Mapanirang daluyong ng reklamasyon
Isa sa pinakamalaking pangisdaan sa bansa ang Manila Bay. Ngunit problema ngayon ang reklamasyon dito dahil sa masamang epekto sa kalikasan at maging sa kabuhayan ng libo-libong mamamayan.
Sentro ng kalakalan at komersiyo ang Look ng Maynila noon pa man. Hindi lang ito mahalagang daungan ng mga barkong pangkalakal at pampasahero, pinagkukunan din ito ng mga yamang dagat ng mga mamamayang nakatira sa mga pampang nito mula Bataan hanggang Cavite.
Tinatayang 770 milya kuwadrado ang lawak nito, isa sa pinakamalaking pangisdaan sa Pilipinas. Itinuring na pangalawa ang look sa pangunahing pinagkukunan ng mga isda’t lamang dagat mula 1950s hanggang 1970s na dinadala sa mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Rizal at Tarlac.
Sa paglipas ng panahon, patuloy na nagkaroon ng pagbabago rito dulot na rin ng urbanisasyon. Dumami ang mga proyekto ng pamahalaan maging ng pribadong sektor na nagnanais gawing komersiyal, residensiyal at pangturismong espasyo ito.
Ngunit sa kasalukuyan, problema ang ginagawang reklamasyon sa Manila Bay dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan at maging sa kabuhayan ng libo-libong residente na umaasa rito.
Project | Contractor | Sino ang kikita? | Magkano ang proyekto? |
New Manila International Airport | San Miguel Corporation – San Miguel Aerocity Inc. | Ramon Ang | P740 bilyon |
Manila Waterfront City Project | Waterfront Manila Premier Development Inc. | Gatchalian | P34.4 bilyon |
Bacoor Reclamation and Development Project | Frabelle Fishing Corporation | Francisco Tiu Laurel Jr. | P55.5 bilyon |
Diamond Reclamation and Development Project | Diamond Export Corporation | (owner not disclosed on the internet) | P16.6 bilyon |
Horizon Manila Reclamation Project | JBROS Construction Corp. | Jesusito B. Legaspi Jr. | P60 bilyon |
Pasay Harbor City Project | Royal Boskalis Westminster NV Pasay Harbor City Corporation | Dennis Uy | P57 bilyon |
Navotas Coastal Bay Project | Jan De Nul Group, Seabridge Port Agencies Corp. San Miguel Corporation | Ramon Ang | P57.4 bilyon |
Manila Solar City Project | Manila Goldcoast Development Corp. | Wilson, Willy, William Tieng | P50 bilyon |
Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Project | SM Prime | Hans Sy | P100 bilyon |
New Manila Bay City of Pearl Reclamation Project | UAA Kinming Group Development Corp. | Kitson Soriano Kho | P5.8 trilyon |
Manila-Cavite toll expressway reclamation project | Cavitex Infrastructure Corporation | Raul Ignacio, Rogelio Singson, Jorge Consunji | P2.22 bilyon |
Ilan sa mga malalaking proyektong isinasagawa rito ang P735 bilyon na New Manila International Airport sa Bulacan ng San Miguel Corporation (SMC) na may 2,500 ektarya ang lawak; P55.5 bilyon na Bacoor Reclamation and Development Project ng Frabelle Fishing Corporation at Diamond Reclamation and Development Project ng Diamond Export Corporation sa Cavite na 420 ektarya ang pinagsamang lawak; at ang P34.4 bilyong Manila Waterfront City Project ng Waterfront Manila Premier Development Inc. sa Maynila na 328 ektarya ang lawak.
Ayon kay Aries Soledad, secretary general ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), wala ng mahuli ang mga mangingisda simula noong naglunsad ng dredging at reklamasyon. Kaya naman hinaing ng grupo ng mga mangingisda na itigil na ang mga ganitong proyekto dahil sa epekto nito sa kanilang buhay at kabuhayan.
“Ang tagapaglikha ng ulam dito sa ating hapag-kainan ay hindi ligtas sa problemang kinakaharap ngayon dito sa ating bansa. Bunga [ito] ng pagpapatupad ng mga programa, patakaran [at] polisiya ng mga nagdaang administrasyon hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni [Ferdinand] Marcos [Jr.],” sabi naman ni Pamalakaya Pilipinas national spokesperson Ronnel Arambulo.
