Husgahan Natin

Pag-aresto at pagdetine sa ‘Mansalay 2’

August 2, 2023

Ano ba ang karapatan ng mga taong naaresto?

Hinarap natin ang tanong na ito kaugnay ng pag-aresto at pagdetine ng militar kina Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado nitong Abril.

Sa kahilingan ng mga human rights group, dumalaw ang inyong lingkod sa kanila na tinaguriang “Mansalay 2” sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal nitong Mayo.

Hinuli ang dalawa ng 4th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army sa Mansalay, Oriental Mindoro sa paratang na mga lider sila ng New People’s Army (NPA). Nahuli raw ang dalawa matapos tumugon sa sumbong ng mga residente na may mga armadong umaaligid sa kanilang erya.

Sinabi ng militar na may kinalaman sila sa pagkamatay ng isang sundalong Mangyan sa kanilang lugar. Kasapi raw ng regional staff ng Southern Tagalog Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Mary Joyce habang si Arnulfo naman daw ay kasama sa Komiteng Tagapagpaganap, bukod pa sa ibang posisyon sa CPP, sa isla ng Mindoro.

Kabilang daw sa mga nakumpiska sa kanila ng mga sundalo ang Uzi sub-machine gun assault rifle, isang improvised explosive device, mobile cellphones, tablet, magazine at mga bala, gamot, at mga dokumentong subersibo.

Nagtangka pa ‘di umano tumakas itong si Arnulfo sa pagtalon sa masukal at mabatong bahagi ng gubat. Nauntog siya na naging sanhi ng sugat sa mata at pagkabali ng kanang kamay.

Kasalukuyan siyang ginagamot sa ospital ng Camp Capinpin, kasama si Mary Joyce, nang dumalaw ang inyong lingkod.

Ngunit ang lahat ng akusasyon sa dalawa ay hindi totoo at gawa-gawa lang, ayon sa Karapatan-Southern Tagalog (Karapatan-ST).

Kasapi ang dalawa ng Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Katagalugan (Batatik), isang progresibong organisasyon ng mga katutubo.

Una nang iniulat ng Karapatan-ST na nag-iimbestiga ang dalawa sa serye ng human rights violations laban sa mga katutubong Mangyan.

Kasunod ito ng Howitzer shelling sa Brgy. Waygan at Brgy. Teresita sa Mansalay na nakaapekto sa 6,000 katao noong Oktubre 2022.

Iniimbestigahan din nina Mary Joyce at Arnulfoang enforced disappearance ng isang Mangyan-Hanunuo noong Setyembre 2022 na nagngangalang “Kitot” na inisisi sa 4th IB.

Malaki raw talaga ang dahilan ng militar para taniman sila ng ebidensya at sampahan ng gawa-gawang kaso.

Ayon naman sa National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth (NNARA-Youth), dapat agad mapalaya sina Mary Joyce at Arnulfo lalo na at nilabag ang kanilang mga demokratikong karapatan sa pag-oorganisa at due process.

Sabi pa ni NNARA-Youth spokesperson Marina Cavan na politically motivated ang demanda laban sa dalawa at wala itong kaibahan sa ginagawa ng dating mga rehimen.

Hindi krimen ang pag-oorganisa sa mga katutubo at dapat labanan ang mga proyekto ng gobyerno na magpapaalis sa kanila sa kanilang komunidad, sabi pa ni Marina.

Ngunit ang masaklap sa kaso nina Mary Joyce at Arnulfo, doon sa Oriental Mindoro raw nangyari ang ginawa nilang paglabag sa batas ngunit sa Rizal sila ikinulong. 

Kung kaya, bakit pa kailangang dalhin sa Rizal ang Mansalay 2? Wala bang detention facility sa Mindoro?

Kaya pumayag ako sa hiling ng Karapatan-ST na kailangan nila ng abogado para makausap at malaman ang kalagayan ng dalawa.

Bandang 1 p.m., nandoon na kami sa Camp Capinpin kasama ang ina ni Mary Joyce para madalaw sila.

Ngunit sa aming pagkabigla, 4-6 p.m. pa ang oras ng dalaw sa mga detainee at ang maaari lang dumalaw ay ang kanilang abogado at malalapit na kaanak. Kailangan din daw ng Covid-19 antigen test ang mga dumadalaw.

Nagpakuha kami ng antigen test at pumasok na ako at ang ina ni Mary Joyce sa kampo noong alas-kuwatro na. Naiwan sa labas ang mga kasapi ng Karapatan-ST.

Naging makabuluhan ang aming pag-uusap. Pinaliwanag ko kay Mary Joyce na kahit naaresto siya, may karapatan siyang manahimik at itikom ang kanyang mga labi sa mga tanong sa kanya.

May karapatan din siyang pumili ng abogado upang asistihan siya kung sakaling isasalang siya sa interogasyon. Hindi rin siya maaaring tumestigo laban sa kanyang sarili.

May karapatan din siyang malaman kung ano ang uri at dahilan ng mga akusasyon laban sa kanya at magkaroon ng mabilis, bukas at patas na paglilitis. At may karapatan siyang ituring na inosente hangga’t hindi napatutunayang siya’y nagkasala.

Pinagbabawal din ang paglagay sa kanya sa lihim na kulungan, nag-iisa, inkomunikado o iba pang katulad na mga anyo ng detensyon.

Dapat din siyang bigyan ng karapatang sa daglian at sapat na tulong medikal.

May karapatan din siya laban sa sapilitang paglilingkod maliban lamang kung ito ay kaparusahang pataw ng hatol ng pagkakasala.

At higit sa lahat, may karapatan siyang magsampa ng apela kung siya ay hinatulang nagkasala.

Sana naman, paglabas ng kolum na ito ay nailipat na sa Oriental Mindoro sina Mary Joyce at Arnulfo kung saan naroon ang kortena hahawak sa kanilang kaso.

Iyon lamang ang aking maiksing karanasan tungkol sa Mansalay 2, mga mahal kong mambabasa.