Ang kuwentong desaparecidos
June 1, 2023
Hindi bago ang sapilitang pagkawala o enforced disappearance sa Pilipinas. Sa katunayan, ilang dekada na nating dinadanas ang kuwentong ito nang paulit-ulit.
Mula sa wikang Español, unang ginamit ang salitang “desaparecidos” sa Latin America noong Cold War dahil maraming dinudukot bilang paraan ng politikal na panunupil. Ang paglahok naman ng mga puwersa ng estado sa pagkawala ang isang katangian para maituring na enforced disappearance.
Sinimulang gamitin sa Pilipinas ang parehas na termino noong panahon ni Marcos Sr. Marami ang dinahas noon at 926 ang dinukot.
Kalakhan sa kanila ay mga aktibista, organisador, manggagawa, magsasaka at mga mula sa probinsya. Kalakhan sa kanila ay nilabanan ang kalupitan at korupsiyon ng pamahalaan. Nakibaka sila para patumbahin ang diktadura.
Simula noon, hindi na tumigil ang mga pagdukot. Politikal pa rin ang dahilan at mga aktibista at mula sa oposisyon ang karamihan sa desaparecidos. Ngunit kahit hindi na bago ang kuwento, nakagugulat pa rin sa bawat panahon na nauulit ito.\
Sa katunayan, may bagong kaso kamakailan lang.
Ayon sa Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), hiningi nilang ilitaw ng pamahalaan ang dalawang dating student leader ng UP Baguio, sina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil “Bazoo” de Jesus. Iginiit din ng kanilang mga pamilya at kasamahan na aktibista lamang ang dalawa at hindi terorista. Huli silang nakita sa Taytay at nawala sila noong Abril 28.
Si Bazoo, 27 anyos, ay kasalukuyang information and networking officer ng Philippine Task Force on Defending the Rights of Indigenous People. Si Dexter naman, 57 anyos at isang Bontoc-Ibaloi-Kankanaey, ay naging bahagi ng listahan ng mga diumanong lider ng CPP-NPA ayon sa Department of the Interior and Local Government.
May 600 na tao sa listahan ngunit naging walo na lamang ito kalaunan. Kasama si Dexter sa inalis. Nakita rin ng mga kaanak niya na nasa “wanted” poster siya na gawa ng pulisya at may P1.8 milyon na bounty.
Naniniwala ang kanilang mga pamilya at kasamahan na sangkot sa pagdukot ang estado dahil hindi naman bago ito sa kaso ng mga aktibista.
Higit pa rito, ayon kay Beverly Longid, isang tagapatanggol ng mga karapatan ng mga katutubo, dinukot ang dalawa ng mga lalaking nagsabi na mula sila sa Criminal Investigation and Detection Group. Ngunit matapos ang dalawang linggo, itinanggi ng Philippine National Police ang kanilang pagkasangkot sa pagdukot sa dalawa.
Isang taon pa lang, pampito at pangwalo nang desaparecidos sina Bazoo at Dexter sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Isang kabalintunaan din na ika-16 na anibersaryo ng pagkawala ni Jonas Burgos ang araw ng pagkawala nina Dexter at Bazoo.
Aktibista rin si Jonas na nagtapos ng kolehiyo sa Benguet State University. Dinukot siya noong 2007 sa Ever Gotesco Mall Commonwealth at natuklasang ang plakang ginamit sa kanyang pagdukot—TAB 194—ay nasa militar.
Isa sa mga pinakatanyag na kasong desaparecidos sa Pilipinas ang kay Jonas. Kinilala rin ng Court of Appeals ang militar at ang pamahalaan bilang mga may-sala ng kanyang pagkawala. Ngunit walang nanagot sa kabila nito.
Marami nang nagbago simula noong 2007. Isa sa mga magandang pagbabago ang pagkakaroon ng Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act simula noong 2012. Una at isa ito sa pinakakomprehensibong anti-enforced disappearance law sa Asya.
Ang problema, hindi naman ito naipapatupad, dahil kung oo, bakit ang dami pa ring dinudukot?
Hinihingi rin ng Commision on Human Rights (CHR) ang pagsunod sa International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance matapos ang pagkawala nina Dexter at Bazoo.
Ayon din sa CHR, pinapatibay ng pangyayaring ito ang katotohanan na talagang mapanganib ang kalagayan ng mga aktibista sa bansa.
Sa katunayan, hindi naman mahirap kabisaduhin ang daloy ng iisang kuwento. At mahirap itanggi ang daloy na ito dahil marami nang aktibista ang nakaranas nito.
Ganito kadalasan ang kuwento: marami sa nawawala ay mga aktibista; kadalasa’y nakikitang kasangkot sa pagkawala ang state forces; at hindi nabibigyang katarungan ang karamihan sa kanila dahil sa estado o sa korte.
Pinapalala pa ito ng awtoridad sa panre-red-tag sa mga biktima upang bigyang-katuwiran ang pagkawala. Litaw ito lalo sa kaso ni Capuyan ngayon.
Simple at epektibong paraan ito ng politikal na panunupil. Isa ito sa mga taktika ng mga pasista. At sa mga kasong ganito, mahirap mahanap ang katotohanan at katarungan. Hindi madalas ang paglitaw ng desaparecidos, at kung ilitaw man silang muli, palagi nilang buhat at ng mga mahal nila sa buhay ang trauma ng pagkawala.
Paulit-ulit ang daloy na ito upang patahimikin ang nakikibaka, ang lumalaban. Ngunit hindi dahil iisa ang daloy ay dapat itong sundan at ipagpatuloy. Kaya naman nananawagan kami sa gobyernong baguhin na ang daloy ng kuwento ng desaparecidos. Dapat magtanggol ang itinalagang magtanggol.
Higit pa, nanawagan kaming bigyan ng atensyon ng gobyerno ang kaso nina Dexter at Bazoo.
Ilitaw sina Dexter Capuyan at Bazoo De Jesus! Ilitaw ang lahat ng nawawala!