close
#KuwentongKabataan

Tutulan ang kasal na nakakasakal


Ginawa ang Absolute Divorce Bill para sa mga inaabusong asawa, pati ang kanilang mga anak. Nakakulong sila sa isang kasal na kaysa amoy ng flowers ang feeling, naging amoy masangsang na basura pala ang pakiramdam.

Noong nabalitaan kong pasado na sa Kamara ang Absolute Divorce Bill o House Bill 9349, para akong nabunutan ng tinik sa ngalangala. Bilang isang anak ng magkahiwalay na mag-asawa at lalo na bilang isang babae, sinusuportahan ko ito kahit na relihiyosong bansa pa ang Pilipinas.

Para sa akin, walang karapatan ang mga taong simbahan, mambabatas at taong nabibilang sa healthy family na ipilit ang kanilang mga paniniwala tungkol sa pagtutol sa diborsyo. Hindi lahat ay pinalad tulad nila at hindi naman sila dinidiktahan na kumuha nito kapag batas na.

Ginawa ang Absolute Divorce Bill para sa mga inaabusong asawa, pati ang kanilang mga anak. Nakakulong sila sa isang kasal na kaysa amoy ng flowers ang feeling, naging amoy masangsang na basura pala ang pakiramdam.

Naalala ko pa noong apat na taong gulang ako, nagtulug-tulugan ako. Pero, nakikita ko ang mga anino ng kamay at bibig nila Mama at Papa na nagtatalo. Totoong nakatulog na ako at lahat-lahat pero hindi pa rin sila noon natapos.

Sino ba naman kasing makakatulog kaagad sa lagay na gano’n? Nagsisigawan din kasi sila, ‘te! Pero, nababahala pa rin ako noon kahit wala akong maintindihan kasi nakakaramdam naman ako kung galit o hindi ang isang tao. Naririnig ko rin na naiyak noon si Mama.

Gusto ko pa noon sana maglaro pero ang ending bangayan pala ang maririnig ko. Hindi ko na matandaan kung ano ang dahilan ng pag-aaway nila. Pero, sure ako na nasundan pa iyon ng marami pang pag-aaway hanggang sa nagkolehiyo na ako.

Naalala ko rin dati, hanggang ngayon ginagawa ko pa rin, kinukulong ko sarili ko sa banyo. Tapos, binubuksan ko iyong gripo para matabunan ng tunog ng pagdaloy ng tubig ang hikbi ko.

Ginagawa ko iyan kasi sabi ng mga magulang at ibang kamag-anak ko dati na maging malakas ako. Kumbaga para hindi nila makita na “mahina” ako. Huwag daw ko magpaapekto kasi “bata” ako at “away mag-asawa” naman iyon.

Hindi lang din mag-asawa ang naapektuhan sa magulong kasal, kasama rin ang mga anak. Mas maayos pa na maghiwalay na lang kaysa matakot at mabingi ang mga bata sa mga bugbog at mura na naging regular na sa bahay.

Pero, iyon nga po ‘yon e. Naapektuhan talaga ako kasi anak ako at nakikita ko kung anong nangyayari kapag nag-aaway sila araw-araw, lalo na dati.

Kaya nga kung sa’kin lang, okay na mapasa ang Absolute Divorce Bill. Hindi lang din mag-asawa ang naapektuhan sa magulong kasal, kasama rin ang mga anak. Mas maayos pa na maghiwalay na lang kaysa matakot at mabingi ang mga bata sa mga bugbog at mura na naging regular na sa bahay.

Dagdag ko pa, dati may ibang babae na sumagot sa selpon ni Papa noong naliligo siya. Sinagot ko kasi akala ko si Mama pero hindi, ‘te! Sobrang layo sa boses ng nanay ko ‘yon.

Sabi ko pa noon, “Hindi ka po si Mama ha!” Kaya ang ending, binaba ng babae ang tawag. Inaalam ko lang naman kung sino siya e. Bakit naman siya natakot?

Sinisisi ko rin sarili ko dahil sa lagay ng kasal nila. Magiging masaya kaya sila kung hindi nalang ako ipinanganak? Kinasal lang naman kasi sila dahil nabuo ako. 

Hindi kaya mararanasan ni Mama na kabahan, matakot o umiyak kung gano’n? Malaki rin kaya chance na hindi ko kailangan pumili dati kung kay Mama o Papa ba ako sasama?

Ilang taon na rin ang lumipas simula noong naghiwalay sila pero parang same pa rin. Ang pinagkaiba lang ay hindi na sila nag-uusap masyado ngayon, pinapadaan na lang sa akin. Kaya kapag may away sila lalo na kapag usapang pera, para akong naiipit tulad lang din ng dati.

Hindi na nga ako pinapapili kung kanino ako sasama pero naging palaman naman ako. Pero, mas pipiliin ko ito kaysa sa dati.

Maganda ang mga nakalagay sa bill lalo na ang layunin nito pero ang inaalala ko ay kung magkano ito. Sana hindi ito singmahal ng annulment para maabot pa rin ng masang Pinoy. Karapatan at chance na ito para magkaroon ng pangalawang buhay ang mga nabilang sa dysfunctional family at marriage.

Huwag naman sana ito maging mahal. Kasi kung ganoon, para ko na ring sinabi sa nanay ko na, “Tiisin mo nalang po ‘yan kasi kasal kayo, Ma.”