close
Main Story

Pakikibaka para sa karapatan ng LGBTQ+


Sa kabila ng malawak na suporta ng komunidad ng LGBTQ+ at mga alyado, hindi pa rin maipasa sa Kongreso ang panukalang batas para protektahan ang karapatan ng mamamayang LGBTQ+ sa bansa.

Dalawampu’t apat na taon nang ipinaglalaban ang isang batas na kikilala sa karapatan ng LGBTQ+(lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, at iba pa) at magsisilbing legal na proteksiyon mula sa diskriminasyon at karahasan dahil sa kasarian.

Tutuparin sana ito ng Sexual Orientation, Gender Identity, Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill, ngunit patuloy pa rin itong nakabinbin sa Kongreso sa kabila ng patuloy na protesta, panawagan at dayalogo ng sangkabaklaan sa mga mambabatas.

Nitong nakaraan, iginiit ng United Nations Fund for Population Activities ang pagsuporta nito sa pagpasa ng batas upang mas gawing inklusibo ang bansa. 

Ngayong Pride Month, maraming lokal na mga martsa na rin ang isinagawa at isasagawa pa sa iba’t-ibang panig ng bansa, maging mga panawagan online upang lakasan ang boses sa pagsasabatas nito.

Ginugunita tuwing Hunyo ang Pride Month bilang pag-alala sa kagitingan ng LGBTQ+ community sa New York City laban sa pagsalakay at pandarahas ng pulisya sa Stonewall Inn sa Greenwich Village sa nasabing lungsod noong Hun. 28, 1969.

Simula 1970, taon-taon nang ginugunita ang “Stonewall Riots” sa iba’t ibang panig ng daigdig. Pinangunahan naman ng Progay Philippines at Metropolitan Community Church ang unang Pride March sa Pilipinas noong Hun. 28, 1996 sa Quezon Memorial Circle.

“Noong nagwo-work ako, [nakaranas ako] ng sexual harassment [mula sa isang workmate ko] kasi iniisip nila na kapag transgender ka, mahilig ka na sa [sex]”, paglalarawan ni Chescka Silva, isang transgender woman, sa abusong naranasan. 

Dagdag niya, noong isinumbong niya ang nangyari sa barangay, mas lalo lang niyang naranasan ang pangmamaliit matapos siyang sabihan ng isa sa mga tanod na wala siyang karapatang magkaso dahil parte siya ng LGBTQ+ community. 

“Hindi pala kami mabibigyan ng katarungan if ever pala na magkaroon kami ng aksidente kagaya no’n”, dismayadong wika ni Chescka. 

Sabi naman ni Gab Siccuan, kaibigan ni Chescka na isang bakla, marami rin siyang diskriminasyong naranasa ngunit tumangging ikuwento sa buong detalye. Pareho nilang idiniin na hindi dapat kinukuwestiyon ang pagpapasa ng SOGIESC Equality Bill dahil para naman ito sa lahat.

“Hindi naman dapat sila magkaroon ng pag-aalinlangan kasi hindi lang naman siya for LGBT, for general siya. Hindi naman magkakaroon ng unfair treatment sa mga totoong lalaki at babae kasi kasama sila kapag nagkaroon ng SOGIE Bill,” ani Gab.

Panawagan sa Pride March sa Quezon City noong Hun. 22. Charles Perez/Pinoy Weekly

Ipinunto rin nina Gab at Chescka ang kahalagahan ng pagkakaroon ng safe space para sa tulad nilang minorya. Anila, mas lalawak ang safe space para sa kanila kapag naipasa na ang naturang batas. 

Pareho ang sentimyento ng trans woman na si Sai Casiano sa pagsasabatas ng SOGIESC Equality Bill. Hindi rin umano maganda ang berbal na abusong nararanasan, gaya ng pagtawag sa kaniya ng ibang tao ng kung ano-anong pangalan habang naglalakad sa daan at kahit sa trabaho. 

“Sana bigyan nilang pansin ‘tong [SOGIESC] Bill, para lahat ng tao, once discriminated, maaangat natin iyong mga taong iyon,” sabi ni Sai. 

Tulad naman ng nangyaring pag-aresto kay Gretchen Diez sa dating nag-viral na insidente dahil sa paggamit ng banyong pambabae, danas din ni Marky Martobago, isang trans man, ang nakataas na kilay ng mga tao sa tuwing papasok siya ng palikurang panlalaki.

