close
Suring Balita

Operasyon ng sundalong Kano, pahamak pero binunyag


Ayon sa mga aktibista’t mananaliksik, nililihim ang mga operasyon sa mamamayan sa paligid kahit pa maaaring mapahamak ang kanilang komunidad. 

Katatapos lang ng inilunsad na Peace Mission International Delegation ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-United States of America (USA) sa Pilipinas. Tumagal ng tatlong linggo ang misyon upang ilantad kung ano nga ba ang nagaganap sa loob ng mga pasilidad na itinakda sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ginawang siyam ang pasilidad ng EDCA mula sa dating lima. 

Ayon kay Renato Reyes Jr. ng Bayan, “Ang malawakang deployment ng mga puwersa at kagamitan ng militar ng US sa Pilipinas ay naglalayong udyukan ang Tsina na pumasok sa mas matinding tunggaliang militar.”

Lupain at pasilidad ng Pilipinas, pero ang Amerika ang nakikinabang. Masahol pa, ayon sa mga aktibista’t mananaliksik na nagpunta rito, nililihim ang mga operasyon sa mamamayan sa paligid kahit pa maaaring mapahamak ang kanilang komunidad. 

Binisita ng delegasyon ang dalawang EDCA site at isang bayan sa Ilocos Norte kung saan inilunsad ang Balikatan Exercises kamakailan.

Sa Basa Air Base sa Pampanga, kahit raw ang sundalong Pilipino pinagbabawalan lumagi sa ilang bahagi ng kampo.

Ang pamahalaang panlalawigan naman ng Cagayan, sa balita na lang nalaman na gagamitin pala ang Lal-lo Airport para sa EDCA at gagawing imbakan ng armas.

Walang nakakaalam kung anong klaseng armas ang nakatago sa Lal-lo Airport. Lalong nagtataka ang mga lokal at nagtatanong-tanong na raw ang mga tropang Kano kung may puwedeng upahang extra na imbakan ng suplay nila.

Ayon sa Bayan-USA, labag na ito sa sinasabing “agreed locations” sa ilalim ng EDCA dahil nilalabas na nila ang armas sa kampo. At mas lalong labag iyong napag-alamang paglilibot ng US Navy sa mga paaralan, isang paraan para umano’y “sanayin ang mga lokal na may okupasyon ng dayuhang militar sa bansa,” ayon sa kinatawan ng misyon na si Alex* na tumangging magbigay ng buong pangalan para sa seguridad. 

Sa Santa Ana, Cagayan, wala ring kinonsulta man lang na gagamitin ang kanilang bayan para sa Balikatan.

“Nadokumento namin ang mga ulat na nagsasabing hindi makatulog ang mga residente gawa ng ingay mula sa fighter jets. Hindi rin nakapangisda ang mga lokal ng ilang araw,” dagdag ni Alex.

Hindi nalalayo ang naganap sa Laoag, Ilocos Norte kung saan sa Facebook lang nila nalaman na may Balikatan sa lugar nila. Dinig ang mga live fire drill at pagsabog ng bomba dahil halos 30 kilometro lang ito mula sa mga kabahayan.

Pinuna rin ni *Glaiza ng Gabriela USA ang pinatupad na limang araw na “no sail policy” para sa mangingisda ng probinsya. Tinatayang halos 1,000 pamilya ng mga mangingisda ang naapektuhan at nawalan ng halos P10,000 na potensiyal na kita. Tiyak na aabot ng ilang buwan bago sila makabawi ng kaunti. 

Barat din daw ang ayudang pinaabot sa halagang P1,000 na cash at P500 na grocery sa wala pang isang daang pamilya. 

“Tratuhin dapat nang mas maayos ang mamamayan ng Ilocos, hindi sila mga kasangkapan lamang ng giyera,” bira ni Glaiza. 

Isa lamang ang Balikatan sa nakatakdang halos 500 ehersisyo ng mga tropang Kano sa Pilipinas. Kasabay nito ang paglalaan ng dambuhalang pondo ng Washington para lalong himukin sa giyera ang China habang kinakaladkad ang buong Asya-Pasipiko.

Sa iba’t ibang saray ng gobyerno, Pilipinas man o Amerika, pinag-uusapan ang pagpaparami ng armas at pondo para sa paparating na digmaan. 

Nitong Abril, sa ginanap na Philippines-United States Bilateral Strategic Dialogue sa Washington D.C., pinag-usapang paramihan pa ang mga pasilidad ng EDCA, maglaan ng $128 bilyon para sa imprastruktura ng paligid at paramihin din ang nakaimbak na mga armas.

Kasabay ito ng nakaraang anunsiyo ni Marcos Jr. ng $35 bilyon para sa modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa susunod na dekada. 

Sa Senado ng Amerika, tinatalakay ang Philippine Enhanced Resilience Act o PERA, na maghahatid ng $2.5 bilyon para sa AFP sa susunod na limang taon. 

Sa Araw ng Kalayaan, tila naghamon muli si Marcos Jr. ng higit pang kiskisan sa China. Pinuri niya ang kasigasigan ng mga sundalo at sinabing ang mga Pilipino ay hindi susuko sa pang-aapi.

Mukhang matapang pero nais lang ipamukha sa publiko ang “maling paniniwala na ang pambansang interes natin ay katulad ng imperyalistang interes ng US.”

Para naman sa mga kababayan natin sa ibayong dagat na nanguna sa misyon at pananaliksik, hindi talaga malaya ang Pilipinas kung mananatiling kontrolado ng Amerika ang kanyang kapalaran. 

“Tunay bang malaya ang Pilipinas? Paano naman ang karaniwang mamamayang madadamay sa putukan kung tuluyang dumating ang giyera?” tanong ng delegasyon.