Tinabunang kabuhayan
Isa sa mga naaapektuhan ng proyektong paliparan sa Bulacan ang pamilya ni Teody Bacon. Bahagi ito ng binubuong aerotropolis ng SMC sa Gitnang Luzon. Parte rin ng proyekto ang residential zone, government zone, seaport at industrial zone sa paligid ng paliparan.
Dating naninirahan si Bacon sa Sitio 15 sa Taliptip sa bayan ng Bulakan, Bulacan. Kumikita siya noon ng P1,500 mula sa maghapong pangingisda, ngunit ngayon, inaabot na siya ng tatlong araw para kumita ng parehong halaga.
“Gasolina [pa] lang, P300 na. Bigas mo pa, tinapay [na] baon mo. Kaya, hindi ka pa kumikita, talo ka na,” paliwanag ni Bacon.
Nang mailipat ang pamilya ni Bacon sa tabing barangay ng Bambang noong 2023, sinabi niya na nagbibigay pa ang SMC ng mga pangkabuhayan tulad ng frozen foods sa mga apektadong mangingisda. Ngunit kalaunan, nahinto rin ito kaya naman utang umano ang kanilang naipundar.
“Titiisin na lang namin dito hangga’t kaya kasi hindi ka naman puwedeng bumalik doon dahil bawal na. Tutal sarili naman ito. Hawak naman namin ang titulo. Kaya namin dito pinili kasi, mayroong malalagakan ng bangka. Buhay namin, nasa dagat,” ani Bacon.
Halos pareho naman ang daing ng asawa ng mangingisda at ingat-yaman ng Pamalakaya Pilipinas-Bacoor na si Laarni Villamon. Kasama kasi ang kanilang lugar sa apektado ng ginagawang LRT-1 Extension na bahagi ng reklamasyon.
Dulot nito, na-relocate ang kanilang pamilya sa Naic dahil masasagasaan ang bahay na tinitirhan nila. Aniya, maganda man ang kanilang nilipatan, hirap naman ang kanilang buhay.
“Doon, nakaranas kami nang one-day-eat lang. Tapos nilagang talbos lang ng kamote. Samantalang kapag [sa Bacoor], hindi namin dinaranas iyon kahit papaano. Nakakapag-survive pa rin. Kahit na walang kita [sa] dagat, nakakagawa [kami] ng ibang paraan,” dagdag pa niya.
Dahil dito, napilitan silang bumalik sa Bacoor, ngunit lalong hirap ang kanilang nararanasan. Sabi niya, napipilitan pang dumayo sa bahagi ng Manila Bay sa Cavite City ang kanyang asawa para lang mangisda. Ang dapat na P1,200 na kita kada araw, nababawasan pa ng pambayad sa yelo, gasolina, pagkain at pasahod sa mga kasamang pumapalaot.
Umaabot sa puntong P100 na lang ang kinikita nina Villamon sa kabila ng masugid na pangingisda mula umaga hanggang hapon, hanggang sa paghahatid ng kanilang mga huli sa bulungan o bagsakan ng mga isda. Halos isang buwan na rin silang walang kinikita.
“Ang panawagan namin, itigil na ang pagtambak dito sa area namin at [gumawa ang] gobyerno ng magandang paraan [para sa] mga mangingisda na mapapakinabangan nila araw-araw, lalo na ng mga anak nila,” saad ni Ricardo Bagonggong, auditor ng Pamalakaya Pilipinas-Bacoor.
Samantala, nagbabadya rin ang tuluyang pagkawala ng mga tahungan sa Navotas City, ang itinuturing na “Fishing Capital of the Philippines,” dulot pa rin ng reklamasyon.
Ayon kay Tito Suarez, magtatahong mula taong 2000, noong 2016 pa nang hindi bigyan ng pahintulot ang mga residente na gamitin ito para sa kanilang hanapbuhay. Bumabangga umano ito sa kalikasan at pag-unlad ng lungsod.
Ginagamit ito ngayon ng pamahalaang lokal laban sa kanila, taliwas sa pangako ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na hindi madadamay ang kanilang tahungan sa proyektong isasagawa sa kanilang katubigan.
Ayon pa sa mga mangingisda at may-ari ng mga tahungan, “basura” umano kung tawagin ito ng alkalde. Bukod dito, mahigit 80% ng tahungang may habang anim na kilometro at tatlong kilometrong lapad na ang nasira dulot ng reklamasyon.
“Ang operasyon nila, walang pasabi, binigla ang mga tao. Kasi [parang walang] warning man lang ba na ‘ito na bubunutin na,’” ani Suarez.