“Isang beses sa trabaho ko, iihi ako at mas komportable akong pumasok sa panlalaki na CR, nagkataong may mga kasabay din akong gumamit noong oras na iyon, hanggang sa may nagsalita na ‘Dito umiihi wala namang lawit,’” kuwento ni Marky. 

“Minsan napapaisip ako na may mga tao pa rin talagang ari lang ang basehan sa pagpapakalalaki o pagiging lalaki. Kaya mahalaga itong [SOGIESC Bill] para protektahan [tayo] laban sa anumang uri ng diskriminasyon dahil lang sa gender na meron tayo,” dagdag niya. 

Diskriminasyon sa paggamit ng serbisyo publiko, trabaho, at anumang uri ng abuso na nakabatay sa kasarian ang ilan sa mga suliraning nais tugunan ng ikalimang seksiyon ng House Bill 10176 at Senate Bill 1600. 

Kapag naisabatas ito, maaaring magmulta ng P10,000 hanggang P300,000 at mabilanggo ng 11 na araw hanggang anim na taon kapag napatunayan ang isang inirereklamo na nagdiskrimina batay sa SOGIESC at depende sa bigat ng diskriminasyong nagawa. 

Sa panig ng Kamara de Representantes, gaya sa mga nagdaang kongreso, umaasa ang LGBTQ+ community na muling maipapasa ang SOGIESC Equality Bill sa kanilang hanay ngayong Ika-19 na Kongreso. 

“So far, sa Congress may challenge talaga pero it looks like majority naman ng mga kongresista ay either in support or neutral, so mayroon tayong big chance pa rin”, ani Reyna Valmores, chairperson ng Bahaghari, isang organisasyon ng mga militante at makabayang LGBTQ+.

Ayon kay dating Kabataan Partylist representative at kasalukuyang Gabriela Women’s Party consultant Sarah Elago, kasalukuyan na itong papunta sa ikalawang pagbasa sa Kamara, ngunit hindi pa ito nakakaabot sa plenaryo. 

Inabot ng halos isang taon bago maipasa sa plenaryo sa Kamara ang panukala matapos maaprubahan ng House Committee on Women and Gender Equality noong Mayo 2023. 

Selebrasyon ng Pride Month sa University of the Philippines Los Baños noong Hun. 23. Juliane Bernardine Damas/Pinoy Weekly

Noong 2017, nakakuha ng buong suporta ng Kamara ang panukalang batas sa Ika-17 Kongreso, ngunit bigong maisabatas dahil sa kawalan ng suporta mula sa Senado. 

Sabi ni Senate President Chiz Escudero, malabong maipasa ang SOGIESC Bill kung walang mangyayaring pag-amyenda rito. Mas may tsansa pa umanong umusad ang isang comprehensive anti-discrimination bill.

“[Sinasabi ni Escudero] na kailangan daw maging open muna tayo for amendments para maipasa [ang SOGIESC Bill], pero 19 out of 24 senators ay nagpirma na ng committee report ni Sen. Risa Hontiveros. Kaya hindi namin alam saan nanggagaling iyon, pero mag-eeffort tayo para baguhin ang kanilang pagtingin,” sabi ni Valmores.

Ani Elago, bukas ang kanilang hanay sa pagsasabatas ng mas malawak na anti-discrimination bill, ngunit idiniin na ang pagkakaroon nito ay hindi dapat maging rason upang balewalain ang pagtatanggi sa karapatan na dapat ay natatamasa rin ng LGBTQ+ community. 

Pareho ang pananaw ni Sen. Hontiveros habang nilinaw na kailangan pa rin ang SOGIESC Equality Bill dahil “partikular siya laban sa diskriminasyon on the basis of SOGIESC.” May mga partikular na proteksiyon umano na kailangan laban sa ganoong klase ng diskriminasyon.

Kabi-kabila rin ang pagkontra ng religious groups at ng ibang Kristiyanong mambabatas na tinututulan ang SOGIESC Bill, partikular na ang mag-amang Eddie at Joel Villanueva.

