close

Lumalagong industriya ng serbisyo, barat magpasahod

Lumalaban nang patas ang mga service worker. Sa kasamaang palad, pang-aabuso ang sukli sa sandamakmak na pawis at oras na kanilang sinasakripisyo.

Malimit na malalaking ngiti ang sinasalubong ng mga service worker sa mga mamimili. Mga manggagawang nagpupursige bagaman hindi natutumbasan ng kanilang sahod ang pagod nila sa araw-araw.

Hindi makatarungan ang pasahod ng pribadong sektor para sa walong oras o higit pang pagtatrabaho ng mga manggagawa. Kaakibat ng kulang na sahod ang pagtaas naman ng sinasabing productivity rate ng mga empleyado.

Simula 2018, tumaas ng 28.9% ang productivity rate ng mga manggagawa ayon sa Ibon Foundation. Subalit dalawang beses lang tumaas ang sahod ng mga empleyado.

Patunay ito na hindi tinutugunan ng pamahalaan ang hinaing ng mga manggagawa na patuloy nagsusulong ng kanilang karapatan.

“P76.25 lang ang kada oras [ang aking sahod], hindi talaga sapat,” sabi ni Angel Branda, dalawang taong working student at service crew sa branch ng isang sikat na fast food chain sa Quezon City.

Ang maliit na sahod ni Branda ang pinangsusustento niya sa pang araw-araw na pangangailangan at bayarin sa eskuwelahan.

Aminado siya na malaki ang naitulong ng pagtatrabaho niya sa kompanya dahil nakakatanggap siya minsan ng “tip” sa mga customer kahit maliit ang sinasahod niya. Subalit hindi maitatanggi ni Branda na mas sasapat ang kita niya kung hindi magiging kada oras ang bayad sa kanila. 

“Linggo na lang ako pumapasok kasi may pasok ako sa eskuwelahan. Sa isang buwan may apat na Linggo kaya pumapalo lang ng P600 o P500 ‘yong sahod ko [tuwing kinsenas]. Kaya pumapalo lang siya ng gan’on kasi may kaltas pa,” aniya. 

Inulat ng Commission on Higher Education (CHED) na 216,000 ang mga working student sa Pilipinas o 8% ng kabuuang populasyon ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

Isa ang service sector sa mga tumatanggap ng mga empleyadong undergraduate at  working student. Kasama rito sina Branda at si Jethro Serador.

Nagtrabaho ng 11 na buwan bilang isang service crew si Jethro Serador sa isang fast food chain noon. Jethro Serador

“Hindi talaga tugma ‘yong tinatrabaho namin sa sinasahod namin. May naririnig ako na ‘yung tipong pagpitas ng mansanas—ang laki na ng sinasahod sa ibang bansa. Pero kami, grabe, pawisan talaga tuwing peak hour o rush hour. Nakakapagod talaga,” sabi ni Serador.

Kumikita lang ng P58 hanggang P76 kada oras ang mga service worker sa National Capital Region (NCR). Dahil dito, malinaw na malaking dagok at itinuturing na sampal sa mga manggagawa ang P610 minimum wage na itinakda ng gobyerno. 

Ayon sa Business World, nakamit ng McDonald’s Philippines ang kanilang “record-breaking sales” noong 2022. Mas mataas ito kumpara sa kinita ng kompanya noong pandemya.

Ibinahagi naman ng Jollibee Foods Corporation (JFC) na tumaas ng 22.4% ang kanilang net income noong 2023. Tinaguriang “all-time high” sales ng higanteng korporasyon.

Nakasaad sa Labor Code of the Philippines ang mga batas na pumuprotekta sa mga karapatan ng mga manggagawa. Sakop nito na dapat ligtas ang kabuuang kalagayan ng bawat isa sa lugar ng paggawa. Ngunit maraming empleyado ang nakakaranas ng kasalungat nito.

