close
Pop Off, Teh!

‘Where are the Joaquins, Hernandez, Sionils?’


Hindi naman siguro layon ng post na maliitin ang popular na panitikan. Hindi nga lang napaglimian na hindi dapat ikinukompara at tinitimbang ang artistikong merito batay sa nagsulat at naglimbag.

Sabi ng isang viral na post tungkol sa estado ng panitikan sa bansa, puro raw “pop fiction” ang matatagpuan sa isang komersiyal na bookstore sa halip na mga klasikong librong sinulat nina Nick Joaquin, Ricky Lee, Ambeth Ocampo, Amado V. Hernandez at Lualhati Bautista.

Samu’t saring reaksiyon ang inabot ng post na ngayon ay binura na. Paano’y para isang batang mambabasa, tingin niya’y ang nakita niya sa bookstore ay repleksiyon na ng kabuuan ng panitikan sa bansa. Na hindi namang talaga.

Valid naman ang ibang punto ng post tulad ng layon ng mga komersiyal na palimbagan na kumita. Saka, wala na halos ibang mapagpiliang libro sa binabanggit niyang bookstore. Minsan nga, kahit naka-sale na ang mga libro, para pa rin silang malulungkot na batang naghihintay na sila’y sunduin at makauwi sa tamang tahanan. 

Kaya lang, may paglalagay ng bigat sa mga awtor na “may pangalan” na tila ba ang kanilang isinulat lang ang masasabing may artistikong merito pagdating sa panitikan. Hindi naman siguro layon ng post na maliitin ang popular na panitikan. Hindi nga lang napaglimian na hindi dapat ikinukompara at tinitimbang ang artistikong merito batay sa nagsulat at naglimbag.

Sa isang panahon din naman kasi, naging “popular” na babasahin din ang mga libro nina Rizal at Hernandez. Saka si Lualhati B, manunulat din ng noveleta ng pag-ibig. Ang pagtatakda ng herarkiya sa mga libro ay pagkakait ng espasyo para sa pagkamalikhain. Lalo lamang nitong binibigyang-espasyo ang may pribilehiyo sa halip na kilalanin ang kakayahang maging malikhain at makapag-ambag ng mamamayan sa panitikan ng bayan.

Nasa’n nga ba ang mga libro? Mayro’n pang ibang nagtitinda ng libro. Marami. Masigla rin ang produksiyon ng mga libro, lalo pa’t nariyan naman ang mga komersiyal na palimbagan at sa mga independent na palimbagan, small press, at mga grupong pampanitikan.

Ngunit binanggit sa sarbey na kinomisyon ng National Book Development Board (NBDB) na isyu ang accessibility ng mga libro. Baka ito ang isa pang dapat palalimin. Negosyo ang mga komersiyal na bookstore at nakatuon sa kita at tubo. Kaya kung magdi-display ng libro ang mga palimbagan, kinakailangang magbayad para sa espasyo o kaya’y maglaan ng malaking porsiyento sa kita ng libro para sa bookstore.

Tanging mga komersiyal na palimbagan ang may kakayahang pumaloob sa ganitong kalakaran dahil sila lamang din ang may kakayahang pagprodyus ng libo-libong libro. Samantala, ang maliliit na palimbagan, tulad halimbawa ng Gantala Press, ay limitado ang kakayahan at hindi naman talaga nabuo para kumita. Nabuo sila para mabigyan ng tinig ang kababaihang magsasaka, katutubo, manggagawa at iba pang hindi “mainstream” na manunulat.

Ang mahalagang resolbahin ay kung paano higit na mahihimok ang mamamayan na magbasa. Sa resulta ng sarbey ng NBDB, bumaba sa 42% ang bilang ng nagbabasa para sa sariling kaluguran mula sa 54% noong 2012.

Maganda ring tingnan muli ang ulat ng Programme for International Student Assessment noong 2022 kung saan ang Pilipinas ay kulelat pa rin sa basic proficiency sa pagbabasa (23%), ikalawa sa pinakamababa sa buong Timog Silangang Asya, mas mataas lang kaysa Cambodia. Kung bumababa ang bilang ng mga nagbabasa at bumababa rin ang kakayahang magbasa ng mga Pilipino, dito tayo dapat maalarma. 

Sa halip na problemahin natin ang mga komersiyal na bookstore, itulak natin ang pagtatayo ng maraming silid-aklatan kung saan libre at accessible ang mga libro, palakasin ang programang pangliterasiya at tulungan at suportahan ang mga independent at small press.

At higit sa lahat, marapat na ipanawagan na baguhin ang kalunos-lunos na sistema ng edukasyon sa Pilipinas na nagkakait na maging matalino at kritikal ang mamamayan. Tiyak na kapag mas maraming nagbabasa, mas marami ang mamumulat at hindi na lang magkakasya sa mga lider na iiyak-iyak o sasayaw-sayaw lang sa mga bulwagan ng Senado, Kamara o Malakanyang.