close

Sakyan ang car-free Sundays


Kung magsisimba o mapapadaan sa Maynila tuwing Linggo ng umaga, maaari nang isingit sa plano mo ang pag-eehersiyo sa Roxas Boulevard.

Kung magsisimba o mapapadaan sa Maynila tuwing Linggo ng umaga, maaari nang isingit sa plano mo ang pag-eehersiyo sa Roxas Boulevard.

Ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang Move Manila Car-Free Sunday, inisyatibang itinakda ang Linggo bilang araw na isasara ang ilang kalsada sa mga sasakyan. Layunin nitong bigyang daan ang pag-eehersisyo ng mga tao at bawasan ang emisyon ng carbon dioxide sa mga lungsod.

Sa halip na gumamit ng pribadong sasakyan, hinikayat ng lungsod ang publiko na gumamit ng pampublikong transportasyon, maglakad o magbisikleta upang makatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng hangin at kalusugan ng mamamayan.

Sabi ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, isasara ang bahagi ng Roxas Boulevard mula Quirino Avenue hanggang Padre Burgos Street tuwing Linggo, 5 am hanggang 9 am simula Mayo 26.

Ayon pa sa alkalde, magpapakita ng pakikilahok sa mga aktibidad sa pangkalusugan ang iba’t ibang sektor sa Maynila tulad ng paglalakad, jogging, pagbibisikleta, skateboarding at roller skating.

Ngunit sa kabila ng mga hakbang na tulad nito, habol pa rin ng bansa ang malawakang aksiyon at kooperasyon mula sa pamahalaan, pribadong sektor at mamamayan upang bawasan ang polusyon sa Pilipinas.

Sa pag-aaral ng Clean Air Asia, isang international non-government organization, isa ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na labis na apektado ng polusyon sa hangin, lupa at tubig. Seryosong suliranin ngayon ito na may malawakang epekto sa kalikasan, kalusugan ng tao at kabuhayan ng mamamayan.

Dagdag pa, ang sektor ng transportasyon ang isa sa mga pinakamalaking nag-aambag sa polusyon sa hangin sa Pilipinas na pribadong sasakyan ang kalakhan.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, sa mga sasakyan galing ang halos 80% ng kabuuang emisyon ng carbon dioxide sa Metro Manila. Nagdulot na ito ng masamang epekto sa kalusugan ng mamamayan tulad ng asthma, bronchitis at iba pang mga sakit sa baga.

Ayon sa Global Burden of Disease Study, halos 45,000 na pagkamatay kada taon ang may kinalaman sa polusyon sa hangin sa Pilipinas.

Kadalasang pinakaapektado ang mga batang nasa mga komunidad malapit sa mga pabrika na nagreresulta sa pagkakaroon ng mas mababang kalidad ng buhay at paglubha ng mga sakit.

Isang kolektibong pagsisikap ang pagbawas ng polusyon na nangangailangan ng kooperasyon at pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor at mamamayan. Habang dapat magpatupad ng gobyerno ng mahigpit na regulasyon at polisiya upang pangalagaan ang kalikasan at kalusugan ng mamamayan mula sa epekto ng polusyon.

May pananagutan din ang pribadong sektor sa paggamit ng mas mababang emisyon na teknolohiya at sa pagpapabuti ng kanilang mga gawain upang mabawasan ang masamang epekto nito sa kapaligiran.

Bilang mga mamamayan, mayroon din tayong responsibilidad na gawin ang ating bahagi. Isa lang ang programang ito sa mga hakbang patungo sa pagpapabuti ng kalidad ng hangin at kalusugan ng mga Pilipino. 

Ayon sa World Health Organization, ang pinakamabisang paraan para mabawasan ang polusyon sa Pilipinas ay ang pagsasagawa ng mahigpit na environmental regulations, pagsulong ng malinis na enerhiya at transportasyon, pagpapalakas ng solid waste management, at edukasyon at kampanya sa kamalayang pangkapaligiran.

Mahalaga ang pagpapatupad ng mga batas at regulasyon upang kontrolin ang polusyon mula sa mga industriya at sasakyan, kasabay ng pagsuporta sa renewable energy at mga alternatibong moda ng transportasyon.

Ngunit kailangang tandaan na sa bawat patakaran at programa, dapat laging inuuna ang kapakanan ng mas nakararaming mamamayan.

Kaya kung free ka sa Sunday, tara sakyan ang car-free Sundays!