Buhay na binawi, katarungang inagaw
Parang nawala ang lakas ng aking mga tuhod at napaupo ako sa gilid ng kama. Hindi ko alam kung ano ang iisipin. Paano nangyari ito? Totoo ba ito?
Isang normal na Sabado iyon, walang pasok at bahagyang umuulan. Karaniwan, mga ganitong araw ang pagkakataon para magpahinga, matulog nang mas mahaba o maglakad-lakad sa labas upang magpahangin.
Pero malayo ang araw na iyon sa pagiging normal. Nagising ako sa mga salitang gumulantang sa buong pagkatao ko: “Wala na ang kuya n’yo.”
Parang nawala ang lakas ng aking mga tuhod at napaupo ako sa gilid ng kama. Hindi ko alam kung ano ang iisipin. Paano nangyari ito? Totoo ba ito? Para bang nasa loob pa rin ako ng isang masamang panaginip na hindi ko magising.
Patuloy akong nagtanong sa sarili, umaasang may ibang paliwanag. Bumagsak ang lahat ng iyon nang makita ko ang balita—ang balitang nagpapakita ng katawan ng kuya ko, nakasilid sa isang supot na itim.
Doon ko napagtanto ang katotohanan. Wala na ang kuya ko. Biktima ang kapatid ko—biktima ng isang sistemang walang awa at walang hustisya. Maaaring may pagkakasala siya, ngunit hindi iyon rason para gawin ang kalunos-lunos na pagpatay sa kanya.
Magbebente uno anyos na sana siya noon, pero doon na huminto ang pagbibilang ng kaarawan niya at hindi na nasundan pa. Pinagtulungan ng mga dapat sana’y naglilingkod sa kapayapaan at katarungan.
Ang kalupitan ng mga taong ito, parang mga hayop na walang pakundangan sa buhay ng iba, nagpapakita ng isang sistemang walang respeto sa karapatang pantao.
Para silang tulad ng mga unggoy na pumapatay ng kauri upang ipakita ang kanilang dominansya at palawakin ang kanilang teritoryo. Nag-uunahan sila sa kota, na parang kalakal lang ang kanilang kinukuha, ngunit buhay pala ang binabawi nila.
Sa kasamaang palad, hindi lang ang kuya ko ang naging biktima ng ganitong karahasan. Ilang libo pa ang sumisigaw ng hustisya. Ilang libo ang nawalan ng mahal sa buhay at ilang libong pangarap ang pinatay ng isang gobyernong tila bulag at bingi sa mga hinaing nila.
Sa edad na bente dos, marami na akong nasaksihan, naranasan at napagtanto, ngunit may isang bagay ang hindi ko maintindihan: Bakit ang hustisya ay nananatiling pangarap lang sa iilan?
Patuloy pa rin akong umaasa at naniniwala na darating ang araw na magigising ang lipunan sa katotohanang ang hustisya hindi dapat pangarap lang.
Sa bawat araw na lumilipas at sa bawat sugat na iniwan ng trahedya, patuloy kong isinusumpa ang hindi paglimot, para sa lahat ng nawalan ng boses sa isang sistemang mapaniil.
Ito ang aming kuwento at ng marami pang pamilya, isang kwentong hindi tapos hangga’t ang buhay na binawi ay hindi napagkakalooban ng katarungang inagaw at patuloy na ipinagkakait.