close

Kalinga* ay nasa Tanglag

Pero higit sa tahanan at mga pagkain, ipinakita rin ng mga lokal ng Tanglag ang mayaman nilang kulturang pang sining na nag-ugat sa kanilang mayamang kasaysayan.

Pagprotekta o pag-aalaga ang ibig sabihin ng “kalinga” sa Filipino, mga bagay na parehong ipinamalas ng residente ng Lubuagan, Kalinga sa nagdaang 40th Peoples’ Cordillera Day.

Hindi pa man tuluyang sumisikat ang araw, abala na ang mga lokal ng Liglig sa Brgy. Tanglag sa paghahanda ng pagkain para sa higit isang libo nilang bisita mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Mula sa ilang oras na biyahe, sumalubong sa mga bisita ang kababaihan ng Tanglag para igiya sila sa mga bahay na kanilang tutuluyan kung saan nakahanda na rin ang pagkain para sa sikmura nilang sinubok ng mahigit isang oras na hiking.

Sa bawat bahay, hindi mawawala ang unlimited na kape mula sa mga binhing katutubo mismo ang nag-ani. Sa katunayan, bukod sa pangkalahatang handaan, pinaglulutuan pa ng mga katutubo ang kanilang mga bisita, partikular ng mga gulay na sila rin ang may tanim.

Pero higit sa tahanan at mga pagkain, ipinakita rin ng mga lokal ng Tanglag ang mayaman nilang kulturang pang sining na nag-ugat sa kanilang mayamang kasaysayan.

Ang kanilang mga awitin ay halos iisa ang ibig iparating, kuwento ng mga lokal na sila ay tumindig kahit na ang mga armas ay direkta nang nakatutok sa kanila. Kaya naman patuloy silang titindig sa kahit ano pang panlulupig ng mga nais kumamkam sa kanilang lupang ninuno o mang-alipusta sa kanilang kultura’t pamayanan.

Paggunita sa kabayanihan ng Anti-Chico Dam movement leader na si Macliing Dulag na pinatay ng mga sundalo noong Abril 24, 1980 ang esensiya ng pagtitipon. 

Ngunit nang tumagal, naging tulay na ito upang ipaglaban ang iba’t iba pang mga isyung kinakaharap ng rehiyon partikular sa isyung pangangamkam ng lupain.

Kaya naman kung act of service ang love language mo, kalinga ay nasa Tanglag.

Pumuwesto ang isang paslit sa bintana kung saan may sinag ng araw upang magbasa. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

Sinamantala ng mga lokal ng Tanglag ang dagsa ng tao sa kasagsagan ng Peoples’ Cordillera Day upang makarami ng benta sa kanilang itinitindang pangmeriyenda. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

Dahil isa ang Peoples’ Cordillera Day sa pinakamalaking pagdiriwang sa rehiyon, ipinapasuot ng mga lokal sa kanilang anak ang pinaka magagara nilang mga damit. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

Naglalaro ang mga kabataan ng Tanglag habang nasa inihandang workshops naman na inihanda ng Cordillera Peoples Alliance ang kanilang mga magulang. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

Maging ang pinakamatatandang residente ng Tanglag ay dinaluhan ang dalawang araw na selebrasyon ng Peoples’ Cordillera Day. Jolie Babista/Pinoy Weekly

Nakikinig ang isa sa pinakamatandang magsasaka ng Tanglag sa workshop tungkol sa estado ng pagsasaka sa lugar na pinangunahan ng lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na si Danilo Ramos. Jolie Babista/Pinoy Weekly

Nagkukuwentuhan ang mga residente ng Tanglag. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

Sa loob ng mga quarter o kahit sa paligid ng Tanglag, hindi mawawala ang unlimited na kapeng ani pa ng mga lokal mula sa binhi ng robusta. Jolie Babista/Pinoy Weekly

Sinasanay ng mga kababaihan ang kanilang piyesang kakantahin sa huling gabi ng 40th Peoples’ Cordillera Day. Kakantahin nila ang Tanglag song na tungkol sa kung paano tumindig ang mga Igorot laban sa Chico Dam. Jolie Babista/Pinoy Weekly

Gamit ang gangsa at kanilang etnikong mga galaw, ipinakita ng mga residente ang kanilang kultura sa pamamagitan ng pagsasayaw. Charles Magallanes/Pinoy Weekly