De Lima, napawalang-sala sa ikalawang kaso

May 22, 2023

Pinawalang-sala ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 256 si dating Sen. Leila de Lima sa isa sa dalawang natitirang kasong isinampa sa kanya na may kaugnayan sa iligal na droga noong Mayo 12.

“Sa loob ng anim na taon, ikinulong at hinamak ng administrasyong Duterte si Sen. Leila, ngunit nanatili siyang matatag at matapang sa pagsasalita laban sa mga krimen ni [dating Pangulong] Duterte,” ayon sa pahayag ng Karapatan sa Ingles.

Nagpasalamat ang dating senador sa lahat ng suporta at umaasang mapapawalang sala rin sa natitirang kaso. Matatandaang tatlong kaso ang isinampa sa kanya sa panahon ng panunungkulan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Natutuwa ako sa pangalawang beses na napawalang-sala ako sa tatlong kasong isinampa laban sa akin dahil nalalapit na ang aking paglaya matapos ang anim na taon ng pang-uusig,” ani de Lima sa kanyang mensahe sa Ingles.

Nagpahayag din ang maraming organisasyon at institusyon sa pagpapawalang-sala kay de Lima kabilang ang Gabriela Women’s Party (GWP), Bagong Alyansang Makabayan, Rise Up for Life and for Rights at De La Salle University kung saan nagtapos si de Lima ng kolehiyo.

“Umaasa kami na maibabasura ang ikatlo at huling alegasyong may kaugnayan sa iligal na droga upang tuluyang makalaya matapos ang anim na taon ng detensiyon at inhustisya,” pahayag ng GWP.

Nanawagan din ang GWP na palayain ang lahat ng kababaihang bilanggong politikal na sinampahan ng mga gawa-gawang kaso tulad ni de Lima.