close

Mangingisda ng Zambales, nanawagang makapangisda sa Panatag Shoal


Hiniling ng mga mangingisdang Pilipino sa Zambales na igalang ng China ang kanilang karapatan sa pangingisda sa Panatag Shoal o Scarborough Shoal lalo sa darating na panahon ng habagat.

Hiniling ng mga mangingisdang Pilipino sa Zambales na igalang ng China ang kanilang karapatan sa pangingisda sa Panatag Shoal o Scarborough Shoal lalo sa darating na panahon ng habagat.

“Malaking perhuwisyo na sa mga mangingisdang Pilipino ang ginagawang pagkakait ng gobyerno ng Tsina sa Bajo de Masinloc (Panatag Shoal) na pag-aari ng Pilipinas,” sabi ni Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas)-Zambales provincial coordinator Joey Marabe.

Hindi pa rin napapasok ng mga mangingisdang Pilipino ang Bajo de Masinloc kahit 124 nautical miles lang ang layo nito mula sa Zambales. Iniulat ng mga mangingisda na hindi bababa sa dalawang barko ng China Coast Guard ang kasalukuyang nagbabantay doon.

“Sa tuwing aabutan kami ng sama ng panahon sa laot, napipilitan kaming agarang bumalik sa baybay kahit hindi pa sapat ang huling isda. Kaya naman maraming mangingisda ang nakakaranas ng labis na pagkalugi mula nang mawala ang aming kublihan sa tuwing masungit ang dagat,” dagdag ni Marabe.

Mariin ang panawagan ng mga mangingisda lalo ngayong panahon ng habagat kung kailan madalas ang mga bagyo na nagdadala ng malalakas na alon sa mga karagatan. Nangangamba ngayon ang mga mangingisda sa magiging epekto nito sa kanilang kabuhayan maging sa kaligtasan ng mga kapwa nila mangingisda.

Iniulat ng Pamalakaya Pilipinas na nasa 70% hanggang 80% ang nawawala sa kanilang kita kada paglaot simula noong inagaw ng China ang kontrol sa Panatag Shoal noong taong 2012.

Matatandaang noong 2016, naipanalo ng Pilipinas ang kaso sa Permanent Court of Arbitration na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa mga isla sa West Philippine Sea (WPS). Walong taon ang nakalipas, hindi pa rin kinikilala at sinusunod ng China ang desisyong ito.

Kasalukuyang tinitingnan ng grupo ang posibleng diyalogo sa Chinese-Filipino community para sa panawagan na pagtatanggal ng mga puwersang militar sa WPS upang maiwasan ang tensiyon.

“Nais naming bigyang-diin ang hinaing ng mga mangingisdang Pilipino na makapanumbalik sila at hayaang makapangisda sa Bajo de Masinloc,” sabi naman ni Pamalakaya Pilipinas vice chairperson Ronnel Arambulo.