close

Patuloy na pakikibaka ng unyon ng Nexperia

Sa sunod-sunod na malawakang tanggalan ng management ng dayuhang semiconductor na kompanya, naging mabigat na pasanin sa mga manggagawa ang pagbarat sa collective bargaining agreement at planong pagbuwag sa unyon.

“Dahil nasuri ko na noon ‘yong mga ginagawa [ng Nexperia Philippines Inc.], ‘yong mga pagtatanggal nila ng tao, talagang ang tututukan nila iyong mga taong nakikita nila mga talagang aktibo [sa paglaban],” ani Jayson Gregorio, dating empleyado ng kompanya at chairman ng education committee ng Nexperia Philippines, Inc. Workers Union (NPIWU).

Pagkakaisa at boses kontra sa pang-aabuso at pagyurak sa karapatang pantao ng mga manggagawa ang puhunan ng bawat unyon na naitatag sa Pilipinas kabilang ang NPIWU. Gayunpaman, sa kabila ng mahabang panahon, lantaran pa rin ang iskema na ng mga kompanya upang patahimikin ang mga ito.

Sa sunod-sunod na malawakang tanggalan ng management ng dayuhang semiconductor na kompanya, naging mabigat na pasanin sa mga manggagawa ang pagbarat sa collective bargaining agreement (CBA) at planong pagbuwag sa unyon.

Isa si Gregorio sa mga nakaranas nito matapos mapabilang sa walong tinanggal noong Setyembre 2023. Aniya, isang dekada siyang nanilbihan doon ngunit nakita na niya na isa siya sa mga tatanggalin. Kaugnay umano ito ng layunin ng kompanya na pahinain ang unyon at kasapian nito na nagsusulong ng karapatan sa pamamagitan ng pagmumulat at pag-oorganisa sa mga manggagawa.

“Sa karanasan din, nalaman ko na talagang sa kasaysayan ng unyon namin, talagang tinatanggal ang mga [education] committee chairman. Pangatlo na ako,” ani Gregorio. 

Sa parehong karanasan, sinabi ni Laarni Sarmiento, dati ring empleyado ng kompanya at kasalukuyang miyembro ng unyon, ang lantarang paglabag sa kanilang CBA.

Pinalala pa ito ng usapin ng patakarang last in, first out (Lifo) na nakapaloob sa kasunduan nang mapabilang siya sa listahan ng mga empleyadong natanggal sa kabila ng 15 taon niyang serbisyo sa kompanya. 

Una kasing nalabag doon [ang] security of tenure. Mas nauna pang tanggalin ‘yong mga mabababang ID number. At pangalawa, ang majority ng mga tinanggal [ay] mga union member,” ani Sarmiento. 

Itinuturing na pinakamatanda at pinakamalaking unyon sa Pilipinas ang NPIWU, na kasalukuyang binubuo ng humigit-kumulang 1,800 miyembro. Isa ito sa mga aktibong samahan na nangunguna sa iba’t ibang pagkilos at pag-oorganisa para sa karapatan at kagalingan ng kanilang mga kapwa obrero.

Noong 1982, nagsimula ang unyon bilang Philips Component Philippines Incorporated Workers Union (PCPIWU). Taong 1991 naman nagsimula ang kanilang laban sa patakarang neoliberal sa bansa, partikular sa Philips Component Philippines, Inc., isang kompanya ng semiconductors. Sa panahong ding ito ipinaglaban nila ang kanilang CBA at naipanalo ito.

Matapos nito, ibinenta ng Philips ang kompanya sa NXP at muling binili na naging Nexperia kalaunan. Inilipat ang kompanya sa Light Industry & Science Park 1 (LISP 1). Simula noon at hanggang sa kasalukuyan, maraming natamong tagumpay ang unyon na napakinabangan ng mga manggagawa. Kabilang ang pagtaguyod ng dagdag na sahod, bayad na quarantine leave at mga serbisyong pangtransportasyon para sa mga manggagawa noong pandemya at iba’t ibang benepisyo

Bukod dito, sa isang panayam sa Bulatlat noong Disyembre 2023 kay Mary Ann Castillo, kasalukuyang presidente ng NPIWU, pinagtuunan nila ang regularisasyon ng 250 kontraktwal na manggagawa mula sa mga ahensiya na limitado o walang benepisyo sa panahon ng CBA mula 2017 hanggang 2019.

