close
Editoryal

Paikot-ikot lang


Hindi mababawasan ang karapatan ng mga straight na mamamayan kapag naaprubahan ang batas laban sa diskriminasyon sa LGBTQ+. Lahat ng mamamayan, ano mang kasarian, ay may karapatan na mamuhay nang malaya sa takot at diskriminasyon.

Lampas dalawang dekada na mula nang unang maihapag noong taong 2000 sa Kongreso ang unang panukalang batas laban sa diskriminasyon sa LGBTQ+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, at iba pa).

Paulit-ulit ang mga usapan, diskusyon at debate kung bakit kailangan pa ng ganitong uri ng batas gayong “tanggap” naman na raw ng lipunang Pilipino ang mga LGBTQ+.

May mga grupong relihiyoso naman na nagsasabing kasalanan at labag umano sa kalooban ng diyos ang pagiging LGBTQ+ at isinusulong daw ng panukalang batas ang same-sex marriage.

Sa katotohanan, hindi naman humihingi ng labis ang LGBTQ+ community sa estado. Nais lang nilang magkaroon ng pantay na karapatan dahil laganap pa rin ang diskriminasyon at karahasan na araw-araw nilang nararanasan sa isang macho-pyudal na lipunan.

Sabi nga ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, ang karapatan ay hindi parang pie na kapag nagbigay ka sa iba’y mababawasan ang parte mo.

Tama ang nabasa mo, hindi mababawasan ang karapatan ng mga straight na mamamayan kapag naaprubahan ang batas laban sa diskriminasyon sa LGBTQ+. Lahat ng mamamayan, ano mang kasarian, ay may karapatan na mamuhay nang malaya sa takot at diskriminasyon.

May kalayaan din silang magpahayag ng kanilang sarili, kalayaang pumili ng kasuotang naaayon sa kanilang identidad, karapatan sa trabaho at karera na nais tahakin nang walang diskriminasyon, karapatan sa pantay na pagkilala sa kanilang kasarian sa ilalim ng batas, at kalayaang lumahok sa mga usaping nakaaapekto sa kanila bilang mamamayan.

Aminin man natin o hindi, marami pa rin sa mga Pinoy ang may homophobia at transphobia dala ng mga maling paniniwala at pagtingin sa mga taong kumawala at patuloy na kumakawala sa dalawang kasariang itinakda ng lipunan. Gusto rin nilang ipaalam sa mas maraming mamamayan na mga kapwa tao rin sila na may dignidad at karapatan. Gusto nilang maunawaan at matanggap ng lipunan.

Madalas nating naririnig sa mga karanasan ng pambu-bully sa mga kabataang LGBTQ+ sa paaralan dahil naiiba sila sa kanilang mga kapwa mag-aaral. May mga kuwento rin na hindi natatanggap sa trabaho o tinanggal sa trabaho dahil sa pagiging LGBTQ+. Nariyan din ang araw-araw na mga maliliit na agresyon o microaggression nararanasan nila.

Maliban sa mga nabanggit, ayaw na nating magkaroon ng isa pang Jennifer Laude na biktima ng hate crime. Isa lang ang kaso ni Laude sa maraming hate crime laban sa mga LGBTQ+. Marami pa rin ang hindi naiuulat dahil sa kawalan ng legal na batayan para ituring na hate crime ang pananakit, pananamantala at pamamaslang dahil sa kasarian.

Sa loob ng higit 20 taon, paikot-ikot lang tayo sa usapan ng pagkilala sa karapatan ng LGBTQ+ habang dumarami ang biktima ng diskriminasyon at abuso dahil sa kawalan ng proteksiyon sa ilalim ng batas.

Parang walang balak ang kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na pakinggan ang panawagan ng LGBTQ+ at mga tagasuporta ng komunidad sa paggigiit ng karapatan dahil sa kawalang hakbang sa usapin.

Pero kahit ganoon, patuloy na lumalaban ang komunidad ng LGBTQ+ kasama ang iba pang mamamayang naniniwala sa pantay na karapatan. Hindi lang naman para sa komunidad ng LGBTQ+ ang panukala, mahalagang bahagi ito ng pagbabagong panlipunan para matamasa ng lahat ang karapatan at katarungan.

Hindi naman tuwing buwan ng Hunyo lang ang paglaban para sa karapatan, pero mahalaga ang buwan na ito para sa komunidad dahil nadarama nila na kahit marami ang hindi sila tanggap, marami rin ang taos-pusong nagbibigay sa kanila ng suporta at pag-asa para lumaban para sa mga karapatang ipinagdadamot sa kanila.