Tala-Salitaan 0828

September 4, 2023

Reclamation o reklamasyon – proseso ng paglikha ng bagong lupain sa pamamagitan ng pagtatambak ng lupa sa dagat.

Kamakailan nagkilos-protesta ang mga mangingisda mula sa Bacoor, Cavite, kasama ang iba pang sektor, upang irehistro ang kanilang pagtutol sa mga proyektong reklamasyon ng gobyerno.

Bagaman suspendido, may mahigit 180 proyektong reklamasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa kabila ng sinasabing pag-unlad na maidudulot nito, ano naman kaya ang kapalit, katulad ng epekto sa kalikasan at kabuhayan?

Tiyak ang pagkawasak ng kalikasan dahil sa reklamasyon at dredging sa karagatan. Apektado nito ang mga bakawan, coral reef at seagrass bed na mahalagang breeding ground ng mga isda at lamang dagat.

Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), malinaw na lumala ang pagbaha sa mga lugar sa may hilagang bahagi ng Manila Bay dahil sa reklamasyon.

Nasa Bulakan, Bulacan ang pinakamalaking reclamation project sa bansa, ang 2,500 ektaryang aerotropolis ng San Miguel Corporation para itayo ang New Manila International Airport.

Idinagdag pa ang reklamasyon sa Baseco sa Port Area at sa paligid sa United States Embassy sa Roxas Boulevard sa Maynila. Saklaw nito ang 10,000 ektaryang baybayin, kalakhan sa Manila Bay. Mayroon pang panibagong reclamation na 575 ektarya ng Navotas Coastal Bay para sa pagpapalawak ng isang proyekto ng isang malaking korporasyon.

Ayon kay Pamalakaya chairperson Fernando Hicap, direktang tatamaan ng reklamasyon ang kabuhayan at paninirahan ng mga mangingisda sa buong Manila Bay.

Giit ni Hicap, wala na talagang mahuhuli ang mga mangingisda kapag tinambakan ang lugar kaya tinututulan nila ito dahil sa malaking dulot na perhuwisyo sa kanilang kabuhayan.

Sinabi rin ng mga environmentalist na malaki ang negatibong epekto ng reklamasyon sa kabuuang ecology ng isang lugar. Ilang eksperto rin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang nagsabing maaaring makasira sa mga bakawan ang mga reclamation project. Nagbibigay proteksiyon ang mga bakawan sa silangang bahagi ng Metro Manila kapag may bagyo at pagbaha.

Idinagdag pa ng mga eksperto na mababarahan ang pagdaloy ng tubig galing sa Parañaque River, Las Piñas River, Zapote River at Molino na siyang magdudulot ng pagbaha.

May kabuuang 1,330 ektarya ng katubigan ang tatambakan ng Century Peak (Metals) Holdings Corporation. Maaapektuhan ang 1,043 ektarya sa Cavite at 287 ektarya naman sa Parañaque City.

Idiniin ng Pamalakaya na hindi lamang ang mga coastal community sa Cavite, Las Piñas City at Parañaque City ang masasapul ng plano ng Century Peak kundi maging ang 178 pang komunidad sa mga lokal na pamahalaan sa palibot ng Manila Bay.

Sa Cavite pa lamang, nasa 700 pamilya na umano ang mawawalan ng tirahan at kabuhayan dahil mawawala ang kanilang lugar kung saan sila nangingisda.

Isang mining company ang Century Peak Corporation na pagmamay-ari ni Wilfredo Keng na sinuspinde ni dating DENR Secretary Gina Lopez noong 2016 dahil may mga paglabag umano mga proyekto nito sa Dinagat Island.

Kahit pa bumaha’t magkadelubyo, wala sa interes ng sabwatan ng mga gahamang kompanya at ilang tauhan ng DENR ang pangangalaga sa kalikasan at proteksiyon sa kabuhayan ng mamamayan.