2 aktibistang dinukot ng militar, ni-rescue ng taumbayan
September 20, 2023
Dinumog ng mga progresibong organisasyon ang munisipyo ng Plaridel, Bulacan at tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Quezon City nitong Setyembre 19 matapos ilantad ng dalawang environment activist na dinukot sila ng militar, hinarass at pinilit na pinapirma sa affidavit ng pagsuko.
Sa press conference mismo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa munisipyo ng Plaridel, sinabi nina Jonila Castro at Jhed Tamano ang sinapit nila noong gabi ng Setyembre 2 sa Orion, Bataan.
“Ang totoo po ay dinukot kami ng mga militar, sakay ng van. Napilitan din kami na sumurrender dahil pinagbantaan ‘yong buhay namin. Hindi rin namin ginusto na mapunta kami sa kustodiya ng mga militar. Hindi rin totoo ‘yong laman ng affidavit dahil ginawa iyon, pinirmahan ‘yon sa kampo ng mga militar. Wala na kaming magagawa sa mga pagkakataon na ‘yon,” kuwento ni Castro.
Sinegundahan naman ito ni Tamano. Aniya, “Naglalakad lang po kami sa kalsada nang merong dumukot sa amin. May tumigil pong SUV sa harap namin tapos dinukot po kami, pinilit kaming pinasama sa kanila. Akala po namin sindikato pero kilala po nila kami.”
Sa pagsisiwalat ng dalawang miyembro ng Akap Ka Manila Bay, mabilis na hininto ng NTF-Elcac ang naturang press conference. Hindi na nakuwestiyon ng midya ang buong detalye ng pagdakip at ang karanasan nila sa “safehouse” ng 70th Infantry Battalion (IB) sa loob ng mahigit dalawang linggo.
“Ayaw na po naming magpakustodiya sa militar,” giit pa ni Castro. Pero sa kabila ng pahayag na ito, hindi agad pinakawalan ang dalawa.
Kaya naman nagkasa ng pagkilos ang kanilang mga tagasuporta sa harap ng munisipyo para sa kagyat at ligtas na paglaya nila.
Ilang oras matapos ang press conference, dumating din si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kasama ang mga abiogado, taong-simbahan at lider ng mga organisasyon para sa tuluyang pagbabalik nina Castro at Tamano sa kanilang pamilya.
Ayon kay Brosas, dapat sampahan ng kaso ng kidnapping at illegal detention ang 70th IB at NTF-Elcac dahil sa nangyari.
Matapos ang pakiusap, sa huli, inilipat ang “kustodiya” ng dalawa sa CHR bago tuluyang makasama ang kanilang mga kaanak.
Pasismo ng estado
Bago ang pagdakip sa dalawa, halos isang taong dinadalaw ng militar ang tahanan nina Castro. Kwento ni Rosalie, ina ni Castro, sinabihan siya na armado ang kanyang anak kaya’t i-surrender na lang daw ito sa gobyerno.
“Bakit ano po bang ginagawa ng anak namin?” balik na tanong ni Rosalie sa mga sundalo.
Sina Castro at Tamano ay isa mga kabataang aktibo sa paglaban sa reklamasyon sa Manila Bay at pagtatanggol sa kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar.
“Ang gusto lang namin maipakita ngayong araw, ‘yong lantarang pasismo ng estado sa mga aktibistang ang tanging hangarin ay ipaglaban lang ‘yung Manila Bay. May nangyayaring reclamation projects doon. Ang problema roon ay ‘yong mga mangingisdang mawawalan ng hanapbuhay. Pero nagagamit ‘yong mga militar para ipatigil ‘yong mga pagkilos, para supilin ‘yong mga kabataan at mangingisdang nandoon. ‘Yon ang tunay na isyu rito,” pahayag ni Castro.
Hindi na bago ang ganitong estilo ng NTF-Elcac at militar na red-tagging, pagdukot at sapilitang pagpapasuko. Noong Enero 10, dinampot sa pantalan ng Cebu City ang mga aktibistang sina Dyan Gumanao ng Alliance of Concerned Teachers Region 7 Union at Armand Dayoha ng Alliance of Health Workers-Cebu. Natagpuan sila ilang araw matapos ang pagdukot. Iniwan sila ng mga dumukot sa kanila sa isang resort sa bayan ng Carmen, Cebu.
Matatandaang makailang ulit ding nabuko ang gobyerno sa mga edited na larawan at sapilitang pagpapadalo sa mga seminar na pinalalabas na pagsuko ng mga armadong rebelde.
Para kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Raymond Palatino, patunay ang mga kaso ng pagdakip at sapilitang pagkawala ng mga aktibista sa ilalim ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapatuloy ang terorismo sa bansa kahit walang batas militar sa kasalukuyanan.
Batay sa huling datos ng human rights watchdog na Karapatan, umabot na sa 10, kasama sina Castro at Tamano, ang nawala sa ilalim ni Marcos Jr.
Paninindigan sa prinsipyo
Sa kabila ng harassment at banta sa seguridad, nananatiling nanindigan sa kanilang mga prinsipyo sina Castro at Tamano. Para sa sambayanang patuloy na lumalaban, malaking inspirasyon ang tapang na ipinakita ng dalawa.
“Ang mga kabataan, sa halip na matakot, ay lalong nagpupursigi na tumindig, maging kaisa sa demokratikong hangarin ng masa, protektahan ang kalikasan, at manindigan para mailantad ang kasinungalingan at matigil ang mga atake ng AFP (Armed Forces of the Philippines) at NTF-Elcac,” pahayag ni Kej Andres ng Student Christian Movement of the Philippines.
Sa harap ng mga nakiisa sa protesta sa CHR, nagpasalamat at nagbigay ng mensahe sina Castro at Tamano na ligtas na napalaya at nakabalik sa piling ng kanilang pamilya, kasama at kabigan.
“Napatunayan natin sa mga nangyari nitong nakaraan yung kawastuhan ng paglaban natin, na sa tanging pagkakaisa lang natin mareresolba ‘yong kahit na anong problema. Sa ngayon, kailangan na rin nating magfocus sa kung ano ‘yong isyu ng bansa ngayon—ituloy ang laban sa pagpapatigil sa mga reklamasyon, pagtanggol sa karapatan sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Manila Bay,” ani Castro.
“Gusto ko lang din pong magpasalamat nang sobra,” sabi naman ni Tamano. “Kasi hindi naman po magagawa ‘to ng mag-isa lang kami. Ang panawagan namin ay ilitaw din ang iba pang [biktima ng] enforced disappearances na alam naman natin kung sino ba ang may pakana sa lahat ng mga ‘yon.”
Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, dapat kasuhan at panagutin ang NTF-Elcac sa pagdukot sa kina Castro at Tamano at maituturing na paglabag sa Anti-Enforced Disappearance Act ang nangyari sa dalawa. Nanawagan din si Palabay na buwagin na ang NTF-Elcac at ibasura ang confidential and intelligence funds na ginagamit upang supilin ang mga karapatan ng mamamayan.
Samantala, nanawagan naman ang iba’t ibang sektor na sumama sa mga pagkilos na Setyembre 21 para gunitain ang ika-51 anibersaryo ng batas militar ng diktadurang Marcos Sr. at labanan ang kasalukuyang Anti-Terrorism Law ng gobyernong Marcos Jr.