Editoryal

Nagpalala sa baha

August 7, 2023

Larawan mula sa Pamalakaya.

Maaari sanang mabawasan ang pagbahang dulot ng bagyo at habagat sa Bulacan, kung pinakinggan lang ang tinig ng mga eksperto at mamamayan laban sa reklamasyon.

Matagal nang tinututulan ng mamamayan ng Bulacan at iba pang probinsya sa paligid ng Manila Bay ang pagtamtambak sa dagat. Bukod sa pagkasira sa kalikasan at kabuhayan, nagbabala na rin ang mga eksperto na maaaring magpalala ng baha ang mga proyektong reklamasyon, kabilang ang New Manila International Airport ng San Miguel Corporation (SMC) sa Bulacan.

Nakita natin ang pinsala sa Bulacan ng mga bagyong Egay at Falcon at ng habagat. Idineklara ang State of Calamity sa Bulacan. Mahigit 200,000 pamilya mula sa 171 barangay ng probinsya ang apektado at umabot sa nasa 21,000 indibidwal ang napilitang lumikas dahil sa matinding pagbaha.

Sa pagtaya ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, umabot sa P500 milyon ang pinsala sa imprastraktura, nasa P93 milyon sa agrikultura at nasa P7.67 milyon ang halaga ng napinsalang mga kabuhayan.

Batay sa pahayag ng mga lokal na opisyal at mga apektadong residente, pag-apaw ng mga ilog at ibang daang-tubig ang pangunahing sanhi ng baha. Hindi kinaya ng mga natural na daluyan ng tubig ang malakas na ulan at pagragasa ng tubig mula sa karatig na mga probinsya na sinabayan pa ng high tide.

Ayon sa mga residente, karaniwan man silang nakaranas ng pagbaha bago simulan ang pagtambak sa dagat, hindi naman anila kasing tindi ng bahang dala dumaang mga bagyo at habagat. Ayon naman sa mga awtoridad, binaha rin ang mga lugar sa Bulacan na hindi naman dati binabaha.

Nauna nang nagbabala ang mga eksperto na patitindihin ng itinatayong airport ang pagbaha sa Bulacan. Ayon sa Advocates of Science and Technology for the People (Agham), pinabibilis ng reklamasyon ang paglubog ng lupa sa paligid ng baybayin at mga kalapit na bayan. Nababarahan din ang natural na daluyan ng tubig.

Lalong bulnerable sa matinding pagbaha ang mga lugar na apektado ng reklamasyon dahil sa mabilis na pagtaas ng antas ng dagat sa mundo.

Sa Pilipinas, tatlong beses na mas mabilis ang pagtaas nito kumpara sa ibang bahagi ng mundo ayon sa pag-aaral ng UP Marine Science Institute. Tantiya ng mga siyentista mula sa Climate Central, tuluyang malulubog sa tubig baha ang Bulacan, Pampanga at iba pang lugar sa paligid ng Manila Bay sa 2050.

Pero patuloy na itinatanggi ng gobernador ng probinsya at pambansang pamahalaan ang mga babala. Sadya lang raw mababa at bahain ang kanilang lugar, kailangan lang din anilang palalimin ang mga ilog at magpatupad ng mas maraming flood-control projects.

Ang masama, pamahalaan pa ang nag-aabugado at nag-aabsuwelto sa SMC.

Pagbibida ni Bulacan Governor Daniel Fernando, humingi na ng tulong kay Ramon Ang sa paghuhukay ng mga ilog at daang-tubig at sa pagpapataas ng mga kalsada. Ngunit hindi sapat ang mga ito para mapigilan ang mas matitinding baha na reklamasyon mismo nila ang nagpalala.

Totoong hindi maiiwasan ang mga kalamidad. Pero maaaring maibsan ang pinasala nito, lalo na sa harap ng tumitinding pagbabago ng klima, sa pamumuhay at kabuhayan ng mamamayan.

Kailangang pakinggan ng pamahalaan ang mamamayan at mga eksperto. Kailangan lang unahin ng gobyerno ang kapakanan ng kalikasan at sambayanan, kaysa sa tubo ng pribadong kapital.