Pagpapawalang-sala kay Palparan, inhustisya

October 12, 2023

Emosyonal na lumabas si Raymond Manalo sa Regional Trial Court (RTC) Branch 19 sa Malolos City, Bulacan. Larawan mula sa BulSU Pacesetter.

Emosyonal na lumabas si Raymond Manalo sa Regional Trial Court (RTC) Branch 19 sa Malolos City, Bulacan habang sumisigaw ng “Walang katarungan!” matapos mapawalang-sala si Maj. Gen. Jovito Palparan sa kasong kidnapping and serious illegal detention with serious physical injuries nitong Oktubre 6.

Isinampa ang kaso laban kay Palparan at mga miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) noong 2016 ng magkapatid na magsasakang sina Raymond at Reynaldo Manalo na dinukot noong Pebrero 14, 2006 sa San Ildefonso, Bulacan.

Kinondena ng human rights watchdog na Karapatan ang pagpapawalang-sala ni Judge Francisco Felizmenio sa retiradong heneral na dumukot, tumortyur at pumaslang ng maraming mamamayan sa mga rehiyon kung saan siya nadestino noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“We are appalled at how this court crassly disregarded the history and legal battle that the case of the Manalo brothers have gone through for 16 years since [they were] abducted by Palparan’s men in [2006],” pahayag ng Karapatan.

Dinala at tinortyur ang magkapatid sa iba’t ibang kampo ng militar sa Gitnang Luzon hanggang nakatakas noong Agosto 2007. Sa kanilang detensiyon sa isang kampo, nakilala nila ang mga nawawalang mag-aaral ng University of the Philippines (UP) na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño at nasaksihan ang pagtortyur sa kanila.

Naging susi ang kanilang testimonya sa hatol na guilty na may parusang habangbuhay na pagkakabilanggo kay Palparan at dalawa pang opisyal ng militar noong 2018 sa kasong kidnapping and serious illegal detention sa dalawang nawawalang mag-aaral ng UP.

Nanawagan din ng katarungan at pagpapanagot ang mga pamilya ng mga desaparecido sa hatol ng hukuman sa Bulacan.

“This verdict not only perpetuates a culture of impunity but also sends a chilling message to all those who seek justice for the victims of human rights violations,” pahayag ng Desaparecidos, organisasyon ng mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala.

Sa isang kilos-protesta sa Quezon City matapos ibaba ang hatol ng Malolos RTC sa kaso nilang magkapatid, sinabi ng Raymond Manalo na hindi pa natatapos ang kanilang laban para sa hustisya.

Nangako rin ang Karapatan na patuloy nilang susuportahan ang magkapatid na Manalo at iba pang mga biktima ng pagdukot at tortyur na maalpasan ang mga hamon sa kanilang paghahanap ng katarungan at pagpapanagot sa mga may sala.