close
Main Story

Bantay-salakay: Suri sa relasyong US-PH

Malayang bansa ang Pilipinas. At ayon sa gobyerno, kailangan lang nitong pumasok sa mga kasunduan para sa higit na proteksiyon, trabaho at kaunlaran. Pero para nga ba ito sa kapakanan ng mga Pilipino?

Sa pagdiriwang ng Pilipinas ng Araw ng Kalayaan, hindi nakaligtaan ng gobyerno ng United States of America (US) na batiin ang bansa at muling iposisyon ang sarili bilang “kaibigan, katuwang at kaalyado.” Katulad ito ng naratibo noong 1898 na sila umano ang nagpalaya sa Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya, gayundin mula sa Japan noong 1945.

Ngayong lalo pang tumitindi ang tensiyon sa West Philippine Sea, nangako rin itong ipagtatanggol ang Pilipinas mula sa anumang banta ng China.

Pero hindi kumbinsido ang mga Pilipino rito.

Balikatan Exercises sa Ilocos Norte ngayong taon. Philippine Information Agency Ilocos Norte

Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nagprotesta sa US Embassy sa Maynila nitong Hun. 12 ang iba’t ibang sektor. Giit nila, US ang nananatiling pinakamalaking banta at sagka sa tunay na kalayaan ng bansa.

Ayon pa kay Propesor Roland Simbulan ng University of the Philippines (UP), eksperto sa relasyong US-Pilipinas, ang US pa rin ang may pinakamalaking impluwensiya sa Pilipinas pagdating sa politika, ekonomiya at militar na may matinding epekto sa kalagayan ng bansa at kapakanan ng mamamayang Pilipino.

“Marami na tayong experiences noong nandito pa ang US military bases, ‘yong aktibo nilang ginagamit ang ating teritoryo, at siyempre anticipate ngayong halos fully restored na ulit ‘yong presensiya nila, mauulit ‘yong hindi kanais-nais na karanasan,” sabi ni Simbulan.

Hindi tulad ng Vietnam na may kakayahang depensahan ang sarili mula sa pambu-bully ng mga naghahari-hariang bansa—lalo ng US at China—nakasandal pa rin sa US ang puwersang militar ng Pilipinas para sa mga pagsasanay, segunda manong armas at payo.

Mas maliit na bansa ang Vietnam kaysa sa Pilipinas pagdating sa lawak ng teritoryo at dami ng populasyon, pero napagtagumpayan pa rin nitong makalaya sa panghihimasok ng mga dominanteng bansa.

Sinisisi ni Simbulan sa kasalukuyan at nagdaang mga administrasyon kung bakit nananatiling atrasado’t nakaasa sa tropang Amerikano ang Armed Forces of the Philippines.

Maaari naman daw kasing limitahan at kontrolin ang mga pinapasok na kasunduan. Katulad ng “four no’s” na nakasaad sa 2019 Vietnam National Defence White Paper na bumabalanse sa magandang relasyon sa pagitan ng ibang bansa habang nirerespeto ang kalayaan, soberanya at teritoryal na integridad.

Sa kasalukuyan, nakatali sa mga kasunduang pangmilitar ang Pilipinas. Pangunahin dito ang Mutual Defense Treaty, Mutual Logistics Support Agreement, Visiting Forces Agreement (VFA), at Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa bisa ng VFA, idinaos nitong Abril hanggang Mayo ang pinakamalaking Balikatan Exercises sa kasaysayan ng bansa na nilahukan ng mahigit 17,000 sundalong Kano at Pilipino. Samantala, apat na lokasyon pa ang idinagdag sa ilalim EDCA noong nakaraang taon.

Sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga bagong EDCA site ay hindi para sa “offensive attacks.” Itinayo umano ang mga ito kung sakaling kakailangan ng bansa ng tulong.

Tatlo sa bagong EDCA sites—Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela;  Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; at Camilo Osias Naval Base sa Sta. Ana, Cagayan—ay nasa hilagang bahagi ng bansa, napakalayo sa direktang banta na nasa kanluran.

Nauna nang sinabi ni Bayan president Renato Reyes na pinapalala lang nito ang agawan ng US at China sa Taiwan. Tinatayang 500 kilometro lang ang layo ng base sa Camilo Osias sa Kaohsiung, timog na bahagi ng Taiwan.

Dagdag pa ni Reyes, dinamay lang ni Marcos Jr. ang bansa at mamamayang Pilipino sa hidwaan ng dalawang imperyalista na wala sa interes ng bansa. 

Kamakailan, nagsagawa ng tatlong linggong fact-finding mission sa mga EDCA site at military exercise grounds ang Bayan-USA na nagsiwalat sa iba’t ibang abuso sa kapaligiran at pambubusabos sa komunidad.

Ayon sa delegasyong nagpunta malapit sa Basa Air Base sa Pampanga, walang pakialam ang US sa pagpapanatili o pag-aayos ng kanilang mga base. Tinatapon ng mga tropang Kano ang mga dumi nito direkta sa dagat.

Wala rin umanong akses ang mga Pilipino sa naturang base dahil sa mga kondisyon ng EDCA. Gayundin, nagpapalipad ng drones sa munisipalidad Floridablanca para sa surveillance.

Nababahala naman ang mga residente sa Cagayan kung saan nakatayo ang dalawang base. Naglilibot kasi sa komunidad ang mga sundalong Kano, lalo sa mga paaralan, na layuning inormalisa ang okupasyon ng dayuhang militar. Dalawang beses ding nag-iikot gamit ang helicopter sa Palaui Island simula noong Nob. 20 na dahilan ng pag-panic ng mga katutubo.

Nakikipagtulungan din ang tropang Kano sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa panre-red-tag at pagsupil sa karapatan ng mga residenteng lumalaban sa pagmimina sa lugar.

