close

Progresibong guro sa UST, tinanggal


“Hindi naman kami nagbitaw ng any statement that incites to rebellion. Wala ngang property damage na nangyari doon, wala ring vandalism,” sabi ni Vladimir Villegas. 

Hindi na ni-renew ng University of Santo Tomas (UST) ang kontrata ng assistant professor na si Vladimir Villegas dahil sa kanyang pakiisa sa adbokasiya sa mga lokal na balangay ng Anakbayan, Panday Sining, League of Filipino Students at Kabataan Partylist.

“I do share their sentiments against [sa] nangyari sa TomasinoWeb and the other forms of student repression that were happening inside UST,” ani Villegas matapos linawin na hindi siya miyembro ng alinman sa mga organisasyong nabanggit.

Nakiisa si Villegas at kanyang asawa, alumna ng unibersidad, sa isinagawang pagkilos ng mga estudyante ng UST noong Pebrero para igiit ang malayang pamamahayag sa kampus. 

Nag-ugat ang isyu sa pagpapabura ng Office of Student Affairs sa larawang inilathala ng student media organization na TomasinoWeb dahil sa dulot umano nitong “public ridicule.”

Ipinakita sa nasabing larawan ang mga estudyante ng College of Information and Computing Sciences suot ang kanilang Type B uniform na may pagkakahawig sa uniporme ng mga empleyado ng convenience store na 7-Eleven sa tapat mismo ng branch nito sa loob ng kampus.

“Hindi naman kami nagbitaw ng any statement that incites to rebellion. Wala ngang property damage na nangyari doon, wala ring vandalism,” sabi ni Villegas. 

Lumahok din ang guro sa dalawa pang sumunod na rally sa loob ng UST noong Mayo matapos mag-withdraw ng anim na kandidato sa Central Student Council elections dahil sa kawalan ng academic freedom sa loob ng pamantasan.

Ayon kay Villegas, mapayapa ang mga demonstrasyong kanyang sinalihan kaya hindi niya makita kung ano ang kaso sa mga ito.

“Kung offensive nga ‘yan, dapat sinulatan na ko among the proper channels, pero wala e—kung first offense man ito or what they want to classify it. I was deprived of due process in the very first place,” aniya.

Bukod sa pagsuporta sa “mga hindi kinikilalang organisasyon,” pinatawan ng “unsatisfactory rating” si Villegas ng dekano ng College of Science dahil hindi rin umano nahahanay sa mission at vision ng unibersidad ang “professional disagreements” niya sa ilan sa kanyang mga kasamahan.

“When I had these professional disagreements with some of my colleagues, I was summoned by our dean and was reprimanded verbally, which does not count as due process,” sabi niya.

Natanggap ni Villegas ang abiso na hindi na mare-renew ang kaniyang kontrata dahil sa kanyang paglabag sa “stringent standards” ng unibersidad, isang linggo matapos niyang umapela sa natanggap niyang evaluation.

“Hanggang ngayon, on my part, I believe that is vague kasi hindi naman sinasabi kung ano ‘yong hindi ko na-meet na standards,” sabi ni Villegas. 

Sa ilalim ng code of conduct ng UST Student Handbook, ipinagbabawal ang pakikilahok ng mga estudyante sa mga grupong hind kinikilala ng unibersidad. 

“It sets a dangerous precedent na kapag pala progressive ka mag-isip—kung ikaw ay student, masho-show cause [order] ka, mapaparusahan ka, [at] kung ikaw ay employee or teacher, then puwede ka na lang patawan ng unsatisfactory [rating] ng kung sinoman sa college mo, and hindi ka na mare-renew,” paliwanag ni Villegas.