Paliwanag ni Gregorio, isang instrumento ang unyon upang igiit ang kanilang mga hinaing, kahilingan, kagalingan, ligtas na trabaho sa pagawaan, nakabubuhay na sahod at pagkilala sa mga karapatan bilang manggagawa.

“Kaya’t kailangan talagang itayo ang mga unyon sa bawat pagawaan nang sa gayon, makita nila na hindi lamang simpleng manggagawa ang mga manggagawa. Makita natin na may puwang at halaga ang mga manggagawa, lalong-lalo na doon sa sinasabi, na pagpapaunlad ng ating ekonomiya,” dagdag niya. 

Kaugnay nito, kilala ang Pilipinas na kabilang sa mga bansang hindi sumusunod sa mga kumbensyon ng International Labour Organization (ILO) at lumabag sa Convention 87 o Freedom of Association and Protection of the Right to Organise Convention o karapatan sa pagbubuo ng unyon. 

Patunay lang na lantaran ang patuloy na pag-atake at pagbuwag ng mga naglalakihang mga kompanya sa mga progresibong unyon na nagsusulong ng karapatan ng maraming manggagawa.

Sa ngayon, nagbabadyang magwelga ang mga manggagawa ng Nexperia dahil sa patuloy na paglaban sa hindi makataong pagtatanggal sa kanila.

Sa isang panayam ng Pinoy Weekly kay Castillo, pangamba nila ang pagkalagas pa sa kompanya ng 72 pa nilang mga kasamahan sa Oktubre.

Ayon kay Sarmiento, sa naganap sa Townhall meeting, idiniin ng management ang sisi sa unyon kaugnay sa magaganap na strike. 

“Dahil nga sa ginawa ng management sa town hall noong nakaraan, parang inilihis niya ang usapin, [‘yong] sisi sa unyon na sinasabi, kapag nag-strike, mawawalan, magsasara ang kompanya. Para kaming mali,” ani Sarmiento.

Sa pahayag ng unyon, nakamit ang paglago at pagtagal ng kompanya dahil sa dugo, pawis at lakas ng mga manggagawa. Naging posible ito dahil sa kanilang kolektibong lakas-paggawa. Ngunit kaakibat umano nito ang pagpapatupad ng mga polisiya na tunay at patuloy na nagpapahirap sa kanila.

“Kung hindi tayo, sino? Kung hindi ngayon, kailan?” ani Sarmiento nang tanungin kung bakit patuloy pa rin ang kanyang pangunguna bilang opisyal ng unyon sa kabila ng mga kahirapan. 

Aniya, dapat magkaroon ng kamalayan ang mga miyembro kung ano ang kahalagahan ng unyon sa isang pagawaan. Dahil nais nilang makuha rin ng ibang mga manggagawa sa mga katabing kompanya kung ano ang makakamit nila sa Nexperia. 

Sabi naman ni Gregorio, layunin ng pagtatayo ng unyon na ipagtanggol ang interes ng mga manggagawa at mabago ang kalagayan nila sa mga loob ng pagawaan. 

“Hindi lang sa pagsasara ng CBA [nangangahulugan] na ayos na ang manggagawa, kasi hindi naman doon natatapos ‘yong nararanasan niya o ‘yong [kanyang] kalagayan na patuloy na pinagsasamantalahan ng mga kapitalista,” aniya.

Dagdag pa ng unyon, sila na lang at wala nang iba ang magtatanggol sa kanilang mga karapatan sapagkat hawak na nila ang lahat ng batayan para rito.

Dahil dito, itinuturing nilang welga, ang pinakamataas na pagkilos ng manggagawa, ang tanging solusyon para rito.