close

Baha sa NCR, Bulacan, Calabarzon, dahil sa reklamasyon sa dagat, pagwasak sa kabundukan


Umaabot sa 882,861 indibidwal o 183,464 pamilya mula sa 686 barangay ang apektado ng matinding ulan at baha sa buong bansa, ayon sa huling tala ng Office of Civil Defense.

Idineklara ang State of Calamity sa National Capital Region (NCR) dahil sa matinding pagbaha dulot ng habagat na pinalakas ng Bagyong Carina (Gaemi). Nagdeklara na rin ng State of Calamity ang buong probinsya ng Cavite at Batangas, at mga bayan ng Cainta, Rizal at Baco, Oriental Mindoro.

Lampas-tao ang mga naiulat na baha sa mga bayan ng Bulakan, Malolos at Marilao sa Bulacan, sa mga lungsod ng Malabon, Navotas, Quezon City at Marikina sa NCR, gayundin sa San Mateo at Rodriguez (Montalban) sa Rizal kasunod ng walang-tigil na pag-ulan nitong Hul. 23-24.

Umabot sa 20.3 metro ang itinaas ng tubig sa Marikina River. Umapaw rin ang La Mesa Dam at nagpakawala ng tubig ang Ipo at Bustos Dam.

Nalubog din ang ilang pangunahing lansangan sa NCR, Central Luzon at Calabarzon.

Ayon sa Science Garden ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag-asa) sa Quezon City, mas maraming ibinagsak na ulan ang Bagyong Carina at habagat sa loob ng 24 oras na umabot sa 471 mm kumpara sa Bagyong Ondoy noong Set. 26-27, 2009 na 455 mm.

Umaabot sa 882,861 indibidwal o 183,464 pamilya mula sa 686 barangay ang apektado ng matinding ulan at baha sa buong bansa, ayon sa huling tala ng Office of Civil Defense.

Nasa 10,818 pamilya o 46,116 indibidwal naman ang nasa mga evacuation center sa NCR pa lang, habang mas marami pa ang lumikas sa mga kamag-anak at kakilala. May naiulat ding 21 na namatay.

Ayon sa Pag-asa, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Carina pero patuloy pa nitong palalakasin ang habagat na maaaring magdulot ng malakas na pag-ulan hanggang Biyernes.

Sinalanta ng ulan at baha ang maraming Pinoy, dalawang araw lang matapos ibida sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “matagumpay” nang natapos ang 5,500 flood-control projects sa buong bansa.

“Ramdam niyo ba ang P244.57 billion budget na nilagak daw para sa flood control projects? Sabi ni President Marcos Jr. sa SONA, marami na raw flood control projects ang natapos. Pero kaliwa’t kanan pa rin ang baha,” sabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.

Dapat namang magpaliwanag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan ginastos ang P1.079 bilyon kada araw na pondo nito para sa flood-control, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

“Ano’ng nangyari sa multi-bilyong budget para sa pagsipsip ng tubig at dredging ng mga ilog? ani KMP chairperson Danilo Ramos.

“Direktang resulta” ng pagwasak ng mga watershed at reklamasyon sa Manila Bay ang naranasang pagbaha sa NCR, Bulacan, Rizal, Cavite at Bataan, sabi ng Kalikasan People’s Network for the Environment.

Itinuturo nitong nagpalala ng baha ang reklamasyon ng San Miguel Corporation para sa 2,500 ektaryang proyektong airport sa Bulacan at 23 iba pang proyektong reklamasyon sa mahigit 47,000 ektarya ng baybayin ng Manila Bay.

Ayon kay Jonila Castro, advocacy officer ng Kalikasan at tagapagsalita ng AKAP KA Manila Bay, winawasak ng naturang mga proyekto ang natural na pansalag sa baha, storm surge at coastal erosion kaya lalong bulnerable ang mga lungsod sa palibot ng Manila Bay.

“Ito, sa paniniwala ko, ay bunga ng lahat ng reklamasyong nagaganap sa Manila Bay, wala nang malabasan ang tubig-baha dito sa Pasay at Maynila,” sabi naman ni Sen. Juan Miguel Zubiri nang pasukin ng baha ng compound ng Senado, sa tabi ng Manila Bay, kahapon.

Isa rin sa pinakamalaking proyektong reklamasyon ang 318 ektaryang Manila Waterfront City Development Project ng kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Sen. Sherwin Gatchalian, kasosyo ang malalaking negosyanteng Chinese.

Pinasuspinde ni Marcos Jr. ang 22 proyektong reklamasyon sa Manila Bay noong Agosto 2023, kasunod ng matinding pagbaha sa Bulacan at Pampanga dahil sa mga bagyong Egay at Falcon.

Pero sa pagmo-monitor ng grupong Pamalakaya Pilipinas, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga ito sa Cavite, Pasay, Bulacan at Bataan. Dalawang bagong proyekto rin ng reklamasyon ang inaprubahan ng Philippine Reclamation Authority sa Bacoor at Navotas.

Itinuturo ring dahilan ng matinding pagbaha ang pagkakalbo Upper Marikina River Watershed (UMRW) dahil sa quarrying, pagmimina at mga hydropower project sa kagubatang bahagi ng Sierra Madre sa Rizal.

Ayon sa Advocates of Science and Technology for the People (Agham), nasa 19 na proyektong minahan ang may operasyon sa 3,622 ektaryang kagubatan ng Rizal.  

Nakaapekto rin sa watershed ang konstruksiyon at pagpapalawak ng Kaliwa-Kanan Dam at Wawa Dam. Ayon pa sa grupo, winawasak ng dalawang hydropower project sa kabundukan ng Rizal ang mga ilog at nagpapatindi ng pagbaha sa mga mababang lugar.

Tumindi naman ang pinsala ng baha dahil sa pagtatayo ng mga housing project ng gobyerno sa mga bahaing lugar.

“Ngayon, dalawang araw lang matapos ang SONA si Pangulong Marcos Jr., kung saan ibinida niya ang sarili bilang climate champion, literal na nilulunod ang Metro Manila at kalapit na probinsiya ng kanyang mga bigong pangako,” ani Castro.

Aniya, pinatunayan ng karanasan sa Bagyong Carina na kasinungalingan lang ang pangako ng malalaking negosyo at gobyerno na mabuting idudulot ng mga proyektong reklamasyon, minahan at mega-dams.

“Hindi solusyon kundi dambuhalang problema ang mga proyektong ito. Nagdulot ito ng matinding pagbaha at sumira sa kabahayan at kabuhayan ng mamamayan. Dapat managot ang mga nasa likod ng mga proyektong ito,” dagdag ni Castro.