Samantala, wala namang natanggap na ayuda ang nasa 1,000 pamilyang apektado ng “no sail policy” na pinatupad sa Brgy. La Paz sa Laoag, Ilocos Norte bunsod ng Balikatan.

Sabi ng mga delegado, malinaw sa kanilang pakikisalamuha sa mga komunidad na ayaw ng mga Pilipino sa giyera. 

“Gusto [ng mga Pilipino] ng kabuhayan. Gusto nilang makapangisda sa kanilang sariling karagatan, makapagtanim ng sariling pagkain, manirahan sa lupang ninuno, at magkaroon ng sariling mga paaralan, maayos na kapaligiran, at isang bansa kayang tumayo nang walang dayuhang interbensiyon at pandarambong sa kanilang likas-yaman,” sabi ng isang delegado ng Bayan-USA.

Kung may idadagdag sa listahan ng minana ni Marcos Jr. mula sa kanyang yumaong ama na si Ferdinand Marcos Sr., dating pangulo at diktador—at pati na sa mga nagdaang pangulo—ito ang pagpapatuloy ng mga polisiya na suporta sa paglago ng US at iba pang dayuhang mamumuhunan kapalit ng mga trabahong mababa ang sahod sa mga Pilipino at iba pang mga isyu.

“Sumatotal, US ang ikalawang pinakamalaking pinagkukunan ng Pilipinas ng [foreign direct investment (FDI)] na nasa $18.4 bilyon, pangalawa sa $29.1 bilyon ng Japan,” ayon sa pagsusuri ni Audrey de Jesus ng Ibon Foundation.

Babala ng ilang dalubhasa mula sa UP School of Economics (UPSE) noong Enero, mahalagang maintindihan muna ng mga mambabatas na “sa panahon ngayon, kailangan mag-ingat sa pag-aakala na lahat ng mga porma ng FDI ay makakabuti sa pag-asenso.” 

Imbis na magkamal ng FDI ang gobyerno nang walang pag-uusisa sa pangmatagalang ambag nito sa lokal na ekonomiya, anila, mas mainam na tugunan ang mga isyung pumipigil sa paglago ng ekonomiya tulad ng korupsiyon, hirap ng proseso sa pagnenegosyo, at iba pa.

Ayon sa mga lokal at banyagang pag-aaral na inusisa nila para sa kanilang discussion paper, importanteng sa pagtanggap ng FDI, dapat bahagi ng pinag-aaralan at hinahanap ng gobyerno ang “knowledge transfer” o pagpasa sa lokal ng teknolohiya at kaalaman na magagamit ng mga kompanya at industriya sa bansa.

Hindi ito nagkakatotoo para sa kaso ng Pilipinas.

Pagpupulong nina Ferdinand Marcos Jr. at Joe Biden sa White House noong 2023. Presidential Communications Office

Ibinigay na halimbawa ni De Jesus ang kaso ng Intel, kilalang kompanya mula US. Aniya, “Nang itigil ng Intel ang operasyon nito sa Pilipinas noong 2009, walang naipasa na kakayahan para sa semiconductor capacity sa Pilipinas, kahit pa may naging $1.5 bilyon na investment sa higit 35 na taon.”

Kahit pa pinapayagan sa ilalim ng batas ang 100% ng dayuhang pagmamay-ari sa industriya ng manupaktura—kasalukuyang pinakamalaking sektor na nakakakuha ng FDI—kinakaharap ng Pilipinas ngayon ang pinakamaliit na ambag ng manufacturing industry sa gross domestic product (GDP) nito mula 75 taon ang nakalipas.

“Noong 2023, 60% ng export mula Pilipinas papuntang US ay mga electronics, ignition wiring set, at machinery at transport equipment na hindi naman mga lokal na produkto,” sabi ni de Jesus.

Paano nakakaambag sa lokal na kapasidad ang paglikha ng mga dayuhang kompanya na nakaistasyon sa Pilipinas?

“Sa harap ng humihinang pasok ng mga FDI, lupaypay na epekto nito sa pag-unlad, at mga dala nitong panganib sa politika, lalo lang nawawalan ng katuturan ang pokus sa dami ng [dayuhang] pamumuhunan,” ayon sa binanggit ng UPSE na 2022 briefing paper ng German Development Institute.

Lumalabas din sa pag-aaral nila sa datos ng World Investment Reports mula 2005 hanggang 2020, na “higit sa doble ang inilaki ng kita ng top 100 na multinational enterprise [sa buong mundo] at higit pa ang paglago ng kanilang foreign assets. Pero hindi ito nangangahulugan na nakasabay sa pagdami ang nalilikhang trabaho ng mga [nasabing korporasyon].”

Para sa maraming umuunlad na bansa, mas umasenso ang multinasyonal na kompanya sa hangarin nilang pagkakitaan ang mga mamamayan nito. Higit na yumaman ang mga dayuhang kompanya nang hindi lubos na lumilikha ng ipinangakong trabaho para sa mga bansang tulad ng Pilipinas.

Ayon pa sa Ibon Foundation, kung titingnan ang datos sa empleyo nitong Abril kumpara sa Abril 2023, may 297,000 na lang nalikhang trabaho—mababa kung ikukumpara sa 500,000 na trabaho na target ayon sa Labor and Employment Plan ng 2023-2028.

“Kailangan pagtutuunan ng administrasyong Marcos [Jr.] ang paglago ng domestic agriculture at mga industriyang Pilipino,” sabi ng Ibon.

Anila, wala pang nakaraang administrasyon ang nagwagi na kumawala sa pagsandig sa dayuhang pamumuhunan para lumikha ng sapat at makataong trabaho para sa mga Pilipino.