close

Magsasaka, apektado sa mga kalamidad


Hindi pa man nakakahulagpos ang mga magsasaka sa pinsalang inabot ng kanilang pananim dulot ng El Nino, humagupit naman ang unang bagyo ng taong 2024 at pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Hindi pa man nakakahulagpos ang mga magsasaka sa pinsalang inabot ng kanilang pananim dulot ng El Nino, humagupit naman ang unang bagyo ng taong 2024 at pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Aabot sa mahigit P104 milyon na ang pinsalang dulot  sa agrikultura ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon, samantalang P85.6 milyon ang iniwang danyos ng bagyong Aghon ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Sa tala ng National Irrigation Administration (NIA), 6,015 ektarya ng lupang sakahan ang sinalanta ng bagyo sa Calabarzon kung saan 6,569 ng mga magsasaka ang direktang naapektuhan.

Sa ulat ng Department of Agriculture (DA) noong Mayo 30, napinsala rin ang 2,586 metriko toneladang mga pananim. Pinakaapektado ang high value crops tulad ng mga gulay at pampalasa na umabot ang pinsala sa P47.39 milyon na sinundan naman ng palay na may pinsalang nagkakahalagang P25.09 milyon.

Samantala, P4.54 million naman ang pagkaluging naitala sa mga may alagang hayop na may 24,514 na nasawi sa kasagsagan ng bagyo. Bukod pa sa mga ito ang mahigit P965,400 na pinsala sa imprastraktura sa agrikultura, partikular na ang mga greenhouse, pigpen at irigasyon.

Ngunit para sa NIA, nasa tinatayang P202.02 milyon ang naitalang pinsala sa irigasyon sa mga naapektuhang rehiyon.

Ilang araw lang nang makaalis ang bagyo, sumabog naman ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island noong June 6. 

Nagdulot ito ng pinsala sa pananim na aabot sa 5,583.3 metriko tonelada. High value crops ang nagtala ng pinakamalaking pagkalugi na umabot sa mahigit P101 milyon na sinundan ng palay na may danyos na aabot sa P47 milyon.

Napinsala nito ang 1,595 ektarya ng lupang sakahan, habang hindi na mapapakinabangan ang 1,061 na ektarya. Malaking dagok ito sa 1,706 na mga magsasaka at mangingisda, 135 sa kanila ang mula sa Western Visayas at 1,571 naman sa Central Visayas.

Bukod pa dito ang patuloy na banta ng pag-agos ng lahar sa dahil sa malakas na pag-ulan. Resulta nito ang sapilitang paglikas ng mga residente ng mga barangay na Biak Na Bato, Masulog at Cabagnaan sa bayan ng La Castellana sa Negros Occidental noong Hun. 13. 

Ayon kay Alme Mangilimutan, alkalde ng La Castellana, nasa 1,400 hanggang 4,000 na ang nananatiling mga residente sa siyam na evacuation center sa lalawigan. 

Samantala, nasa 1,482 pa lamang ng mga naapektuhan magsasaka ng nakaraang bagyo ang makakatanggap ng ayuda, binhi at kagamitan sa pagsasaka batay sa tala ng DA.

Patuloy din nilang inaalok ang Survival and Recovery Loan Program sa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council, maaari raw umutang ang mga magsasaka ng hanggang P25,000 na babayaran sa loob ng tatlong taon. 

Pero para kay Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), agarang ayuda at rehabilitasyon sa mga sinira ng bagyo at hindi pautang ang kailangan nila.

“Baon na sa utang ang mga magsasaka at mangingisda. Kagyat na tulong! Aanhin pa [ang] damo kung patay na ang kabayo,” aniya. 

Ito rin ang sentimyento ng Citizens’ Disaster Response Center (CDRC) na sinabing tila parusa at hindi tulong ang patuloy na pag-aalok ng pautang sa mga apektadong magsasaka.

“Sa halip na mga serbisyo sa utang, dapat magbigay ang DA ng mga gawad na tutulong sa mga magsasaka na makabangon muli. Ang pagbibigay ng pautang sa mga magsasaka na nalulunod na sa utang dahil sa epekto ng El Nino, at ngayon ang pagsabog ng Kanlaon ay halos parang parusang kamatayan sa kanila,” pahayag ng grupo.

Ayon pa sa CDRC, mababawasan ang danyos kung matutukan ng gobyerno ang kahandaan ng mga mismong residente sa panahon ng kalamidad dahil sila ang unang tumutugon bago pa man dumating ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtugon ng CDRC sa pamamagitan ng pangangalap ng impormasyon at mapagkukunan ng mga donasyon upang maibigay ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng kanilang regional partners.

Patuloy din ang kanilang panawagan sa gobyerno na ibigay ang lubos na pangangailangan ng mga tao, lalo na sa panahong ng kalamidad. 

“Bilang mga duty [bearer], sila dapat ang nangunguna sa emergency response. Dapat din silang magbigay ng mental health at psychosocial  activities sa mga apektadong indibidwal. Tumulong sa agarang pagbangon ng mga magsasaka, manggagawang bukid, at mga miyembro ng komunidad,” sabi ng CDRC.