close
Kumusta, Manggagawa?

P35 dagdag-sahod, insulto lang ang inabot


Ang barya-baryang dagdag-sahod na ito ay nagsisilbi lamang upang palalimin ang mga umiiral na hindi pagkakapantay-pantay at pagsasamantalang kinakaharap ng mga manggagawa sa buong bansa.

Isipin mo ang paggising araw-araw bago sumikat ang araw, sagad sa pagod kakatrabaho para lang magkaroon ng pagkain sa hapag-kainan para sa iyong pamilya, para lang makatanggap ng barya-baryang dagdag-sahod. Ano ang mararamdaman mo? Galit? Pagkadismaya?

Ito ang katotohanan na kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino ngayon. Ang kamakailang pahayag ng ganitong nakakainsultong pagtaas ay isang malinaw na paalala ng mga pagsubok na kinakaharap ng lakas-paggawa sa Pilipinas.

Sa loob ng 35 taon, iniwan ng Wage Rationalization Act ang mga manggagawang Pilipino na nagdurusa sa mga pinsalang dulot nito. Sa halip na iangat ang kalidad ng pamumuhay nating mga manggagawa, ang batas na ito’y humantong sa walang pag-unlad at ‘di makabuhay na sahod na ‘di man lang makasabay sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Bilang resulta, ang ating mga masisipag na manggagawa’y naiiwan sa araw-araw na paghihirap, gutom at kawalan ng katiyakan sa pang-araw-araw.

Ang kamakailang P35 na pagtaas ng sahod ay isang malupit na dagok sa mga manggagawang Pilipino na nasa bingit ng kagutuman. Binabarat mismo ni Marcos Jr. ang ating sahod at binabaliwala ang kapakanan nating mga manggagawa.

Ang pangunguna ng supertubo ng mga kapitalista kaysa sa kapakanan ng mga manggagawa na nagpapatakbo ng ating ekonomiya’y siyang porma ng lantarang pagpapakatuta ni Marcos Jr. sa Estados Unidos.

Ang barya-baryang dagdag-sahod na ito ay nagsisilbi lamang upang palalimin ang mga umiiral na hindi pagkakapantay-pantay at pagsasamantalang kinakaharap ng mga manggagawa sa buong bansa.

Ngunit ang mga manggagawang Pilipino’y matatag at determinado. Ang panawagan para sa kagyat na pagsasabatas ng P750 dagdag-sahod across the board at ang pagbubuwag ng mga Regional Wage Board ay patuloy na lumalakas.

Panahon na para ang mga manggagawa’y magkaisa at igiit ang mga karapatan at dignidad na ating nararapat na matanggap. Sa pamamagitan ng kolektibong aksiyon, maaari tayong magdulot ng makabuluhang pagbabago at tiyakin na ang mga tinig ng mga manggagawa ay hindi lang naririnig kundi isinasabuhay.

Ang laban para sa makatarungang sahod ay hindi lamang tungkol sa ekonomikong katarungan: ito ay isang laban para sa karapatang pantao at dignidad.

Bawat manggagawang Pilipino’y nararapat na tratuhing may katarungan at respeto, na magkaroon ng kakayahan na magbigay para sa kanilang mga mahal sa buhay nang hindi kinakabahan sa gutom o kawalan. Dumating na ang panahon para sa administrasyong Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan.

Mga kamanggagawa, kailangan nating magkaisa at maging matatag sa ating panawagan para sa makatarungan at marangal na pagtrato na ating mga karapatan!