Bakit wala pa ring nakabubuhay na sahod?


Pinagmamalaki ng Department of Labor and Employment na milyon-milyong manggagawa ng pribadong sektor ang makikinabang sa kakarampot na dagdag-sahod na naglalaro lang sa P30 hanggang P50.

Sunod-sunod ang pagtaas ng sahod sa iba’t ibang rehiyon sa bansa nitong nagdaang mga buwan. Sa rekord ng National Wages and Productivity Commission, 13 mula 17 rehiyon na ang may aprubadong umento. Tatlo sa mga ito—Bicol, Cordillera Administrative Region, at Mimaropa—ay sa Disyembre pa magkakabisa. 

Pinagmamalaki ng Department of Labor and Employment na milyon-milyong manggagawa ng pribadong sektor ang makikinabang sa kakarampot na dagdag-sahod na naglalaro lang sa P30 hanggang P50.

Sa nakakalulang presyo ng mga bilihin, “insulto” ang ganitong halaga para sa maraming nagbabanat ng buto. Sa Litex Market sa Quezon City, kulang pa ito para makabili ng isang kilong bigas na P53 o makapagpagupit ng buhok sa barberya na P80 ang bayad.

Sa datos ng Ibon Foundation nitong Oktubre, hindi man lang umabot ng kalahati ang mga bagong minimum wage sa family living wage o halagang kailangan sa isang araw para mabuhay nang disente ang pamilyang may limang miyembro.

Sabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU), “consistent na barat at makupad” ang mga regional wage board. “Ang tagal naghihintay ng mga manggagawa sa desisyon pero walang kabuluhang limos lang pala ang matatanggap,” dagdag nito.

Sa Calabarzon at Central Visayas, naghintay ng mahigit kumulang anim na buwan ang mga manggagawa bago nakatanggap ng umento. Napakalayo pa ng inaprubahang halaga ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa inihain ng mga unyon, alyansa at koalisyon.

Sa National Capital Region (NCR), ipinetisyon ng Unity for Wage Increase Now ang P571 umento para maging P1,141 ang minimum wage. Pero barya-baryang P40 lang ang idinagdag sa sahod ng mga manggagawa sa rehiyon.

Bakit nga ba magpahanggang ngayon ay wala pa ring makabuluhang dagdag-sahod?

Ayon kay KMU secretary general Jerome Adonis, hindi na bago ang mababang dagdag-sahod sa bawat rehiyon. Sa 34 taon ng RTWPBs, wala itong ginawa kundi panatilihing bansot ang sahod ng mga manggagawa.

“[Nasa] mandate ng regional wage boards na mag-set lang ng minimum. Kaya sa totoo lang, hindi kami nagtataka na barya-barya o tingi-tingi ang ibibigay [nilang] dagdag-sahod kahit alam nilang matagal nang nagtaas ang presyo ng mga bilihin at ang idadagdag nila ay hindi makaka-replenish sa amount na nawala [sa mga manggagawa] n’ong inflation rate,” ani Adonis.

Mula nang maipasa ang Wage Rationalization Act noong 1989 na nagrehiyonalisa sa minimum wage, pinaubaya na ng bawat administrasyon ang pagtatakda ng sahod sa mga lokal na awtoridad, malalaking kapitalista at iba pang kasangkot nito.

Pinabulaan ni Jaime Paglinawan ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-KMU ang paniniwalang mas mura ang paninirahan sa labas ng NCR katulad ng iginigiit ng gobyerno. Aniya, mas mahal pa ang presyo ng bigas sa Cebu kaysa sa Maynila.

Isa pa, mismong Labor Code of the Philippines ang ginagawang legal na batayan para paigtingin ang mababang na pasahod at masahol na kontraktuwalisasyon na kaakit-akit sa lokal at dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Noong nakaraang mga buwan, hinimok ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang gobyerno na ipagpaliban muna ang pagdinig sa panukalang batas para sa dagdag-sahod, partikular ang Senate Bill No. 2002 ni Sen. Juan Miguel Zubiri na magdaragdag ng P150 sa minimum wage sa buong bansa.

Ikinatuwiran ni PCCI president George Bacelon na makakaapekto ang taas-sahod sa “competitiveness” ng bansa sa pandaigdigang kalakalan at dayuhang pamumuhunan. Samantala, sabi ni ECOP president Sergio Ortiz-Luis Jr. na magreresulta ito ng mas mataas na inflation.

Ganito rin ang paulit-ulit na binabanggit ng National Economic and Development Authority sa kanilang mga pahayag. Anila, kailangang iakma ang sahod ng mga manggagawa sa inflation rate. Bababa rin umano ang gross domestic product ng bansa kung sakaling magtaas ng sahod.

Michelle Mabingnay/Pinoy Weekly

Nauna na itong pinasunangalingan ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler) na nagsabing walang direktang kinalaman sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Sabi ng Eiler, makatutulong pa nga sa ekonomiya ng bansa kung sakaling magtaas ng sahod dahil mas tataas din ang kakayahang bumili ng mga manggagawa.

Gasgas na rin ang palusot na malulugi ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) kung may umento. Sa aktuwal, mas umaaray ang MSMEs sa gastos sa utilities tulad ng buwanang bayad sa renta, kuryente, tubig at iba pa.

Noong nangangampanya pa lang, pinangako na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itataas nito ang sahod ng mga manggagawa kapag nanalo siya sa pagkapresidente.

Sabi naman ni Adonis, kung totoong may pakialam ang pangulo sa mga manggagawa ay tuparin nito ang kanyang mga ipinangako. Bilang pangulo, may magagawa umano siya para kagyat na tugunan ang daing ng mga manggagawa.

“Kayang-kaya niyang gawing priority o urgent ang inihain nating national minimum wage sa [legislature] o kaya pumirma siya ng [executive order] na magtatakda ng national minimum wage na nakabatay sa family living wage,” ani Adonis.

Simula noong Setyembre 2022, pending pa rin sa committee on labor and employment ang House Bill No. 4898 ng Makabayan bloc na nagsusulong ng P1,100 minimum wage.

Sa kabila ng nakaiinsultong barya-baryang dagdag-sahod na inaprubahan ng RTWPBs sa mga nagdaang buwan, tuloy-tuloy ang malakas na panawagan at kampanya ng mga manggagawa na ibigay ang nararapat na halaga na kanilang pinaghihirapan.

“Nasa history ng kilusang paggawa ‘yong tagumpay [ng] mga welgang bayan. At [hanggang] hindi gumagawa ng paraan itong gobyerno para magkaroon ng makabuluhang dagdag-sahod, magtutulak lang iyon ng mas malawak na mga pagkilos sa hanay ng mga manggagawa,” sabi pa ni Adonis.