close

Hatol sa ‘Talaingod 18,’ mali, ‘di makatarungan

Sa magkasamang pahayag nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at dating Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo, hindi katanggap-tanggap, hindi makatarungan at mali ang hatol ng Tagum Regional Trial Court Branch 2 sa kanila.

Hinatulang may sala sa kasong child abuse ang 14 na human rights defender, kabilang sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, dating Bayan Muna Partylist Rep. Satur Ocampo at mga guro at boluntir sa mga paaralang Lumad sa Mindanao nitong Hul. 15.

Sa magkasamang pahayag nina Castro at Ocampo, hindi katanggap-tanggap, hindi makatarungan at mali ang hatol ng Tagum Regional Trial Court Branch 2 sa kanila.

Sa loob ng anim na taong pakikipaglaban, hinatulan ng korte sa Davao del Norte ang 14 mula sa tinaguriang “Talaingod 18” na tumulong sa mga batang Lumad na naipit sa militarisasyon noong Nobyembre 2018.

Pinatawan sila ng korte ng apat na taon, siyam na buwan at 11 araw hanggang anim na taon, walong buwan at isang araw na pagkakabilanggo at danyos perhuwisyo na nagkakahalagang P10,000 sa bawat 14 na estudyanteng Lumad na umano’y inabuso.

Inabsuwelto naman ng korte ang apat na akusadong karamiha’y manggagawang simbahan na sina Pastor Edgar Ugal, Rev. Ryan Magpayo, Rev. Jurie Jaime, and Ellen Ordeniza dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na sila’y nagkasala.

Ang Talaingod 18 ay mga indibidwal at organisasyon na inimbitahan ng Save Our Schools Network (SOS Network) upang lumahok sa isang national solidarity mission (NSM), isang humanitarian mission sa mga kampus ng Salugpongan Ta ‘Tanu Igkanogon Community Learning Center (STTICLM) sa Sitio Dulyan at Sitio Nasilaban sa Talaingod, Davao del Norte dahil sa walang tigil na militarisasyon, food blockade at aerial bombing.

Isang gabi ng Nobyembre 2018 nang humingi ng tulong ang mga guro at mag-aaral ng STTICLM at Community Technical College of Southeastern Mindanao (CTCSM) nang pagbantaan at sapilitang isara ng grupong paramilitar na Alamara ang kanilang paaralan.

Nagplanong makipagkita sa mga guro at mag-aaral ang NSM, ngunit matapos ang dalawang hindi regular na checkpoint at ilang pagbabanta at panggigipit ng mga hindi kilalang lalaki, pinigilan sila ng mga pulis at militar at dinala sa istasyon ng pulisya sa Talaingod.

Inaresto sa mga kasong kidnapping at hindi pagbabalik ng menor de edad, human trafficking, at paglabag sa Republic Act 7610 o ang batas laban sa child abuse sina Castro, Ocampo, siyam na guro, dating STTICLM executive director Meggie Nolasco at apat na pastor. Nagsimula naman ang paglilitis sa mga kaso noon 2021.

Ipinapakita ng patuloy na pang-uusig sa mga tumutulong at nagtataguyod ng mga karapatan ng mga batang Lumad at patuloy na pag-atake sa mga paaralan at komunidad nila ang naging hatol sa kanilang kaso, sabi nina Castro at Ocampo.

Dagdag pa nila na patuloy silang nananawagan na ipatawag ang mga nag-utos at nanguna sa mga pag-atake laban sa mga paaralang Lumad, partikular si dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na naglagay sa buhay ng mga katutubong bata sa panganib.