close

Kagyat na ayuda, hiling ng mangingisda


“Mahigit dalawang buwan nang hindi makalaot ang mga mangingisda dahil sa habagat, at ngayo’y sinalanta pa ng kalamidad,” ani Ronnel Arambulo ng Pamalakaya Pilipinas.

Kagyat at agarang ayuda ang hinihiling  ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) mula sa pamahalaan para sa 28,000 mangingisda at pamilya sa baybayin ng Manila Bay na labis na naapektuhan ng habagat na pinalakas ng Bagyong Carina.

Ayon kay Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng Pamalakaya Pilipinas, dapat nang gamitin ng gobyerno ang bahagi ng P31 bilyon calamity fund at P1 bilyon quick response fund ng Department of Agriculture para sa ayuda at kabuhayan ng mga apektadong mangingisda at residente sa mga baybayin.

“Mahigit dalawang buwan nang hindi makalaot ang mga mangingisda dahil sa habagat, at ngayo’y sinalanta pa ng kalamidad,” ani Arambulo.

Habang ipinapanawagan ang aksiyon mula sa pamahalaan, nagsimula na ang Pamalakaya Pilipinas ng sariling donation drive para sa agarang tulong sa mga komunidad.