2 environmental defender, humiling ng proteksiyon sa Korte Suprema

October 2, 2023

Humingi ng proteksiyon sina Jonila Castro at Jhed Tamano sa Korte Suprema mahigit isang linggo matapos silang ilitaw ng militar sa isang press conference sa munisipyo ng Plaridel, Bulacan. Dinukot ng mga lalaking sakay ng gray na SUV ang dalawang environmental activist sa Orion, Bataan noong Setyembre 2.

Sa tulong ng Free Legal Assistance Group, nagpetisyon sina Castro at Tamano para sa writ of amparo at writ of habeas data nitong Setyembre 28 upang mapangalagaan ang kanilang buhay, seguridad at kalayaan.

Mga remedyong legal ang writ of amparo sa pagprotekta ng mga karapatang konstitusyonal at writ of habeas data sa pagprotekta sa impormasyon at pribasiya ng taong humihingi nito sa korte.

Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, kagyat at kailangan ang mga remedyong legal na ito para protektahan ang dalawa laban sa mga banta ng mga elemento ng estado.

“Sa nakalipas na isang linggo mula nang tinangkang palabasin sa midya na ‘surrenderees’ ang dalawa, patuloy silang nire-red-tag, sinisiraan at pinagbabantaan ng kaso ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), Armed Forces of the Philippine (AFP) at mga opisyal ng pamahalaan,” wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa Ingles.

Matapos ang mailipat ang kustodiya nina Castro at Tamano sa Commission on Human Rights mula sa lokal ng pamahalaan ng Plaridel noong Setyembre 19, naging sunod-sunod ang mga pahayag ng NTF-Elcac, AFP at National Security Council na maaaring kasuhan ang dalawa dahil sa pagbaligtad sa kanilang sinumpaang salaysay na sila’y kusang sumuko sa militar.

Sinuportahan naman ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) ang hakbang para humingi ng proteksiyon sa Korte Suprema.

Sinabi ng grupo na nailantad ng pagdukot kina Castro at Tamano ang mga marahas na taktika ng militar para pigilan ang mahalagang gawain ng mga environmental defender at nararapat lamang na mabigyan ng proteksiyon ang dalawa mula sa mapaghiganting atake.

Nagsalita rin ang mga lider-simbahan sa patuloy na “government crackdown” sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.

Ayon sa Ecumenical Bishops’ Forum, dapat nang tantanan ng mga elemento ng militar at pulisya sina Castro at Tamano at hayaang tahakin ng dalawa ang kanilang piniling landas na ipagtanggol ang kalikasan.