Sa pag-aaral ng Lloyd’s Register Foundation at Gallup, 22% ng kababaihan at 18% ng kalalakihan ang nakaranas ng karahasan at pang-aabuso sa loob ng kanilang pinagtatrabahuan noong 2023.

Nakaranas ang 13% ng kababaihan ng seksuwal na pang-aabuso habang 4% ang sa kalalakihan. Dagdag dito, higit 73% ng mga kababaihan at 57% ng kalalakihan ang hindi nagsumbong sa kinauukulan dahil pinoprotektahan ng mga kababaihan ang kanilang reputasyon. Nasasayangan naman sa oras ang mga kalalakihan sa pagsumbong.

Ibinahagi ni Angel Branda ang kakulangan ng sahod at kahirapang kanyang dinadanas bilang isang service worker. Hannah Kristine Juan/Pinoy Weekly

Ibinahagi naman ni Branda ang naranasang pang-aabuso sa kanyang pinagtatrabahuhan. May pagkakataong hinipuan siya ng katrabaho. Lalo naman niyang ikinagalit ang kawalan ng disciplinary action ng management laban sa salarin. 

”Hindi siya natanggal kasi matagal na siya roon [nagtatrabaho],” aniya.

Napatawad na ni Branda ang katrabaho. Pero hindi niya simpleng maibabaon sa limot ang pang-aabuso.

Sa kanilang banda, napag-initan ng kanilang manedyer ang kanyang katrabaho nang dahil sa personal na dahilan, ayon kay Serador. Nilagay din ito sa pinakamahirap at mabusising estasyon bilang “parusa” ng manedyer.

Para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, malaking tulong ang P150 o higit pang dagdag-sahod upang matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan.

Bukod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nakakaapekto rin ang mababang sahod sa mga manggagawa sa sektor ng serbisyo ayon sa lumabas na ulat ng rehiyonal at lokal na unyon.

Sa katunayan, kulang na kulang ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa lalo na ang mga service worker. Hindi sumasapat ng kada oras na pasahod ng mga pribadong sektor.

Ayon sa Ibon Foundation, tinatayang aabot ng P1,208 ang kinakailangang badyet ng isang pamilya sa NCR upang mabuhay nang disente. 

Problema pa ng mga manggagawang Pilipino ang patuloy na implasyon. Dahil dito, gutom ang inaabot ng mga manggagawang bitin ang sahod.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), kulang na nga P40 para makabili ng karagdagang isang kilong bigas para sa pamilya.

Hinihiling ng mga sentrong unyon tulad ng KMU na maipasa ang P750 kada araw na sahod para sa manggagawa sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Subalit ang panawagang ito’y nananatili pa ring nakatengga sa Kongreso.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, umaasa ang organisasyon na maisabatas ang dagdag P150 na sahod sa buong bansa. Magiging malaki ang tulong nito sa sahod ng mga minimum wage earners.

Dagdag ni Africa, hindi totoo na hindi kaya ng mga tagapangasiwa ang dagdag pasahod sa kanilang mga empleyado. Mula sa kanilang datos, maliit lang ang dagdag sa gastusin ng mga negosyante kahit na tumaas pa ang minimum wage.

Hindi madaling magtrabaho lalo na kung hindi nakakabuhay ang sahod. Kung kaya’t nararapat lang na ibigay ng gobyerno ang sapat at disenteng kita ng mga manggagawa. 

Lumalaban nang patas ang mga service worker. Sa kasamaang palad, pang-aabuso ang sukli sa sandamakmak na pawis at oras na kanilang sinasakripisyo. Ilan lang sina Branda at Serador sa nagpapatunay na hindi nirerespeto ng mga korporasyon ang mga batas na pumoprotekta sa mga manggagawa.

Sa kabila nito, walang kongkretong plano ang gobyerno na tutugon sa interes at hinaing ng mga manggagawa kung kaya’t patuloy ang pagdaing ng mga obrero sa kawalang aksiyon ng pamahalaan sa kanilang mga panawagan.