Editoryal

Mula ilog hanggang dagat


Higit pa ito sa usapin ng paniniwala—hindi ito mga Hudyong Israeli laban sa mga Muslim na Palestino. Usapin ito ng kasakiman ng imperyalismo at panunupil nito sa mamamayang lumalaban para sa tunay na kalayaan at katarungan.

Libo-libong mamamayang Bangsamoro sa Marawi City ang nagpahayag ng suporta sa mamamayang Palestino matapos ang pambobomba ng Israel na kumitil sa may 500 katao sa isang ospital sa Gaza noong Oktubre 17.

Mga biktima ng displacement dahil sa Marawi siege noong 2017 ang karamihan sa mga sumali sa protesta. 

Bagaman ‘di hamak na mas matindi ang mahigit pitong dekadang pandarahas at pamamaslang ng Zionistang Israel, nakikita nila ang kanilang mga sarili sa mga mamamayang Palestino sa Gaza.

Maraming progresibong grupo rin sa Pilipinas ang nagpahayag ng suporta sa kilusang pagpapalaya ng mamamayang Palestino. Anila, araw-araw ang karahasang dinaranas ng mga Palestino sa kamay ng Israel.

Mula nang mabuo ang tinatawag na “State of Israel” matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinontrol na ng Zionistang gobyerno at mga kakampi nitong imperyalista ang lupain at buhay ng mga Palestino.

Kaiba naman ang tinuran ng pamahalaan ng Pilipinas. Sunod sa kanaisan ng imperyalismong United States (US), nagpahayag ng suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Zionistang Israel nang bumisita sa Malacañang kamakailan si Israeli Ambassador Ilan Fluss.

Sa United Nations naman, piniling hindi bumoto ni Philippine Ambassador Antonio Lagdameo sa resolusyon para sa tigil-putukan sa pagitan ng Zionistang Israel at mga puwersang mapagpalaya ng mamamayang Palestino. Unang isinulong ang resolusyon para sana bigyang daan ang pagpapadala ng tulong sa mga sibilyang naiipit sa labanan.

Ipinalalabas ng mga imperyalistang bansa tulad ng US at United Kingdom at ng Kanluraning midya na teroristang grupo ang Hamas. Ngunit sa katotohanan, isa lang ang Hamas sa maraming grupo ng kilusan para pambansang pagpapalaya sa Palestine.

Isipin ninyo: sa mahigit na pitong dekada ng pag-agaw ng lupa, pang-aabuso, pandarahas at pamamaslang sa kanilang lahi, sino ba ang hindi magnanais na lumaban para tuluyang wakasan ang okupasyon at kahayupang ginagawa ng Zionistang Israel sa mga Palestino?

Higit pa ito sa usapin ng paniniwala—hindi ito mga Hudyong Israeli laban sa mga Muslim na Palestino. Sa katunayan, maraming Kristiyanong Palestino rin ang biktima ng kalupitan ng Zionistang Israel.

Mas usapin ito ng kolonyalismong settler. Usapin ito ng kasakiman ng imperyalismo at panunupil nito sa mamamayang lumalaban para sa tunay na kalayaan at katarungan.