay Castro ng ATC ay sumunod na kinasuhan ang walong aktibista sa Kordilyera.  

Hindi alam ng mga nakasuhan sa Kordilyera ang kanilang sala upang masagot at sumailalim sa paunang imbestigasyon.  

Paliwanag ni Reyes, malinaw na ang layunin sa kanilang pagkakaaresto ay masampahan sila ng kaso na non-bailable o hindi maaaring mapiyansahan bago pa nila maipagtanggol ang kanilang mga sarili.

Panawagan ni Reyes sa Korte Suprema na masusing tingnan ang ganitong mga pangyayari at huwag pabayaan ang malulubhang paglabag sa due process dahil ito ito at direktang atake sa rule of law.