Kilala bilang Christian preacher at Cibac Partylist representative, pinigilan ng nakatatandang Villanueva ang isang hearing ukol sa SOGIESC Bill noong Pebrero nakaraang taon dahil umano sa “forum shopping” at pagiging ilegal nito, na siyang hindi sinang-ayunan ni Rep. Geraldine Roman, ang kinatawan ng unang distrito ng Bataan at ang kauna-unahang transgender na mambabatas.

Dahil sa delaying tactics ni Villanueva sa Kamara, napilitan ang plenaryo na i-recess ang sesyon at ipagpaliban ang pagtalakay sa panukalang batas. 

Samantala sa Senado, nagsasagawa ng pagpapaliban sa pag-usad ng panukalang batas ang nakababatang Villanueva. 

Matapos ang ikalawang pagbasa, ibinalik niya ito sa Committee on Rules, ang nangangasiwa sa kalendaryo ng plenaryo, para umano sa karagdagang pagsusuri. 

Ang ikinadidismaya ng LGBTQ+ community at advocates, si Sen. Joel Villanueva ang tagapamahala ng Committee on Rules at nilinaw niyang hindi prayoridad ang SOGIE Bill na makabalik sa plenaryo. 

Selebrasyon ng Pride Month sa University of the Philippines Los Baños noong Hun. 23. Juliane Bernardine Damas/Pinoy Weekly

Hanggang sa kasalukuyan, walang usad ang panukala sa Senado dahil umano sa “requests” at “reservations” ng mga religious group. 

Sabi ni Elago, hindi dapat pinagbabangga ang LGBTQ+ community at ang karapatan sa relihiyon dahil malaya pa rin ang mga mananampalataya na gawin ang kanilang espiritwal na paniniwala kahit na maisabatas ito. 

“Hindi naman ipagbabawal ng SOGIE Equality Bill ang kalayaan sa relihiyon dahil yan ay ginagarantiya ng ating batas. Pero katulad ng lahat ng ating karapatan, hindi naman ito absolute, lalong-lalo na kapag ito ay tumatapak sa karapatan din ng iba,” ani Elago. 

Para naman kay Valmores, maraming bahagi ng simbahan at relihiyosong sektor ang may sumusuporta sa karapatan ng LGBTQ+ community at ng SOGIESC Equality Bill. Naninindigan siyang hindi totoo na kung parte ang isang tao ng isang relihiyon ay tutol na dapat siya sa batas. 

Upang mas pagtibayin ang pagsasabatas ng SOGIESC Equality Bill, nagsama-sama ang higit sa 200 organisasyon, mambabatas at gender equality advocates sa pagbubuo ng The Equality Alliance.

“Mayroon tayong ni-launch na The Equality Alliance, ‘yong biggest and broadest na unity ng iba’t ibang LGBT organizations sa Philippines, na ang goal ay mag-lobby at ligawan ang ilan sa mga [lawmaker] natin, both in [the House] and the Senate na either neutral or against sa SOGIE Bill,” sabi ni Valmores.  

Nitong nakaraang linggo, muli silang nananawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing “urgent” ang pagsasabatas ng SOGIESC Equality Bill.

Panawagan sa Pride March sa Quezon City noong Hun. 22. Charles Perez/Pinoy Weekly

Ani Roman na bahagi rin ng The Equality Alliance, hangarin din nilang magsagawa ng isang pambansang census sa bilang at kalagayan ng LGBTQ+ community. 

Gagawin nila ito sa susunod na anim na buwan upang makakuha ng kongkretong datos sa kanilang hanay at bigyang mukha ang ilang abuso at diskriminasyong nararanasan ng komunidad.

Kung sakaling maipasa ang panukalang batas, hangad din ng The Equality Alliance na isulong ang iba pang isyung kinakaharap ng LGBTQ+ community, kabilang na ang pagkilala sa gender identity ng mga tao sa mga legal na dokumento at usapin ng same-sex marriage at pantay na pagkilala sa kasal anuman ang kasarian. 

Sa ngayon, walang ibang panawagan ang The Equality Alliance kundi ang pagsasabatas ng SOGIESC Equality Bill na siyang ipinanawagan nila sa Pride March sa Quezon City nitong Hun. 22.

“Plano nating gamitin ‘yong Pride March sa [Hun.] 22 at ang iba’t-iba pride marches pa na dadausin bilang show of force and message sa ating mga mambabatas, na ito ‘yong gusto ng [constituents] natin,” sabi ni Valmores.