Absuwelto na naman ang kurakot
Walang napaparusahan na makapangyarihan sa ating bayan. Bulok ang hustisya at pabor sa iilan habang ang karaniwang tao, napakabilis itapon sa piitan kahit pa walang kasalanan.
Kamakailan, ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong plunder o pandarambong kay Sen. Jinggoy Estrada pero idineklara siyang guilty sa kaso ng bribery o panunuhol buhat ng 2013 Pork Barrel Scam.
Matatandaang tatlong taong nakulong si Estrada mula 2014 hanggang 2017 bago siya pinayagang magpiyansa para sa parehong kaso.
May sentensiya ang senador ng walo hanggang siyam na taon sa pagkakakulong kasabay ng multang P3 milyon. Pero mahaba pa ang pagdadaanang proseso ng apela ng senador bago siya tuluyang mahatid sa bilangguan.
Kasama ni Janet Lim-Napoles, tinaguriang mastermind ng Pork Barrel Scam, si Estrada sa pagdirehe na ilaan ang P262 milyong pondo ng bayan sa mga pekeng non-government organization na kalauna’y pinagpiyestahan ng mga buwaya.
Habambuhay nang kulong si Napoles sa kasong pandarambong. Ang hindi maunawaan ng marami: kung kasabwat si Estrada, bakit absuwelto siya sa pandarambong at mas mababang kasong panunuhol lamang ang desisyon sa kanya?
Para sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan, masasabi nga namang sila’y “live like a king, die like a rat.” Pero daig sila ng politikong magnanakaw na tila “live like a king, even as a king of crime.”
Walang napaparusahan na makapangyarihan sa ating bayan. Bulok ang hustisya at pabor sa iilan habang ang karaniwang tao, napakabilis itapon sa piitan kahit pa walang kasalanan.
Noong 2016, ibinasura ng Korte Suprema ang mga kasong korupsiyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Noong 2018 naman, abswelto sa pagnanakaw si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. At hanggang ngayon, ligtas mula sa kulungan si Imelda Marcos na hinatulang “guilty” sa kasong katiwalian noong 2018.
Hindi man lang sinilip ang mga bank account ni Estrada kung saan posibleng makita sana ang kaduda-dudang paglobo ng milyon-milyon. Masyado namang halata ang pagpabor ng Sandiganbayan.
Ayon sa batas, kinakailangang umabot sa P50 milyon ang ibinulsang pera bago siya kilalanin bilang pandarambong. Kung tutuusin, sobra sobra pa nga ang winaldas na pondo ng senador.
Marapat lang na tandaan, bahagi si Estrada sa naging slate ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang halalan. At sa kahuli-huli, ilang beses pang nagpahayag ng pagsuporta ang senador sa kanyang boss.
Halos walang hustisya sa bansa, dahil din sadyang mabagal ang mga korte. Isipin natin, senior citizen na si Estrada, iyong desisyon sa una niyang kaso, inabot ng isang dekada. Ngayon, dadaan pa iyan sa Court of Appeals at matapos iyon, sa Korte Suprema naman.
Asahan nating mahigit isang dekada nanaman iyan. At kapag tumagal sa poder si Marcos Jr. o kaya’y kakampi rin ang naupo, tiyak na ililigtas na naman ang kapanalig sa politika.
Sa madaling salita, malabo ng maparusahan pa ang sangkot sa isa sa mga pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ng bansa.
Kung si Estrada nga ang tatanungin, sinabi niya, “Wala namang magbabago. Magpapatuloy ako bilang senador.”
Hindi man lang siya kinabahan dahil kumpiyansa siya sa sistemang pinaglilingkuran niya. Huwag hintayin sa korte ang hustiyang ‘di naman darating. Mamamayan ang maningil at magtutulak ng parusa.