Kumusta, Manggagawa?

Ano ba ang halaga ng paggawa?

July 13, 2023

Marahil alam na alam na nating mga manggagawa na mababa, barat at ‘di nakabubuhay ang sahod na tinatanggap natin. Kahit pa maipatupad na ang P40 wage increase sa Hulyo 16 sa National Capital Region, P610 pa lang rin ang antas ng minimum na sahod. Lalong mababa ang sa susunod na pinakamataas na minimum—P470 sa Region IV-A at P460 naman sa Region III.

Alam at ramdam nating mga manggagawa na sa otso oras na pinatatakbo natin ang makina, lagpas-lagpas sa minimum na sahod ang nalikha mong halaga.

Pero minsan, mapapaisip ka rin talaga. Sa sobrang pagod mo sa pagtatrabaho araw-araw, nasa P400-600 lang ba talaga ang halaga ng lahat ng tinrabaho mo? Parang lugi, ‘di ba?

Sa katotohanan, ‘di naman kabayaran sa buong pagtatrabaho natin ang sahod nating manggagawa. Fixed ang sahod kahit pa sobrang bibo mo at ang dami mong trinabaho, ‘di na ‘yan tataas. At itinaktada ito ng iyong employer bilang bayad sa pagtatrabaho mo ng takdang oras, kalimita’y otso oras o mas mahaba pa, depende sa agreement.

Alam at ramdam nating mga manggagawa na sa otso oras na pinatatakbo natin ang makina, lagpas-lagpas sa minimum na sahod ang nalikha mong halaga.

Kung kukuwentahin ang sahod kumpara sa kabuuang tinutubo ng mga kompanya dahil sa lakas at pawis ng mga manggagawa, kayang-kaya nating patunayan na lagpas-lagpas sa P400-600 ang ipinapasok nating yaman sa mga employer.

Wala ka pang isang oras sa pagtatrabaho, nagawa mo na ang halagang ibinayad sa ‘yo. Saan mapupunta ‘yong ‘di ibinayad sa’yo? E ‘di itatago o i-invest ulit ng amo mo, siya na ang bahala at wala ka nang habol.

Kaya kapag dinadamihan ang quota o kaya’y pinupwersang mag-overtime, mas marami kang kita at tubo na naibibigay sa amo mo, pero halos ‘di naman lalaki ang sahod mo. Mas malala, OTTY (overtime-thank you) pa! 

Sa katunayan, sa pag-aaral ng isang unyon sa pabrika ng papel, kumita ang kanilang kompanya ng nasa P198 milyon sa isang taon. P32 milyon lang ang gastos sa pagpapatakbo ng pabrika habang nasa P29 milyon lang ang gastos sa pasahod at ibang benipisyo ng mga manggagawa.

Ang malinis na kita ng kumpanya ay nasa P137 milyon. 

Kung kukuwentahin ang kita kumpara sa pasahod at benipisyo sa manggagawa, halos limang beses ang laki ng naitatabi ng may-ari ng kompanya. Sa kasong ito, 40 minuto pa lang magtrabaho, nalikha na ng manggagawa ang ipinasahod sa kanila. Ang anumang malikhang halaga sa pitong oras at 20 minutos, libreng kinukuha ng kapitalista at inaangkin bilang kanya.

Sa madaling sabi, ang manggagawa ang nag-aakyat ng yaman sa mga employer, boss, kapitalista o ano pa mang itinatawag sa kanila. Dahil si manggagawa, papasok sa trabaho na may nakatakda ng bayad para sa kanya, lahat ng halaga ng tatrabahuhin kada araw ng pagpasok, aangkinin ng nagpapasahod bilang sariling yaman, hindi ito babalik sa manggagawa.

Pero bakit natin pinag-uusapan ito? Minsan kasi, sa usapin ng dagdag-sahod, nag-aalinlangan tayong mga manggagawa na manawagan at lumaban. Marami kasing sinasabi na kesyo “manggagawa lang tayo,” “baka lalo pang tumaas ang bilihin,” “sila naman ang may-ari, pasalamat na lang tayo.” Iba’t ibang mga pahayag ito para itago ang katotohanan.

Napakasimple ng katotohanan. Hindi aandar ang makina kung walang manggagawa. Hindi magiging produkto ang materyales kung walang manggagawa. Hindi ito magiging tubo kung walang manggagawang magde-deliver at magbebenta nito. Tayo ang lumilikha ng yaman at marapat lamang na magkaroon tayo ng makatwirang bahagi sa yamang nililikha natin.

Kaya ang paglaban natin para sa dagdag-sahod, hindi ‘yan pamamalimos sa employer at sa gobyerno—laban natin ito para bawiin ang yaman na tayo ang lumikha pero ipinagkakait sa atin! Kaya laban tayo, kamanggagawa! Pawiin ang pangamba at alinlangan, sulong tungo sa sahod na nakabubuhay!