Malaking dagok ang demolisyon ng tahungan para sa mga taga-Navotas na nakaasa dito, lalo na’t umaabot na lang ang kita nila ng P500 hanggang P700 kada banyera ng tahong mula sa dating P1,200 hanggang P1,500.
“Hindi po basura ang aming kabuhayan. Ginto po ‘yan para sa amin dahil diyan po kami kumukuha ng pagkain, pampaaral at saka mga gastusin po, at lalong-lalo na sa medikal [na aspeto]. Diyan po talaga [kami] umaasa, sa kabuhayan namin na ngayon ay winawalis na ni mayor kasi raw basura,” ani Cherry Delos Reyes, bise presidente ng Pamalakaya Pilipinas-Navotas.
Nasisirang kalikasan
Ayon sa arkitekto at urban planner na si Felino Palafox, bukod sa pagkasira ng hanapbuhay ng mga residente sa iba’t ibang bahagi ng reklamasyon sa Manila Bay, maaaring magresulta ito sa malalang pagbaha.
Mahaharangan din umano nito ang tanawin ng mga kasalukuyang waterfront development at masisira ang aquatic resources ng Manila Bay.
Kaugnay nito, isa pa sa tinitingnang problema ang posibleng paglubog ng lupa dahil sa bigat ng mga itinatayong gusali sa baybayin ng Metro Manila. Ayon sa pag-aaral ni Kelvin Rodolfo, isang dalubhasang doktor sa larangan ng heolohiya at bulkanolohiya, lumulubog ito ng siyam na sentimetro kada taon.
Dahil dito, sabi ng Pamalakaya Pilipinas, mas maraming maidudulot na negatibong epekto kumpara sa inaasahang benepisyong pang-ekonomiya para sa bansa ang reklamasyon.
Ngunit ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda noong 2023, mawawalan ng tinatayang P432 bilyon ang bansa kung papahintuin ito pansamantala sa loob ng limang taon. Dagdag pa ng Philippine Reclamation Authority (PRA), posibleng kumita ng P23 trilyon ang bansa dulot ng proyekto.
Salungat naman dito si Arambulo sapagkat hindi umano isinaalang-alang nina Salceda at ng PRA ang pagkawala ng kabuhayan ng milyon-milyong mangingisda at mga pamilyang nakatira sa baybayin, pati na rin ang pagkasira ng masaganang yamang dagat at pangisdaan.
Aniya, hindi na maibabalik ng reklamasyon ang 70 hanggang 80 porsiyentong kita na nawala sa mga mangingisda. Resulta ito ng pagkaubos ng huling isda, matinding pagkasira ng mga tirahan ng isda katulad ng bakawan, damong-dagat, mga korales at lalo pang lumalalang kalidad ng tubig.
“Pawang haka-haka lamang ang kanilang mga pahayag upang bigyang katuwiran ang pagpapatuloy ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay,” dagdag ni Arambulo.
Sabi naman ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa nagdaang Multistakeholder Experts Dialogue on Reclamation, nararapat na isaalang-alang sa lahat ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay ang mandamus ruling ng Korte Suprema.
Inatasan ng korte batay sa desisyon na ito ang 13 ahensiya ng gobyerno na linisin, isailalim sa rehabilitasyon at pangalagaan ang look. Nilalayon din nito na ibalik at panatilihin ang kalidad ng bahagi ng tubig upang pasok pa din sa Class SB level na angkop para sa paglangoy, skin-diving at bilang pangitlugan ng chanos chanos o bangus.
Dinagdag pa ni Loyzaga, maaari pa rin daw maging kapaki-pakinabang ang reklamasyon kagaya na lang ng siyudad ng Rotterdam at Boston sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ang reklamong isinampa ng Pamalakaya Pilipinas at ng Kalikasan People’s Network on the Enviroment noong Mayo kontra sa PRA at DENR ukol sa isinasagawang reklamasyon. Iginigiit nila na hindi ito dumaan sa maayos na konsultasyon sa mga apektadong mamamayan at sa pangkalahatang epekto nito sa biodiversity.
Sa kabila nito, patuloy ang operasyon sa 22 proyektong reklamasyon sa paligid ng Manila Bay, habang may 30 proyekto sa labas ng Metro Manila ang pinangangambahang sisira sa kalikasan at magpapahirap sa kabuhayan ng mga Pilipinong umaasa sa dagat. /May ulat mula kina Kristen Ranario, Edwynne Lucy Guarin, Christine Guardiano at Exequiel Agulto