Tala-Salitaan 0419 | Bloody Sunday
June 1, 2023
Bloody Sunday – serye ng mga operasyon ng Philippine National Police at Philippine Army sa Calabarzon noong Marso 7, 2021 na nagresulta sa pagpatay sa siyam na katao at pag-aresto sa anim na indibidwal. Mga lider manggagawa, mangingisda, aktibista, environmentalist at katutubo ang mga naging biktima, kabilang ang anim na nasawi sa Rizal, dalawa sa Batangas at isa sa Cavite. Samantala, anim ang inaresto, tigtatlo sa Laguna at Rizal.
Inakusahan ng pulisya na may nakitang mga armas at granada sa mga operasyon at pinatay ang mga biktima dahil umano sa paglaban ng aarestuhin. Kinontra at sinalubong naman ng mga organisasyon ng karapatang pantao at noo’y Bise Presidente Leni Robredo, na inilarawan ang mga pagpatay bilang isang “masaker.”
Kinondena naman ng Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights ang mga pagsalakay at nagsabing ito ay “nabigla sa tila ‘di makatwirang pagpatay” sa mga aktibista.
Dalawang araw bago ang crackdown, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa telebisyon na inaatasan niya ang pulisya at militar na “tapusin” at patayin ang lahat ng miyembro ng rebeldeng grupong New People’s Army at nagpayo pa na “huwag pansinin ang karapatang pantao.”
Ayon kay Karapatan secretary general Christina Palabay, “Walang ibang utak sa likod ng mga malagim na pagpatay na ito kundi si Duterte mismo—na ilang araw lang ang nakalipas, nagbigay ng go signal para sa kakila-kilabot na pagpatay na ito.”
“Ang dugo ng mga napatay sa ‘Bloody Sunday’ raids ay nasa kamay ni Duterte at sa kanyang mga uhaw sa dugo na mga gaya ni [dating] Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Commander Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.,” dagdag ni Palabay.
Dalawang taon na mula noong “Bloody Sunday,” ang mga grupo ng mga karapatan, patuloy na gumagawa ng malinaw na panawagan sa hustisya, pananagutan at kapayapaan.
Nagpahayag ng galit ang Karapatan kamakailan na dalawang taon mula noong “Bloody Sunday,” wala sa mga may kasalanan sa mga pag-atake na ito ang napanagot.
Kaugnay nito, ibinasura nitong Enero ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong isinampa sa 17 pulis sa pagpatay kay labor leader si Emmanuel “Manny” Asuncion, isa sa mga aktibistang biktima sa Bloody Sunday raids noong 2021. Kinondena ng Defend Southern Tagalog ang desisyon.
Sa isang pahayag noong Abril 3, mariin ding kinondena ng Tanggol Magsasaka-Timog Katagalugan ang desisyon at ikinalungkot nito na ibinasura ng DOJ ang mga kaso kahit na kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga nagsampa.
Noong Marso 7, 2021, nagsilbi ang pulisya at militar ng 24 na search warrant sa Calabarzon, na humantong pamamaslang. Kabilang sa mga biktima ang lider-unyon na si Manny Asuncion, lider-mangingisda na sina Ariel at Chai Evangelista; lider-maralita na sina Melvin Dasigao at Mark Lee Bacasno at mga katutubo na sina Abner at Edward Esto, Puroy at Randay dela Cruz.
Binanggit din ng Karapatan na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. ang “pag-target sa mga lgal, hindi armadong aktibista.”
“Ang tunay na hustisya ay maihahatid lamang kapag ang mga pangunahing problema sa ating lipunan ay nalutas, at ang tunay na kapayapaan ay makakamit lamang kung ito ay ating ipaglalaban,” ayon pa sa Defend Southern Tagalog.
Nangako naman ang Karapatan na “dapat nating igiit ang pananagutan at hustisya para sa mga hindi makatarungang pinatay o inuusig. Dapat nating panagutin ang mga nasa kapangyarihan sa kanilang mga aksiyon.”